Bagama’t
magkakaiba ang ating pananaw tungkol sa kung anong mga bagay ang makapagpapaligaya sa atin, lahat naman tayo ay magkakatulad na umaayon
sa mga positibong karanasan na nakapagbibigay ng kaligayahan at huwaran sa
ating buhay.
Sa araw-araw na pakikipag-relasyon sa ating
kapaligiran, narito ang limang dakilang susi na ating ginagampanan.
1.
MAGBIGAY -Gumawa ng mga bagay na ikalulugod ng iyong
kapwa. Ang pagmamalasakit sa iba ay isang pangunahing sangkap na ating
ikaliligaya. Ang tumulong doon sa mga karapatdapat ay hindi lamang para sa
kanilang mga kapakanan, bagkus ito ay para din sa atin upang maging masaya at
mapayapa. Ang pagbibigay ay lumilikha din ng matibay na koneksiyon sa pagitan
ng mga tao at nakakatulong na maging matatag ang lipunan para sa lahat. Hindi
ito tungkol lamang sa salapi—makapaglalaan din tayo ng kaukulang panahon, mga
angkop na handog, mga ideya at kalakasan. Kung nais na makaramdam ng kabutihan,
gumawa tayo ng kabutihan.
Kung
may nais kang makuha…ibigay mo muna.
2.
MAKIPAGKAIBIGAN -Ang pakikipag-kapwa ay siyang pangunahin at pinakamahalagang sangkap upang
lumigaya. Ang mga tao na may matibay at malawak na relasyong sosyal ay
maliligaya, malulusog, at nabubuhay nang matagal. Ang matalik na
pakikipagkaibigan ay pagsasama nang maluwat para sa ating dating pamilya, ginawang
pamilya, at mga piniling mga
kapamilya. Nagdudulot ang mga ito ng ibayong pagmamahal, malaking kaibahan,
walang hintong suporta, pagdadamayan at pagtitinginan. Ang malawak na mga
koneksiyong ito ang nakapagdudulot ng pagsasama-sama. Ito ang mga pagkilos na
nagpapalakas at nagpapatatag sa ating mga relasyon at ang paglikha ng mga
bagong koneksiyon ay siyang unang baitang para sa ating patuloy na kaligayahan.
Kung nais mo ng
kaibigan, maging
palakaibigan ka.
3.
ALAGAAN ANG IYONG
KALUSUGAN -Ang ating katawan at isipan ay
magkakoneksiyon. Ang maging aktibo ay nakapagdudulot ng kasiyahan lalung-lalo
na kung iniingatan natin ang ating pisikal na kalusugan. Mabilis nitong
pinagbubuti ang ating mga pakiramdam upang makawala sa mga pasakit at kapit ng
depresyon. Hindi natin kailangang sumali pa sa mga paligsahan—maraming
kaparaanan tayong magagawa upang mag-ehersisyo nang tama sa bawat araw. Kung
nanaisin natin, makakaiwas tayo sa mga sosyal media (facebook, twitter, atbp.), at magawang mamasyal, maglibang, at maglakbay. Kung ang selpon ay may lowbat, tayo naman
ay may puyat. Kailangan ng selpon ang charge,
at tayo naman ang tulog.
Kung nais ay
mahabang buhay,
mabuting kalusugan ang ipamuhay.
4.
PAGMASDAN ANG KAPALIGIRAN -Nasumpungan mo na ba ang kagandahan ng
buhay? Sa totoo lamang, laging nakatunghay ito sa iyo at naghihintay na kunin
mo, dangan nga lamang ay abala ka sa mga bagay na nagnanakaw ng iyong
mahalagang atensiyon. Lalong-lalo na sa mga panandaliang aliwan na kinahiligan
mo nang gawin na mistulang ritwal. Kailangan huminto at gumising nang tuluyaan
mula sa pagkakaidlip. Maging mapagmasid at mapaglimi—alamin kung ano ang iyong
mga priyoridad sa buhay. Tigilan nang halungkatin pa ang nakapanlulumong mga
nakaraan, at umiwas na alalahanin pa ang hinaharap, walang katiyakan ang mga
ito at walang sinuman ang nakakaalam. Ang mayroon lamang tayo ay ang
NGAYON—pagindapatin natin ito, sapagkat dito lamang tayo may kapangyarihang
kumilos.
Walang kahapon
at bukas—NGAYON
ang sandali para gawin ang iyong kapalaran.
5. PATULOY NA MAG-ARAL NG MGA BAGONG BAGAY - Upang maging matagumpay, ang pag-aaral ay
walang humpay. Sa takbo ng mabilis na panahon, kung hindi ka sasabay, ikaw ay mapag-iiwanan.
Anumang nalalaman mo ay kailangang dinadagdagan upang lalong mapaghusay.
Anumang makabuluhang potensiyal na nasa iyo ay kailangang mailabas at
mapakinabangan. Walang silbi ang karunungan kung hindi ito nagagamit. Kahit
punuin mo pa ng katakot-takot na mga diploma, mga sertipiko, mga katibayan, at
mga karangalan ang iyong mga dingding… wala itong mga kabuluhan kung wala
namang kapakinabangan.
Anumang
bagay na hindi pinahalagahan, inalagaan, at dinagdagan, ikaw
ay iiwanan.
Jesse
Navarro Guevara\
Lungsod
ng Balanga, Bataan
No comments:
Post a Comment