Pabatid Tanaw

Tuesday, August 31, 2021

Mapagsuri Ka ba?


Ang balatkayong pamumuhay ay isang hungkag na buhay; ang simple at karaniwang pamumuhay ay isang mapayapang buhay.
 Marami ang hindi nakakaalam kung bakit hindi sila maligaya, laging  may hinahanap ngunit hindi matagpuan. At kung alam naman ay hindi nakahanda sa mga kaganapan at sa mga patibong na nagkalat sa paligid. Nagugulat na lamang sila kung bakit napatali sa isang relasyon na hindi inaasahan, sa trabahong hindi naman pinangarap, sa usapin na kinasangkutan nang wala namang kinalaman, at sa buhay na pawang pagkukunwari, sa mga pretensiyon at sa mga ipokritong asal na nagpapahamak. Gayong madalas na may nagbubulong, ano ang nararapat gawin, at papaano magagawa ito. Mahirap ang magsinungaling kapag budhi na ang humihiyaw. Lalo na ang magpanggap ng isang pagkatao na hindi naman ikaw.
   Huwag piliting manggaya at tumulad sa iba, isa kang pambihira at hindi isang kopya. Kailanman ay hindi mo mailalabas ang nakatago mong potensiyal upang makarating sa iyong patutunguhan. Hindi mo magagawa ito. Sa dahilang gaano man kalaki ang natanggap mo, o maging mataas na posisyon ang nahawakan mo, ganito ding sakripisyo ang isusukli mo. Subalit lahat ng ito ay mapapasaiyo kung gagamitin mo sa kagalingang panlahat. Ang intensiyon mo ang namamatnubay at nagdedetermina ng mga resuta nito. Simulan at ang lahat ay madali na lamang.
Doon sa mahilig sumunod at gumaya sa iba, lagi silang naliligaw ng landas.
 

Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

 

 

Huli man daw at Magaling, Maihahabol din

 

 Kung may mga katanungan, tiyak na may nakalaan ding mga kasagutan. Kung nais mong magtagumpay, ikaw ba ay nakahandang gawin ang lahat upang ito ay maging katotohanan? Palagi mo bang itinataas ang iyong antas at kahalagahan sa tuwina? Malinaw ba at nakaplano ang iyong mga ginagawa sa ngayon? Ang mga ito ba ay para sa iyong kaunlaran at magiging maligaya ka kapag natupad mo? 

Pag-aralan at subukang gawin ang mga sumusunod: 
1-Kung manggagaya din lamang, pilitin na makisama sa mga tao na nagtataglay ng mga katangiang ito: uliran, eksperto sa kanyang trabaho, magandang halimbawa sa pamayananan, may puso at malasakit sa kapakanan ng mga nangangailangan. 

2-Palaaral at palabasa ng mga inpormasyong tungkol sa kahusayan, kabayanihan, kabuhayan, at kaunlaran. 
3-Matiyaga at masinop sa paggawa, hindi inaaksaya ang panahon sa mga walang katuturan at walang kapakinabangan. 
4-Walang takot at mapangahas sa paglikha ng mga paraan sa abot nang makakaya upang matupad ang mga pangarap. 
5-Talos at laging tinatandaan na ang pagiging eksperto ay isang proseso, at hindi isang nakabimbing karangalan na naghihintay ng mga papuri at mga palakpak.

6-Kumikilos bilang ekstra-ordinaryo at hindi umaayon sa karaniwan; sa pananamit, sa mga pagkilos, sa mga kagamitan, sa pagdadala sa sarili, sa pananalita, may pansariling pananalig at pagtitiwala na sadyang naiiba sa karamihan. 
7-Batid ang kanyang buong pagkatao, kung ano ang kanyang mga nais, at alam kung saan siya patungo.

   Kung mayroon ka ng mga ito, hawak mo ang buong daigdig. Ikaw ang higit na may kontrol at pagsupil sa iyong mga kapaligiran. Dahil kung eksperto ka sa iyong larangan, ang tagumpay ay laging nasa iyo. Ang proseso sa paghahayag ng iyong mga katangian at mga kakayahan ay mahalagang mga potensiyal para mapaunlad mo ang ibayong pagtitiwala sa sarili. Malaking bahagi ito ng iyong personalidad na maging mahinahon, masikhay, at may matatag na paninindigan sa lahat ng mga pagsubok na dumarating sa iyong buhay. Hindi kataka-takang ang kaunlaran at kapanatagan ay laging kakampi mo. 

Jesse Navarro Guevara 
Lungsod ng Balanga, Bataan 

Ikaw, Siya, at si Relasyon

  

 

Hindi natin maitatanggi na sa bawat pakikipag-kapwa ay may panuntunan tayong sinusunod. Marapat lamang na maala-ala nating muli ang mga ito nang hindi tayo maligaw at mauwi sa alitan ang ating mga relasyon.
1-Huwag makaligtaan ang isang pagkakataon na banggitin ang isang magiliw at nagpapatibay na mga kataga o pangungusap tungkol sa isang tao. Magpahalaga at pumuri sa mabuting gawain, kahit na sinuman ang may gawa nito.
2-Kapag ikaw ay nangako, pahalagahan at tuparin ito nang walang anumang alinlangan. Huwag basta mangako nang hindi mapako.
3-Pigilan ang dila, kung maaari lamang ay gapusin ito. Sapagkat may kapangyarihan itong pumatay at bumuhay. Alamin kung ito ay sanhi ng biglaang emosyon o masusing paglilimi ng isipan. Kung papaano mo ito binibigkas; asta at diin ng mga kataga ay naghahayag ng damdamin at kadalasan nakakalimutan natin na may pakiramdam ang ating kaharap at marunong ding masaktan. Kung bugbog lamang ay puwede itong makalimutan ng isang tao, subalit ang saktan ang kanyang damdamin, hindi niya ito makakalimutan sa habang-buhay.
4-Ipahayag ang iyong interes sa iba, magbigay ng kaukulang atensiyon---sa kanilang mga pangarap, sa kanilang mga gawain, at gayundin sa kanilang mga pamilya. Magbunyi at magsaya na kasama ang mga tao na may pagpapahalaga at may respeto. Makiramay at tumulong sa panahon ng kanilang mga pangangailangan. Tanggapin ang bawat isa na iyong nakakasabay at nakakasalubong sa buhay bilang mga importante at espesyal na ipinadala sa iyo para pagandahin ang iyong paglalakbay sa buhay na ito.
5-Maging masayahin at magiliw kaninuman. Iwasang dumaing at gawing basurahan ng iyong mga hinaing, mga reklamo, mga paninisi, mga pagka-inggit at mga inseguridad ang kaisipan ng mga tao na iyong nakakasama.

