Pabatid Tanaw

Saturday, February 29, 2020

Lahat ay Panandalian Lamang

Maging ang sandaling ito ay maglalahò, sa isang kurap lamang.
 
Ang buhay ay patuloy at kailanma’y hindi ka hihintayin nito. Bagamat may kanya-kanyang kabanata ang bawat panahon o istorya sa ating buhay, ito ay may  malaking kahalagahan kung anong antas sa pagkatao natin ang naganap at siya nating patuloy na ginagampanan. Ito ang tahasang magtatakda sa uri at kalidad ng ating pamumuhay. Narito ang kasaganaan o kasalatan, kaligayahan o kapighatian, at pagkabuhay o kamatayan.
   Sinuman ikaw ngayon, ito ang ginawa mo kahapon o sa nakaraan. Resulta ito ng mga pagpili at mga kapasiyang tinupad mo. Sakalimang ipagpapatuloy mo pa ang mga ito, makakatiyak ka sa magiging kalagayan mo sa hinaharap. Ngayon pa lamang ay nililikha mo na ito. Kung sadyang nais mo ng pagbabago, ngayon pa lamang ay sisimulan mo na ito.
   May mga pintuang isinasarado, ngunit mayroon ding mga pintuan na binubuksan, may mga kabanatang nagwawakas, subalit mayroon ding mga bagong kabanata na nagsisimula. Kung may kadiliman, mayroon ding liwanag. Anupat lahat ay may angking kasagutan; kung may problema, may solusyon. Ang mahapdi lamang, ay kung pinoproblema ang isang problema at pinag-aawayan pa na problemahin ito nang puspusan! Ang pamantayan para bdito: Ang problema ay hindi pinag-uusapan kundi nilulunasan.
   Bawat bagay ay lumilipas, at ang tanging paraan na magagawa natin ay payagan ito na kusang maglaho. Lalo na ang mga mapapait na karanasan at mga walang katuturang nakaraan. Mga bagabag at karagdagang mga bagahe ito na nagpapahirap sa atin na makakilos nang maginhawa sa ating paglalakbay sa buhay.
   Hintuan na ang mga ligalig, ang walang hintong mga alitan, ang mga kapalaluan at mga kahangalan, sapagkat wala na itong puwang pa sa iyong kalooban. Isarado ang pinto, palitan ang istorya, baguhin ang kabanata, linisin ang bahay, pagpagin ang mga alikabok.

   Palitan na kung sinuman ka noon, at magbago na patungo sa tunay at nais mong maging ikaw, NGAYON!~
 
 Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment