Pabatid Tanaw

Saturday, February 29, 2020

Ang Personal na KAGANAPAN

Kung hindi ka kikilos, ikaw ang kikilusin ng iba.
Mayroong malaking pagkakaiba sa pagitan ng bulag na kapalaran at landas ng personal na kaganapan. Naisin man natin o hindi, nagkamulat na lamang tayo na may mga kamag-anak. Nagkaroon tayo ng mga magulang na hindi natin pinili at kapaligiran na nagpalaki sa atin. Ito ang kapalaran na itinakda para sa atin. Subalit nang tayo ay magkaisip, may kapangyarihan naman tayo na piliin at pagpasiyahan ang istorya ng ating magiging buhay; ang ating personal na kaganapan.
   Kapag kapalaran ang pag-uusapan, wala tayong kapangyarihan o kalayaan na makontrol ito. Mistula tayong mga robot na de susi na pinakikilos ng tadhana. Subalit sa personal na kaganapan, mayroong tayong misyon na kailangang tuparin; ang manifestasyon ng pagkakalitaw natin dito sa mundo. Dito nakatuon kung sino ikaw, ano ang iyong mga naisin sa buhay, kung saang direksiyon ikaw patungo, at kung papaano mo makakamtan ang mga ito. Sapagkat walang katuturan ang mabuhay pa kung hindi mo pinaglimi ang sariling buhay.

   Kung ang iyong mga hangarin ay nakabaon at naglalagablab sa iyong kaibuturan, ang Sansinukob ay makikiisa sa iyo. Subalit kung ikaw ay patama-tama at may padaskol na pamumuhay ito rin ang iyong kasasadlakan. Lagi lamang tanungin ang sarili, kung gaano na kalayo ang narating mo sa paglalakbay para matupad ang iyong mga pangarap. Kapag malinaw mong nasasagot ito, kailanman ay hindi ka maliligaw sa landas na iyong tinatalunton. Alalahanin, na tanging ikaw lamang ang gumaganap sa personal na istorya ng iyong buhay.



 Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Iwasan ang Maging Kopya


Huwag basta makisakay, ikaw ang magmaneho ng sarili mong sasakyan.

Lahat ay nagsimula sa kataga, bawat bagay na maisip natin kung walang pangalan hindi natin ito mabibigkas. Yaon lamang mga bagay na ating nalalaman at naranasan ang maaari nating pag-usapan. Sapagkat para saan pa, kung babanggitin mo sa akin ang kapurunggit mong alam at hindi ko nababatid ito at naranasan man lamang. Pag-aaksaya lamang ito ng panahon at mauuwi sa alitan. Subalit kung ito ay alam mo at alam ko din, para saan pa na pag-usapan pa ito kundi ang magtaltalan at magtsismisan na lamang.
   Maraming bagay tayong kinagisnan, kinahumalingan, at nakasanayan. Subalit iilan lamang sa atin ang ganap na nauunawaan kung kabutihan at hindi kasamaan ang tinutungo ng mga ito. Madali ang sumakay at makiayon sa paniniwala ng isang tao, ngunit ito nga ba ang kailangan mo para paunlarin ang iyong sarili? Ang patuloy na sumunod sa mga opinyon at ipinag-uutos ng iba? Huwag payagan na matapos ang iyong buhay na isang kopya, patugtugin and sariling musika habang ikaw ay buhay pa. Marami sa atin ang ganap na bulag at sarado ang isipan kapag pinipilit na gisingin sila ng iba. Dahil marami ang tulog, natutulog, at nagtutulog-tulugan. 
   Maihahalintulad ito sa isang tao na nalulunod dahil may hawak siyang malaki at mabigat na bato na nagpapalubog sa kanya at ayaw niyang bitiwan. Higit na mamatamisin pa niyang lumubog na kasama ang bato kaysa bitiwan ito at makaahon sa tubig para mailigtas ang kanyang sarili. Marami ang may ganitong saloobin, kahit baluktot at wala na sa panahon ang ipinaglalabang paniniwala at pikit-mata pa ring ipinagtatanggol ito, kahit na mauwi pa sa matinding alitan at ibayong kapahamakan.

