Hindi ang pinakamalakas sa atin ang nakakaligtas, hindi rin ang
matatalino, bagkus ang mga sumasang-ayon sa pagbabago.
Kung
malinaw tayo sa ating mga motibo, ang ating mga pagkilos ay lalong lalakas,
sapagkat magagawa natin ang intensiyon nito ng sandaang porsiyento. Ang ating
kusang pagkilos ang nagtutulak sa ating iniisip, binibigkas, at mga ginagawa.
Ito ang nagsusulong sa bawa’t bagay na na nais nating mangyari. Ito ang nagpapasigla na
matupad ang ating mga lunggati. Nangyayari lamang ito kung nakakatiyak tayo
kung ano talaga ang nais nating mapasaatin.
Mayroon tayong
dalawang kapangyarihan sa pagpili: 1) ang pumili; 2) at ang piliin ang tama. Ito
ay kusang nangyyari sa atin nang hindi natin gaanong namamalayan,
Hindi ka nakakatiyak
sa hinaharap at hindi mo rin mapipigil itong
maganap. Ang nakaraan naman ay hindi mo na mababalikan pa. Naglaho na ito at
limot na. Ang magagawa mo lamang ay harapin ang araw na ito at simulan ang
pagbabagong noon mo pa pinapangarap at nais mangyari sa hinaharap. Ngayon na
ang tamang panahon, at wala nang maganda pang pagkakataon para sa iyo kundi ang
mga sandaling ito.
Alamin
at pag-aralan ang iyong buhay.
Narito ang mga katanungan at ikaw lamang ang makakasagot.
Narito ang mga katanungan at ikaw lamang ang makakasagot.
Maitatanong mo kung papaano na posibleng higit na malaman
ang tungkol sa iyo kaysa ang alamin pa ito, (ayon sa iyo ay alam mo na ito, at hindi na kailangang pag-usapan pa), subalit
karamihan sa atin, lalo na yaong mga nananatiling bigo sa buhay at nakasadlak sa kahirapan ay hindi nila
lubusang nakikilala ang kanilang mga sarili. Wala silang kabatiran kung ano ang kanilang
tunay na kalakasan o sadyang kahinaan. Hangga’t wala kang napag-aralan sa iyong sariling buhay,
pawang patama-tama at padaskol na buhay ang mangyayari sa iyo. Walang katiyakan
ang lahat. Kahit saan mapunta ang direksiyon, dito na mananatili. Itanong sa sarili; Kung saan mo kailangang
magsimula?
Marami kang nalalaman sa mga iniidolo
mong tao; artista, tanyag, o pulitiko man ang mga ito. Marami ka ring nabasa na
aklat at napag-aralang buhay noong nag-aaral ka pa. Mga karanasan at
kinawilihang mga gawain o libangan na umaaliw sa iyo. Alin sa mga ito ang nagpapasaya sa iyo? Ang iyong kinagigiliwan? O ,
nais na gampanan sa iyong buhay? Mayroon ka bang kasiglahan o silakbo na
nadarama na nangingibabaw sa iyo na ito ang iyong kailangang gawin? At kapag ginawa mo’y
nakakatiyak ka bang magtatagumpay ka? Ito ba ang iyong ambisyon? Kahit na hindi ka bayaran, ... ay patuloy mo pa ring gagawin? Bakit hindi mo pa gawin ito, ngayon na?
Pag-aralan at limiing mabuti ito:
(Mula sa aking pagkakasalin)
Ang malalim nating pagkatakot ay hindi ang ating
kakulangan.
Ang kinakatakutan nating labis ay ang ating ibayong
lakas na hindi masukat.
Ang ating liwanag, at hindi ang ating kadiliman ang
higit na tumatakot sa atin.
Tinatanong natin ang ating mga sarili, sino ba ako
upang magning-ning,
ang maging kaibig-ibig, matalino, at kahanga-hanga?
Sa katunayan, sino ka at hindi ito magaganap?
Ikaw ay anak ng Diyos.
Ang maliit na pagganap ay hindi nakapaglilingkod sa
mundo.
Walang nagagawang nakakaliwanag ang umiiwas
upang ang ibang mga tao ay hindi maasiwa sa paligid
mo.
Lahat tayo ay nakatakdang magning-ning, tulad ng
gawa ng mga bata.
Tayo ay ipinanganak upang mapatunayan ang
kaluwalhatian ng Diyos na nasa kaibuturan natin.
Hindi lamang tuwiran na nasa ilan ito sa atin,
ito’y naroon sa bawa’t isa.
At kung hahayaan natin ang ating sariling mga
liwanag ay magning-ning, walang malay
nating pinahihintulutan ang ibang tao na gawin ang katulad
nito.
Habang tayo ay napapalaya mula sa ating pagkatakot,
sa ating pagtalaga ay dagliang pinapalaya ang iba. –Marrianne Williamson
Batayan: kung nakaharap ka sa salamin; ay may isang tao
na nakatingin din sa iyo, sino ang nakikita mo? Subalit ito ang totoo, at walang gaanong
nakakapansin. Ginagaya ka nito kahit na anong gawin mo. Bawa’t isipin mo ay
gagawin niya. Subukan mong ngumiti, at ngingiti din ito. Pagalitin mo ang mukha
mo, at magagalit din ito. Alam mo bang sunod-sunuran ito sa iyo? Kahit na
isipin mong tumalon sa bangin, ay tatalon din ito. Sapagkat ikaw lamang ang
makapangyarihan niyang sinusunod at wala ng iba pa. Kung pauuto ka at makikinig sa sulsol ng iba, at habang ginagawa
mo ito sa iyong sarili, ang nakikita mo sa salamin na tao ay walang magagawa kundi
ang sumunod din sa iyo. Ngunit ihanda mo ang iyong sarili sa mga bagabag,
problema, mga paliwanag sa panag-inip, at kapag talagang may tampo na ito sa
iyo ay padadalhan ka pa ng mga bangungot. At kung minsan kapag matindi na ang
galit, ay hindi ka na magigising pa. Ito ang katotohanan at nasusulat pa. (Pakibasa
lamang ang AKO nga Ito at Wala ng Iba pa, 30 Hunyo/11)
Bagaman hindi natin inaasahan, kahit na
lubha tayong abala sa mga gawain, ang tadhana ay naglalagay ng mga balakid
upang subukan kung gaano tayo katapang at may kakayahang magbago; sa mga
sandaling ito, hindi mainam na punto ang magkunwari na parang walang nangyari o
dili kaya ay nagdadahilan tayo na hindi pa handa. Ang paghamon ay hindi
makapaghihintay. Ang buhay na lumipas ay hindi na maaari pang mabalikan. Ang
isang linggo ay sobra ng panahon para sa atin na magpasiya kung tatanggapin o
hindi ang ating kapalaran.
Kung may mga tamang katanungan, ay may mga tamang kasagutan. Dito nakasalig ang iyong tamang kapalaran.
Buhay mo ang
nakataya dito, ang iyong kapalaran ay naghihintay. Nasa iyong mga kamay
nakasalalay ang iyong tagumpay at gayundin ang kabiguan.
Kailanman ay hindi ko matatagpuan ang
aking sarili kung makasarili at lumalayo ako sa kabubuan ng sangkatauhan na
tila ako’y isang ibang uri na nilalang.
Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga,
Bataan
(Pakibasa lamang ang Mga Dakilang Prinsipyo ng Buhay, 07 Disyembre/11)
No comments:
Post a Comment