Tagubilin ni Inang: “Ang mabisang paraan para mamuhay nang masaya kapag kapiling ang ibang tao, ay ang umiwas na pumuna, pumintas, at manisi, kundi ang banggitin nang may paghanga ang kanilang mga kabutihan at pagiging uliran.” Sa madaling salita; “Pumintas nang lihim at pumuri nang hayagan.”

Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

 

Pahalagahan ang Sarili

 

Kung may nais kang makuha, ito ay ibigay mo muna. Tulad ng paggalang, hindi ka kailanman igagalang nang hindi ka muna gagalang. Kailangan mong umunawa bago ka maunawaan. Kailangan mo ng edukasyon? Mag-aral ka muna. Kailangan mong mahalin? Magmahal ka muna.
At taliwas naman dito;
   Kung wala silang respeto, o pagpapahalaga at pagbubunying inuukol para sa iyo, makakatiyak ka na wala silang panahon at hindi ka nila kailangan. Para sa kanila, isa kang problema at hindi solusyon. Ito na ang tamang panahon na umiwas ka at mahalin sila nang may distansiya.
   Hintuan na ang mag-aksaya pa ng iyong panahon sa mga tao na walang pagpapahalaga sa iyong atensiyon. Tandaan lamang ito: Ituon ang iyong panahon sa mga tao na sadyang may pagmamaahala sa iyo. Ang panahong inuukol mo sa mga tao na may pagmamalasakit at pagpapahalaga sa iyo ay walang katumbas. Ito ang iyong tamang karelasyon.
Bakit po???
Sapagkat kung saan ka masaya, naroon ang puso mo.
...at doon naman sa mga tao na walang malasakit at pagpapahalaga para sa iyo;
Huwag ipagdamdam sakalimang balewala ka sa kanila. Dahil ang walang pakiramdam na mga tao ay walang kakayahan para sa mga ekspensibo o mahalagang mga bagay, sapagkat maramot at walang maibabayad (panahon) sila.
…at, siyanga pala, iwasang habulin ang mga ganitong tao. Igalang ang sarili na maging tunay ka. Gawin kung ano ang tunay na mahalaga para sa iyo, at hindi mula sa mga sulsol nila. Ang wagas at tamang mga tao na sadyang nakaukol para sa iyo ay darating at mananatili sa iyong tabi. Ito ay nasusulat at nakalaang katotohanan.
Bakit po?

Sapagkat sa buhay na ito; may mga tao na darating sa iyong buhay bilang mga pagpapala, at may mga iba naman na dumarating bilang mga leksiyon. Palaging may mga kadahilanan kung bakit may mga tao na nakakasabay o nakakasalubong tayo, may leksiyon at pagtuturo. Sa dalawang pagkakataon na ito, kailangan mong baguhin ang iyong buhay, at kung hindi naman ay ikaw ang babaguhin nila.

 Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan


Iwasan ang Masangkot sa mga Walang Saysay

 
UMIWAS: HUWAG nating gawin ang mga ito:

HUWAG mong hayaan na makapangyari ang mga negatibo at nakakalasong bagay na makaapekto sa katinuan ng iyong isipan. At sa kalaunan ay mistulang lason na unti-unting pumapatay sa iyo.
HUWAG hayaan ang mga aksiyon ng ibang tao ay magdulot ng kapighatian sa iyong puso.
HUWAG hayaan na manaig ang kalapastanganan ng iba ay sirain ang maganda mong pangarap.
HUWAG hayaan ang patuloy na pamumuna, pamimintas, at pananakit sa iyong damdamin.
HUWAG hayaan ang mga paninira sa iyong reputasyon na wasakin ang iyong pananalig sa sarili.
HUWAG hayaan ang mga taga-duyan, mga tagasulsol, at mga tagausisa na makialam sa iyong sariling buhay. Hindi sila ang mapapahamak kundi ikaw mismo.
HUWAG hayaan ang kayabangan at pagmamataas ng iba ay magaya mo kapag nakisama ka sa kanila.
HUWAG hayaan na tuluyang mawasak ang iyong pamilya sa kasamaan ng isang miyembro nito.
HUWAG hayaan ang iyong kapaligiran na maging maingay, marumi, at magulo, hindi ka patatahimikin nito. Gawing tahimik, malinis, at maayos ang lahat, ...para manaig ang kapayapaan.
HUWAG hayaan na laging maging biktima ks sa kamalian at pagsasamantala ng iba.
HUWAG hayaan na manatiling bilanggo ka ng walang sawang pang-aabuso sa iyong kahinaan.
HUWAG hayaan na mawalan ng kabuluhan ang mga aral at leksiyon na iyong naranasan. Sa pamamagitan nito ... ang siyang magpapalakas sa iyo na tumindig at lumaban para sa iyong kapakanan.
 

Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan