Pabatid Tanaw

Saturday, November 28, 2020

Magsimula na, NGAYON din


 Lahat ng bagay na ating nakikita na gawa ng tao ay nagsimula muna sa isang imahinasyon. Inisip ito, kinilatis, pinag-aralan at iginuhit. Mula dito ay nagplano at nang makatiyak ay isinakatuparan. Mula sa isang imahinasyon naging pisikal itong bagay.

Kung tutuusin, lahat tayo ay mapanlikha. Nagagawa natin ang maraming bagay kung ang mga ito ay ating nanaisin. Nasa ating mga pagkilos lamang upang matupad ang ating mga pangarap. Nakakatiyak tayo na magaganap ang lahat kung lalakipan natin ito ng pananalig.

Nasa pananalig ang ating gabay, dito natin tahasang masusumpiungan ang minimithi nating lunggati. Kung kapos at wala ito sa kaibuturan ng ating puso, anuman ang ating simulan ay mauuwi lamang sa kawalan. Ang pananalig ay mismong apoy na nagpapasiklab sa ating damdamin na magpatuloy pa hanggang makamit natin ang tagumpay.

Kung sadyang wala ito sa atin, mistula tayong tuyot na patpat na matuling tinatangay ng agos sa ilog at patuloy na isinasalpok sa mga batuhang dinaraanan. Ang pananalig ang ating patnubay at siyang nangingibabaw sa lahat ng ating mga adhikain sa buhay.

Jes Guevara                                                                                                             wagasmalaya.blogspot.com                                                                                                                     Facebook –Jesse Guevara

No comments:

Post a Comment