Pabatid Tanaw

Saturday, December 29, 2018

Magsimula ng mga Bagong Relasyon sa Tamang Pagkilala



Dati-rati kapag kaklase,  nakasama, nakasabay, at nakilala, ay kaibigan na. Maraming kataga o taguri na angkop itawag. Subalit sa lahat ng mga ito ay namumukod tangi ang katagang kaibigan. Bihira at mabibilang sa daliri ang mga tao na masasabing talagang kaibigan mo. Huwag basta na lamang tumingin at iyon na, o ayos na at magkaibigan na. Kailangan na matamang pag-aralan, pag-ukulan ng atensiyon, at kilatising mabuti ang mga bagong kakilala, bago tanggapin nang lubos.
   Sa relasyon upang magtagal, ito ay nangangailangan ng katapatan, pagkakaisa, damayan, at pagpapahalaga. Kailangan makita mo sa isang tao ang iniidolo mong katauhan na nais mong maging ikaw. Piliin lamang ang mga bagong kakilala na ipagmamalaki mong ipakilala, mga tao na hinahangaan mo sa pagiging uliran na nagpapakita ng pagmamahal at respeto - mga tao na may pagmamalasakit at pagdamay sa kanilang kapwa.

Simulang Paniwalaan na Nasa Iyo na ang Nais Mong Makamtan



Hindi ka basta na lamang sumulpot, o isang tsansa na biglang lumitaw sa mundong ito. Mayroon kang layunin  na kailangang maganap at ito ay nakatakda. Lahat ng bagay na iyong nakikita ay may kanya-kanyang tungkulin na kailangang matupad. Halimbawa: Ang punong saging; magsisimula ito sa isang suhi, lalago, magiging puno, magluluwal ng isang puso, bubuka at mamumulaklak, at mula dito ay susulpot ang isang buwig, magkakaroon ng maraming piling ng bungang saging, mula sa luntian ay maninilaw at mahininog para mapakinabangan ng maraming may buhay. At matapos ito ay kusa nang mamamatay ang punong-saging.
    Ang tanong: Bilang tao, ano naman ang iyong nakatakdang tungkulin?
   Marami ang hindi nakakaalam na kapag hindi mo nauunawaan o pinag-aralan kung sino ka, ano ang nais mo, at saan ka pupunta ay mananatili kang balisa, nalilito at laging may hinahanap sa iyong buhay na hindi mo matagpuan. Ano nga ba ang tunay na kahulugan ng iyong buhay?
   Lahat ng iyong hinahanap ay nasa iyo. Ang mga katanungan na pinipilit mong magkaroon ng kasagutan ay nasa iyong lahat. At ito ay masusumpungan mo lamang kapag kinilala mong mabuti ang iyong pagkatao.

Simulang Bigyan ng Pagkakataon ang iyong mga Pangarap



Ang reyalidad ng buhay, hindi ang madalang na tsansa o makakuha ng tamang pagkakataon at oportunidad, kundi ang pangnanasang maging mapalad at makamit ito. Sapagkat patuloy itong nagpapakita at nagpaparamdam, dangan nga lamang, nasa iba at sa malayo tayo nakatingin at laging abala sa maraming bagay. Sa ating mga gawain, hindi tayo nakakatiyak ng 100 porsiyento na magtatagumpay gaya ng ating inaasahan, ngunit makakatiyak tayo ng 1000 porsiyento na walang mangyayari kung hindi tayo kikilos. Sa lahat ng sandali para makatiyak na may magaganap, kailangang tahasan kang nakapukos at matayog ang hangarin na magtagumpay. Kahit anuman ang mangyari, naisin mo man o hindi, hanggat hindi ka humihinto... ang tagumpay ay sadyang makakamit mo. Walang imposibleng bagay kung tahasang nais mong mangyari ito... ay kusa itong magaganap.

