Pabatid Tanaw

Nababago ang Kinaugalian

 

Ang masamang ugali kapag hindi sinupil at pinalitan ng mabuting ugali, sa katagalan ito ay kagigiliwan at makakasanayan.

Bawat ugali at kakayahan ay iniimbak at pinalalakas ng magkakatugon na mga aksiyon. Anumang bagay, mapabuti o mapasama man kapag patuloy nating ginagawa, ito ay nagiging ugali. Ang ugali na mahilig maglakad, ay nagagawa tayong maging mahusay na mga manlalakad, ang regular na pagtakbo ay nagagawa tayong maging mahusay na mga mananakbo. Ang madalas na pagtugtog ng gitara ay nagiging gitarista. Mahilig na umindak at sumayaw, ang kalalabasan nito ay maging mananayaw. Gayundin sa mga bagay na may kinalaman sa ispirito; kung matibay at patuloy ang ating mga panalangin, tumitibay ang ating pananalig.
   Kapag tayo ay nagagalit; tayo ay nanggagalaitì, at habang patuloy ito, lalong sumisidhî at nauuwi sa pagkamuhî. Katulad ito ng buto ng halaman, kapag itinanim, dinidiligan at patuloy na inaalagaan, yayabong ito, mamumulaklak at magbubunga. Ganito din ang pag-uugali. Kapag nakasanayan na, ito ay makakaugalian at siyang gagawin sa tuwina. Kung ayaw mong lubusang magalit, magtimpi at huwag nang pag-alabin pa ang namumuong pagkainis. Palitan ito ng ugaling mapagtimpi. Higit na mabuti ang magpasensiya at maging mahinahon upang maibsan ang nadaramang poot.
   Lumayo at manahimik. Hayaan na kusang lumamig ang sitwasyon. Walang sinuman ang mananalo sa bawat argumento at mainitang pagtatalo. Makuha mo man ang nais mo at ikaw ang panalo, nawalan ka naman ng kaalyado, at kung minsan ay lihim na kaaway pa. 
   Kahit na hindi ka nakakatiyak sa magiging resulta, ngunit pinipili mo ang tama kaysa mali, at kung papaano mahusay na isakatuparan ito, unti-unti ay makakasanayan mo ito at magiging ugali na. Laging tandaan; anumang kinagigiliwan ay makakasanayan, at sa katagalan ay makakaugalian.
Sinuman ikaw, ang iyong pagkatao ay kabubuan 
ng iyong mga ugali.

Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Pagsisisi sa Bandang-huli

 

Kapag nahuli mo ang elepante sa likurang paa at nagtatangkang makatakas, higit na mabuti na bitiwan upang makawala siya.
Kadalasan kapag may masamang nangyari, sinisisi natin ang ating sarili. Naniniwala tayo na dapat ay nalaman kaagad bago pa ito maganap, at kung alam naman natin na mangyayari ito, naiisip natin na dapat ay mapangalagaan, mapaghandaan o maiwasan ito nang hindi tuluyang maganap.
   Kapag tayo ay naliligalig, natatakot, o nangangamba, madalas ay tumataas ang lawak ng ating responsibilidad. Nagkakaroon tayo ng ibayong pagtuon kung bakit kailangang hindi mangyari ang isang sitwasyon na magpapahamak sa atin. At kung nagkamali, matinding mga bagabag pa ang laging laman ng ating isipan. Sa puntong ito, nararamdaman natin ang ang kahalagahan ng pagkawala o ng nagawang kamalian: ito ay mga pakiramdam ng panghihinayang, kasalanan, kawalan ng ingat, at mahabang pagsisisi.
   Ubusin man natin sa kakaisip kung bakit ito nangyari ay wala na tayong magagawa pa. Hindi na maibabalik pa ang nakaraan at itama ito. Kalabisan pa na bigkasin ang mga kataga na ; dapat, marahil, kung, sana, at sayang. Pag-aaksaya lamang ito ng mahalagang panahon at ninanakaw ang ating mga pagkakataon na makalikha ng mahusay at makabuluhang pagtuon, hanggang sa humina ang ating mga kakayahan at mawalan ng pag-asa na harapin pa nang matatag ang mga problema.
Huwag gawing responsibilidad ang mga bagay na wala kang kinalaman at wala kang kontrol.