Pabatid Tanaw
▼
Thursday, June 27, 2019
Bakit nga ba?
Napansin ko ito:
Mayroon akong kapitbahay dito sa amin na namatay
kamakailan lamang. Simpleng tao at karaniwan ang gawain niya. Ang libangan niya ay magsabong. Subalit sa gabi ng kanyang burol, napansin ko ang
maraming mga korona ng bulaklak mula sa ibat-ibang organisasyon, mga kaanak, mga
kaibigan at kasamahan sa trabaho. Kilala ko siya... at nakasama rin sa mga
pagtitipon na aking nadaluhan. Sa mga tagpong ito, wala akong naalaala na may
minsang nagbigay sa kanya ng bulaklak kahit isang kampupot lamang. At bakit
ngayon sa panahon ng pagluluksa ng kanyang pamilya ay nagsulputan ang maraming
korona ng bulaklak ng pakikiramay. Para saan? Ano ang kanilang mga intensyon?
...at BAKIT?
Bakit noong nabubuhay siya ay walang
nakaka-alaala sa kanya, bakit ngayon ay tila kumpetisyon ang pagandahan ng mga
korona?
Naalaala ko tuloy ang himutok ng isang napabayaang ina, "Kapag isa na akong malamig na bangkay; Madarama ko pa ba ang mga
pag-luha, pag-iyak at hagulgol ninyo? Magagawa ko pa bang masilayan ang
magagandang bulaklak sa korona sa aking libing? Bakit hindi pa ngayon na ako ay
nabubuhay ay ipadama na at marinig ko sa inyong mga labi ang inyong pagmamahal
sa akin. Ito ang kailangan ko ngayon. Bakit
hindi ninyo makayang ibigay?
...Bakit nga ba?
Pinakamahalaga sa Lahat
Sa kalaunan,
lahat tayo ay maglalaho sa mundong ito. Walang sinuman ang makakatakas nang
buhay, kaya nga, kung maaari lamang... hintuan na nating tratuhin ang ating mga
sarili na kinakapos, nakakasapat, at walang mga kakayahan. ..?
Subalit bakit tayo patuloy
na nakatingin sa hinaharap, na tila bang wala nang katapusan ang lahat. Nakakalimot
ba tayo na ang lahat ay panandalian lamang.
Sa araw na ito,
simulan nang kainin ang ninanasa mong pagkain na matagal mo nang inaasam-asam.
Pasyalan ang mga kaanak o kapamilya na matagal ding hindi nakikita. Personal na
sulatan at kamustahin ang mga kaibigan (hindi
sa social media o facebook). Maglakad
ng nakayapak sa buhanginan sa tabing-dagat. Damahin ang unang sikat ng araw sa
umaga at maglakad sa lilim ng mga punong-kahoy o lumakad sa tabi ng mga halamanan. Langhapin ang mga
pabango ng mga bulaklak. Yakapin nang mahigpit ang mga mahal sa puso. Patuloy
na bigkasin ang mga katagang, "Minamahal kita." Wala nang sapat na
panahon para magawa pa ito... hanggat
hindi pa huli ang lahat.
May Problema Ka ba?
Subukan na masidhing limiin ang mga ito:
Unang tagpo-
Tanong: "Nababalisa ka, ... may problema ka ba?" Sagot: "Oo."
Tanong: "Malulunasan mo ba ito?" Sagot:
"Oo."
... Kung gayon, bakit ka naliligalig at pinoproblema
mo pa?
Malulunasan mo pala...
-------------------------------------o
Pangalawang
Tagpo-
Tanong: "Nababalisa ka, ...may problema ka ba?" Sagot:
"Mayroon."
Tanong: "Malulunasan
mo ba ito?" Sagot: "Hindi."
... Kung gayon, bakit ka naliligalig at pinoproblema
mo pa?
Wala ka naman palang magagawang solusyon.
Mayroon lamang isang landas tungo sa Kaligayahan, ...ang
tigilan ang mga kaligaligan sa mga bagay na wala tayong kapangyarihan o
kakayahan na malunasan.
Magkano Ka ba?
Mga Bagay na Hindi Kayang Tumbasan ng Salapi
1- Wagas at busilak na puso
2- Uliran at kapuri-puri
2- Moralidad o magandang halimbawa
3- Respeto/Kagalang-galang
4- Karakter/ matapat/mapaglingkod
5- Sintodo Komon/ praktikal
6- Mapagtitiwalaan/walang balatkayo
7- Mahinahon at magiliw
8- Sakdal /mataas ang pagpapahalaga
9- Integidad/ may prinsipyo
10- Pagmamahal/may malasakit
11- Bukas ang isipan sa mga makabuluhan
12- Pananalig/ may pagtitiwala sa sarili
...Mayroon ka ba ng mga ito?
Gaano ba Karami ang Sapat?
Ang sagot ng isa, "Humigit-kumulang ay eksakto!"
Sabad naman ng katabi, "Walang labis, walang kulang!" Dugtong
ng pangatlo, "Walang bawas, walang dagdag!" At tinapos ng huli, "Hindi
kapos, ngunit pantay!"
...ang tamang kasagutan para dito ay... KULANG!
Dahil walang palabis o karampatang dagdag. Madalas nating
naririnig, "Magkano ang sahod mo sa
isang buwan?" Umiiling na sumagot ito, "Sapat lamang sa aming pangangailangan. Sa ibang gastusin, talagang
kinakapos kami." Sa madaling sabi, "Isang
kahig, isang tuka! Eto... ang buhay namin, SAPAT lamang."
At sabay na naghimutok, "Basta makaraos, at
nabubuhay pa... puwede na."
3 Uri ng Pagmasid
1-Karaniwan o
ordinaryo -Sapat o kuntento na. Konting bubong at manipis na kumot ay
pinagtitiisan.
2-Di-pangkaraniwan
-Humihingi ng umento, at hindi masaya. Palaging umaasa at naghihintay ng
milagro.
3-Ekstra-ordinaryo
-Hindi kuntento, karagdagang kumikilos at pinipilit na mabago ang kalagayan sa
buhay.
Saang puwesto dito ikaw nakalagay?