Pagbabalik Tanaw sa Ating Pambansang Pagkakaisa bilang Pagpupugay sa Kagitingan ng Ating mga Bayani.
Napagtanto ni Gat Andres Bonifacio na kailangang palakasin ang pagkakaisa ng mga kasapi sa Katipunan (KKK -Kataastaasan, Kagalanggalang Katipunan ng mga Anak ng Bayan), ang bawat kasapi ay kailangang madisiplina at maturuan ng doktrina tungkol sa mga adhikain at panuntunan ng himagsikan.
Dahil dito, isinulat ang Kartilya ng Katipunan (Primer of Katipunan) bilang mga batayang aral sa mga bagong kasapi ng samahan, na kung saan ito ang naging pangunahing panuntunan sa mga prinsipyo at kautusan ng Katipunan. Ang unang edisyon nito ay sinulat ni Emilio Jacinto, at sa kalaunan ay binago ni Gat Andres Bonifacio bilang Dekalogo (Kautusan).
Ang Dekalogo ni Gat Andres Bonifacio
"Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya sa pagka-dalisay at pagka-dakila gaya ng pag
Ang Kartilya ng Katipunan
Mga Aral ng Katipunan ng mga Anak ng Bayan ni Emilio Jacinto
I Ang buhay na hindi ginugugol sa isang matayog at banal na layunin ay punong walang lilim, o kung hindi man ay nakalalasong damo.
II Ang gawang magaling na may pagyayabang o may paghahangad na makasarili ay hindi tunay na kabaitan.
III Tunay na kabanalan ang pagkakawang-gawa, ang pag-ibig sa kapuwa at pagiging tama sa kilos, sa gawa, at sa salita.
IV Maitim man o maputi ang kulay ng balat, lahat ng tao'y pantay-pantay; mangyayaring ang isa'y hihigitan sa dunong, yaman, sa ganda; ngunit hindi mahihigitan ang kanyang pagkatao.
V Mas pinahahalagahan ng taong marangal ang kanyang puri kaysa pansariling kapakinabangan sa taong tampalasan, ang inuuna ay sariling pakinabang.
VI Sa taong may hiya, salita'y panunumpa.
VII Huwag mong sayangin ang panahon; ang yamang nawala ay maibabalik: ngunit ang panahong nagdaan na ay di na muling magdaraan.
VIII Ipagtanggol ang inaapi at labanan ang nang-aapi.
IX Ang taong matalino'y nag-iingat sa bawat sasabihin; matutuong ipaglihim ang dapat ipaglihim.
X Sa matinik na daan ng buhay, lalaki ang siyang gabay ng asawa at mga anak; kung ang umaakay ay tungo sa masama, sa kasamaan din hahantong ang inaakay.
XI Huwag mong tignan ang babae na libangan lamang, kundi isang katuwang at karamay sa mga kahirapan nitong buhay; gamitin mo nang buong pagpipitagan ang kanyang (pisikal na) kahinaan, at alalahanin ang iyong inang pinagsimulan at nag-aruga sa iyong kasanggulan.
XII Ang hindi mo ibig na gawin sa iyong asawa, anak, at kapatid ay huwag mong gagawin sa asawa, anak, at kapatid ng iyong kapuwa.
XIII Hinidi makikita sa pagiging hari ang halaga ng tao, hindi rin sa tangos ng ilong at puti ng mukha, ni sa pagiging pari na kinatawan ng Diyos, hindi sa taas ng katayuan sa lipunan; totoong tao at mataas na uri, siyang laki sa gubat at walang nababatid kundi sariling wika, yaong may magandang asal, may isang salita, may dangal at puri, yaong hindi nagpapaapi at hindi nang-aapi; yaong marunong magmahal at magmalasakit sa bayang kanyang sinilangan.
XIV Sa paglaganap ng mga aral na ito, maningning na sisikat at sasabog ang matamis na liwanag ng araw ng kalayaan dito sa ating kapuluan ng nagkakaisang magkakalahi't magkakapatid, ang mga ginugol na buhay, pagod, at mga tiniis na kahirapa'y labis nang matutumbasan. Kapag napag-aralan na ang lahat ng ito at naniwala siyang kaya nang gawin ang mga magiging tungkulin, maaari nang punan ang pormularyo ng pagsapi.
----ooo-----