Pabatid Tanaw

Friday, February 24, 2023

SINO ba ang Kaharap Mo sa Salamin?

 

Kapag mahapdi ang nararanasan binabago
nito ang iyong nakaugalian.
Takot na magbago? Kung nanaisin lamang madali ang magbago, ngunit ang mahirap kung kailan ito masisimulan. Simpleng pang-unawa lamang; ang pagbabago ay isang emosyonal na proseso. Sapagkat tayong lahat ay mga nilalang na may kagawian; basta may nakawilihan tayo na bagay, sa katagalan, ito ay makakahumalingan na. Sapagkat ugali natin ang umulit; dahil makulit tayo sa mga nagpapasaya sa atin… At takot tayong lumusong o makipagsapalaran sa hindi natin nararanasan pa. Kung ano ang komportable at nakasanayan na; ito ay ritwal na at mananatili tayo na sinusunod ito, kahit alam natin na kung babaguhin ay may magandang resulta.
   Ang masamang droga, sigarilyo, alak, at pagtaba ay mga delikado; dahill sa pagmamalabis, buhay ang nakataya dito, subalit marami ang makulit at huli na kung magbagò---at hindi kataka-taka kung maaga silang yumaò.
Narito ang ilang mga suhetisyon bilang mga inspirasyon:
   Baguhin ang kailangang mabago; Batid natin na bago tayo gumawa ng pamingwit sa isda, kailangan nating malaman kung saang ilog ang may maraming isda. May kaalaman tayo sa ipapain at paboritong kagatin ng mga isda. Kung hindi kilala ang sarili, kung ano ang nais, at saan patungo, walang magagawang pagbabago.
   Sundin ang itinitibok ng puso, narito ang iyong simbuyó (passion); Mabilis ang pagbabago kung ang sinusunod ay sariling kagustuhan at hindi sa pangungutyâ at sulsol ng iba.
   -Madali ang yakapin ang mga bagong ideya kaysa itapon ang mga lumang ideya.
   -Ituon sa kalakasan ang atensiyon, doon sa kritikong mga bagay na nakakatulong at hindi sa maraming walang katuturan na nagnanakaw ng iyong mahalagang mga panahon.
   Tanggalin ang mga hadlang; Kapag hinahabol ka ng mga leon, walang saysay pa na maala-ala na ang hangarin mo ay ikulong sila sa malaking hawla, o, kahit ang magdasal pa. Ganoon din ang umaasa, magkasunog lamang, ililigtas ang katawan na walang sermon at pangaral man.
   Nagsisimula ang lahat sa paniniwala; ang tunay na Pilipino ay may pananalig sa kapwa Pilipino. Nagagawa niya na mabigyan ng inspirasyon ang kapwa na magtiwala ito sa sarili. May pagmamalasakit at handang maglingkod anumang sandali.
   Simplehan ang mensahe; Ang gawing kumplikado ang simpleng bagay ay karaniwan na, ngunit ang simplehan ang kumplikado ay kahanga-hanga – at pambihirang magawa. Iba na ang malinaw kaysa malabô. Hayaan ang iyong mga aksiyon ang siyang mangusap; dahil nakikilala ang iyong pagkatao sa iyong mga ginagawa at hindi sa mga salita.

Ang mga bagay na ginagantimpalaan at pinapahalagahan ay yaong mga nagawâ.
 

No comments:

Post a Comment