Pabatid Tanaw

Thursday, June 27, 2019

Kapalaran Ko Ito



Sa lahat ng sandali ay laging may bumubulong na mahiwaga at munting tinig sa ating isipan. Dalawang uri ito; positibo at negatibo, kaligayahan at kapighatian, tagumpay at kabiguan, pagkabuhay at kamatayan.  At nasa iyong kapangyarihan kung sino ang susundin mo. Kung sino ang lagi mong sinusunod AT nangingibabaw sa lahat ng sandali ng iyong buhay, ...ito ang lumilikha ng iyong kapalaran.

Kunin Lamang ang Nakakabuti
Hindi lahat ng nasa iyong harapan o hapag ay kukunin mo nang buo. Kahit papaano ay may aalisin ka. Katulad sa pagkain ng isda, ang laman lamang ang maaaring isubo hindi ang mga kaliskis at mga tinik nito. Ganito din sa relasyon, tanggapin at gayahin ang mabubuti. Iwasan at huwag nang pamarisan o dagdagan pa ang mga kasakitan at wala sa katwiran.


Bawal ang Manggaya
Iwasang ikumpara ang iyong buhay sa iba at huwag hatulan sila. Hindi mo naranasan o ganap na mauunawaan ang nagawa nilang paglalakbay sa buhay.

Hayaan Sila
Kung nais mong talaga na maipamuhay ang iyong buhay na maligaya at matagumpay, marami ang hindi masisiyahan sa magaganap sa iyo. Mayroong maiinggit, maninibugho, magagalit, mamimintas at maninira. Marami sa kanila ang hindi matatanggap na nalagpasan mo sila, kung bakit nagawa mo ito at kung papaano. Subalit ang mga taong ito ay walang kinalaman anumang tungkol sa iyong buhay. IKAW lamang at hindi sila ang may tungkulin para sa iyong sarili.
... at ang pinakamahalaga, bago mo lisanin ang mundong ito, patugtugin mo naman ang iyong musika.


No comments:

Post a Comment