Simulang Likhain ang Iyong Kaligayahan



Kailanman ay hindi mo makakamtan ang iyong sariling kaligayahan mula sa iba. Ikaw mismo mula sa iyong sarili lamang ang tanging makakagawa nito. Sapagkat simula nang ikaw ay ipanganak kasama mo na ito noon pa. Mayroong mabisang pormula: Ang Malinaw na Salamin. Subukan ito, humarap sa isang malinaw na salamin, pagmasdan ang iyong repleksiyon mula dito. Anuman ang iyong ginagawa, ikaw ay gagayahin nito. Ngumiti ka, ngingiti din ito. Ipakita mong nagagalit ka, magagalit din ito. Ganito din sa mga relasyon. Anumang ginagawa mo, makakatiyak ka na ganito din ang isusukli sa iyo. Mabait kang makitungo sa iba, magiging mabait din sila sa iyo. Salbahe ang pakikiharap mo, makakatiyak ka na kasalbahehan din ang igaganti sa iyo. Sa madaling sabi, anuman ang iyong itinanim, ay siya mo ding aanihin.
   Lagi nating piiliin ang maging masaya at ang kaligayahan ay ating masusumpungan. Anumang pagbabago na ating hinahangad ay simulan kaagad para sa ating mga sarili. Anumang ating iniisip, ito mismo ang ating gagawin. At kung laging kaligayahan ang ating iniisip,  mapapansin na ang mga bagay sa ating kapaligiran ay kusang sumasang-ayon at nakikiisa para sa atin upang maganap ito.

Simulang Tamasahin ang mga Bagay na Mayroon Ka



Nagkakaroon lamang ng mga bagabag at mga kapighatian kapag lagi tayong nakatingin sa labas ng ating bakuran. Kung lagi natin ikinukumpara ang ating kalagayan sa iba, kailanman hindi tayo magiging maligaya. Kahit papaano ay may makakahigit na kalagayan kaysa atin, sa halip na magalak at may nagtagumpay, marami sa atin ang naiinggit o naninibugho sa magandang kapalaran ng iba. Sa halip na pag-ibayuhin pa ang pagsusumikap na makaahon sa kahirapan, ang pinapakialaman ay usisain, punahin, at pintasan ang nagawang pagbabago ng iba. Sapagkat ang mga miserableng tao ay ugali na ang maghanap ng kagrupo sa masalimuot na buhay.
   Sa sandaling ito, maaari nang maging masaya at kuntento sa mga bagay na nasa iyo. Pasalamatan ang mga pagpapala na dumarating sa ating buhay. Sa dahilang anumang bagay na hindi mo pinahalagahan ikaw ay iiwanan. Hindi tsansa o suwerte kung bakit nagkaroon ka ng mga bagay na ito. Lahat ng mga ito ay may ginagampanang tungkulin upang mabuo kung sino kang talaga. At kung ito kahit karaniwan o kaunti lamang at hindi napag-ukulan ng tamang atensiyon, ang kasunod pang mga pagpapala ay kusang lumilihis at hindi nakakarating sa iyo, dahil laging nasa malayo ang iyong pagtingin.

Magiliw na Pakitunguhang Mabuti ang Sarili



Kung mayroon kang kasama na laging negatibo ang isipan, maingay mangusap, mainisin, temperamental at makasarili, gaano katagal mo itong pakikisamahan? May nagwika, "Sa loob ng 45 araw, sinuman ang iyong nakasama, naisin mo man o hindi... ay matutulad ka sa kanya." Kahit papaano ay mahahawa ka at magagaya mo ang kanyang mga asal at kaugalian. May nagwika pa rin, "Sabihin mo sa akin kung sino ang mga kaibigan mo at sasabihin ko sa iyo, kung sino ka." May kapangyarihan tayong pumili, at piliin ang tama. Batid natin kung anong uri ng pagkatao mayroon ang isang tao, dahil nakikita natin sa kanyang mga salita at mga gawa. Nasa resulta nakikilala ang lahat. Hindi sa salita kundi sa gawa.
   Ganito kung papaano natin pinapahalagahan ang ating sarili, kung anong uri ng respeto at pakikitungo ang ating iginagawad para dito. Ganito din ang uri ng pakikitungo na gagawin ng iba para sa atin. Maging totoo at wagas sa ating mga sarili, sa isip, sa salita, at sa gawa. Tuparin ang mga pangako, sabihin lamang nang totohanan ang nadarama ng puso at gawin ito nang walang alinlangan at pagkukunwari.