   Makakabuting iwasan sila at takbuhan, sapagkat ang pumatol sa mga baliw ay kamatayan ang hantungan.

 Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Lahat ay Panandalian Lamang

Maging ang sandaling ito ay maglalahò, sa isang kurap lamang.
 
Ang buhay ay patuloy at kailanma’y hindi ka hihintayin nito. Bagamat may kanya-kanyang kabanata ang bawat panahon o istorya sa ating buhay, ito ay may  malaking kahalagahan kung anong antas sa pagkatao natin ang naganap at siya nating patuloy na ginagampanan. Ito ang tahasang magtatakda sa uri at kalidad ng ating pamumuhay. Narito ang kasaganaan o kasalatan, kaligayahan o kapighatian, at pagkabuhay o kamatayan.
   Sinuman ikaw ngayon, ito ang ginawa mo kahapon o sa nakaraan. Resulta ito ng mga pagpili at mga kapasiyang tinupad mo. Sakalimang ipagpapatuloy mo pa ang mga ito, makakatiyak ka sa magiging kalagayan mo sa hinaharap. Ngayon pa lamang ay nililikha mo na ito. Kung sadyang nais mo ng pagbabago, ngayon pa lamang ay sisimulan mo na ito.
   May mga pintuang isinasarado, ngunit mayroon ding mga pintuan na binubuksan, may mga kabanatang nagwawakas, subalit mayroon ding mga bagong kabanata na nagsisimula. Kung may kadiliman, mayroon ding liwanag. Anupat lahat ay may angking kasagutan; kung may problema, may solusyon. Ang mahapdi lamang, ay kung pinoproblema ang isang problema at pinag-aawayan pa na problemahin ito nang puspusan! Ang pamantayan para bdito: Ang problema ay hindi pinag-uusapan kundi nilulunasan.
   Bawat bagay ay lumilipas, at ang tanging paraan na magagawa natin ay payagan ito na kusang maglaho. Lalo na ang mga mapapait na karanasan at mga walang katuturang nakaraan. Mga bagabag at karagdagang mga bagahe ito na nagpapahirap sa atin na makakilos nang maginhawa sa ating paglalakbay sa buhay.
   Hintuan na ang mga ligalig, ang walang hintong mga alitan, ang mga kapalaluan at mga kahangalan, sapagkat wala na itong puwang pa sa iyong kalooban. Isarado ang pinto, palitan ang istorya, baguhin ang kabanata, linisin ang bahay, pagpagin ang mga alikabok.

   Palitan na kung sinuman ka noon, at magbago na patungo sa tunay at nais mong maging ikaw, NGAYON!~
 
 Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Kilala Mo ba kung Sino Ka?

Makakabuting alamin natin muna ang ating mga sarili, kaysa simulang makialam sa iba.
Isang maestro karpintero na kasama ng kanyang mga katulong ang naisipang akyatin ang bundok ng Mariveles sa lalawigan ng Bataan, sa paghahanap ng troso na magagawang tabla. Nakakita sila ng dambuhalang punong-kahoy; kahit na maghawak kamay ang limang katao at paikutang yakapin ang puno ay hindi pa rin nila mapagdugtong ang mga dulo ng kanilang mga kamay. Sadyang nakakalula ang laki ng puno at halos maabot na ang ulap sa pinaka-tuktok nito.
   “Huwag na nating pag-aksayahan pa ng panahon ang punong ito,” ang utos ng maestro karpintero. “Mauubos ang ating oras, at kailanman ay hindi natin mapuputol at maibubuwal ang puno na ito. Kung nais nating gumawa ng bangka; sa laki at bigat ng punong ito, tiyak lulubog lamang ang bangka. Kung ang gagawin naman natin ay gusali, kailangang tibayan nating maigi ang mga tabla na gagawing dingding, bubungan, at mga haligi para lalong tumibay. Iwanan na natin ang punong ito, dahil kung ito ang ating uunahin, wala tayong matatapos.”
   Nagpatuloy sa paghahanap ng kailangang katamtamang troso ang grupo, nang magpahayag ang isang kasamahan, “Sayang naman ang malaking puno na iyon kung walang kabuluhan kahit kanino.”
   “Diyan ka nagkamali,” ang pakli ng maestro karpintero. “Ang punong-kahoy na iyon ay tunay sa kanyang naging kapalaran. Kung siya katulad lamang ng iba, matagal na siyang naputol at naging troso. Dahil may naiiba siyang kagitingan at katapangan, nagawa niyang maging kakaiba, at mananatili siyang buhay, nakatayo at lalong matatag sa mahabang panahon.”

   Nasa ating pagturing sa ating sarili kung nais nating maging agila sa himpapawid o maging ibong pipit na nagtatago sa matinik na siit. Nasa ating mga katangian at mga kakayahan kung anong kalidad sa buhay ang nais nating marating. Hanggat nakatingin at naghihintay sa iba, mananatili kang kopya at pamunasan ng iba.
 Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Saturday, February 08, 2020

Malabis na Pag-alala


 Simulan nang lunasan ang anumang kaligaligan 
upang matamo ang kapayapaan.
To KARLO,
This is all about BEING WORRIED most of the time.
During the birthday of your tito Ojie, last Jan.8 at his retreat compound in Mapandan, Pangasinan.
I asked Cris, son of your tito Tony.
"Tila nag-aalala ka, Cris? Ang tanong ko.
"Problema po tito Jes.
"Anong ibig mong sabihin?" Ang urirat ko.
Lahat po tayo tito Jes, may problema... Kaya lamang iba-iba."
Usisa ko, "Kung may problema ka, puwede ba itong malunasan?"
"Opo tito"
"Kung gayon, hindi ito problema, kasi puwede naman palang lunasan, eh bakit pinoproblema mo pa." Ang pahayag ko naman.
Natawa siya, "Oo nga naman." Ang susog ni Ojie.
Pangalawang tanong:
"Kung may problema ka pa, magagawa mo ba itong lunasan?
Hindi po tito, kasi wala pong katiyakan." Ang paliwanag ni Cris
"Eh, kung gayon, bakit mo pinoproblema pa, eh,wala naman pa lang kalutasan."
Natawa si Cris, sabay kamot sa kanyang batok.

Sa makatwirang pahayag; Ginagamit ang katagang "problema" o suliranin sa ating wika kapag may mga bagay tayong hindi malutas. At walang sapat na kataga upang  ganap natin itong matukoy. Subalit hindi ito angkop na pantawag. Nakagisnan na natin ang katagang "problema" mula sa mga Kastila, dahil ito lamang ang kanilang naunawaan, gayong napakarami nating mga kataga na angkop sa bawat kaganapan o sitwasyon. Halimbawa: Sagwil, balakid, hilahil, alalahanin, suliranin, hinaing, panimdim, agam-agam, dili-dili,at marami pang iba. Sa lahat ng mga ito, upang madaling bigkasin "problema" ang idinadaing.
Kapag tinanong mo kung bakit nag-aalala, ang karaniwang sagot, "No problem."

Point to ponder: Problema na, huwang nang paroblemahin pa.
Ang problema ay hindi pinag-uusapan kundi nilulunasan.
Again: If the problem can be solved why worry? If the problem cannot be solved worrying will do you no good.
WORRY is a total waste of time. It doesn't CHANGE anything. All it does is STEAL your joy and keep you veRy BUSY doing NOTHING. 
-papa