Pabatid Tanaw

Thursday, March 19, 2020

May paG-asa ang Lahat


Maraming tao ang inaaksaya ang kanilang buhay mula sa katwirang 'bahala na'. Laging biktima ng kaganapang umiiral sa paligid niya. Nabubuhay sa mga paghatol, opinyon at awa ng ibang tao. Patuloy na nakatingin sa nakalipas at narito ang batayan ng kanyang mga saloobin. Kapag nangusap, mapapansin na laging may hinanakit, mga daing, reklamo at paninisi. Tinataglay ang kaisipang 'talangka' kapag may nakaungos o nagtagumpay na iba. Ritwal na ang manibugho, mainggit, mainis, at manira. Mahilig pumuna at mamintas, may problema sa bawat solusyon. Hindi naman tinatanong, laging nakasagot. Sa bawat usapan, may intriga at mga isyu. Hindi na nakakatulong nagiging PABIGAT pa.
   Karamihan ay nalimutan na may letrang 'G' sa katagang PAASA. Narito ang kasagutan upang magpatuloy pa, na may paG-asa kung nagtitiwala, nananalig, at nagpapakupkop sa higit na makapangyarihan sa lahat.

Narito ang mga Panuntunan upang Makaiwas sa Ganitong Kalagayan
1. Iwasan ang iyong mahapding nakaraan na kontrolin ang iyong kasalukuyang buhay at pati na ang hinaharap. Anuman ang nakalipas, ito ay naglaho na at hindi na maibabalik pa, kundi ang tanggapin na mga leksiyon upang maging matatag sa buhay. Hayaan nang mawaglit ito nang tuluyan sa isipan upang mapag-ukulan ng sapat ang kasalukuyan. Anuman ang ginagawa mo sa ngayon, ito ang magdedetermina ng iyong hinaharap at magiging kapalaran.
2. Ikaw lamang higit sa lahat ang may tanging kapangyarihan na tahakin ang sariling landas. Iwasan kontrolin ka ng mga opinyon at mga kahatulan ng ibang tao kung saang direksiyon ka dapat magtungo. Inililihis ka lamang nila upang sila ang masunod at magpatakbo sa sarili mong buhay, ngunit kapag nabigo ka, ikaw at hindi sila ang masasaktan o magdurusa. Mapaghanap ng atensiyon ang mga inis-talo o mga kritiko. Hindi sila ang magtatakda ng iyong kapalaran.
3. Panatilihin na bukas ang kaisipan sa mga pagbabagong nagaganap. Walang idudulot na makabuluhan kung limitado o nakapinid ang isipan sa mga walang batayang paniniwala. Maging mapanuri, kung ang pinag-aaksayahan ng panahon ay magagawang lunasan ang iyong gutom. Tandaan lamang na kailangan mong kumain ng tatlong beses sa maghapon. Kung hindi nito matutugunan ang iyong mga pangangailangan huwag iaasa o maging pabigat pa sa iba.
4. Iwasan na makipagtunggali o makipag-paligsahan sa iba. Kailanman ay hindi ka mananalo, sapagkat kahit na makamit mo ang tagumpay na ninanasa, mayroon na namang hahamon sa iyo. Higit na mabisa ang hamunin ang iyong sarili, ito ang angkop na karibal mo. Ang higitan at husayan pa ang mga nagawa mo kahapon ngayon. Dahil sa pamamagitan nito, nadaragdagan at nagpapatuloy ang iyong kaalaman at kahusayan.
5. Maglimi at pag-aralan na may dalawang uri ng persona o katauhan na naglalaban sa iyong pagkatao. Kasingtulad ito ng anghel at demonyo; positibo o negatibo; kaligayahan o kapighatian; victor or victim; buhay o kamatayan. Sinuman o anuman ang piliin mo sa kanila, ito ang iyong gagampanang kapalaran.
6. Huwag habulin ang pagmamahal, salapi, karangyaan, o maging ang tagumpay. Sa halip, matinding pag-ukulan ng atensiyon ang sarili, ang ninanasa mong pagkatao na maging IKAW at ang lahat ng mga bagay ay kusang maghahabol sa iyo. Ito ay nasusulat at nakatakdang maganap sa iyo.
7. Kung nais mo ng pagbabago, simulan mo sa iyong sarili. Ang iyong halimbawa ang pinaka-mabisang sermon na iyong magagawa. Walang patutunguhan ang madaldal na tao kung kulang naman sa gawa. Ang paninisi ay ugali ng mga tao na sawimpalad at inis-talo.
   Ang mabubuting tao ay nagdudulot ng kaligayahan.na kailangang pakitunguhan.
    Ang masasamang tao ay mahapding karanasan na huwag pahalagahan.
     Ang masasaklap na tao ay mga leksiyon na huwag pamarisan.
       at ang mga dakilang tao ay mga kaalaman na kailangang matutuhan.
Pagpapatunay... ang dakilang handog na makakaya mong ibigay para sa iyong sarili ay ang iyong pansariling transpormasyon.


Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment