Pabatid Tanaw

Saturday, December 29, 2018

Magiliw na Pakitunguhang Mabuti ang Sarili



Kung mayroon kang kasama na laging negatibo ang isipan, maingay mangusap, mainisin, temperamental at makasarili, gaano katagal mo itong pakikisamahan? May nagwika, "Sa loob ng 45 araw, sinuman ang iyong nakasama, naisin mo man o hindi... ay matutulad ka sa kanya." Kahit papaano ay mahahawa ka at magagaya mo ang kanyang mga asal at kaugalian. May nagwika pa rin, "Sabihin mo sa akin kung sino ang mga kaibigan mo at sasabihin ko sa iyo, kung sino ka." May kapangyarihan tayong pumili, at piliin ang tama. Batid natin kung anong uri ng pagkatao mayroon ang isang tao, dahil nakikita natin sa kanyang mga salita at mga gawa. Nasa resulta nakikilala ang lahat. Hindi sa salita kundi sa gawa.
   Ganito kung papaano natin pinapahalagahan ang ating sarili, kung anong uri ng respeto at pakikitungo ang ating iginagawad para dito. Ganito din ang uri ng pakikitungo na gagawin ng iba para sa atin. Maging totoo at wagas sa ating mga sarili, sa isip, sa salita, at sa gawa. Tuparin ang mga pangako, sabihin lamang nang totohanan ang nadarama ng puso at gawin ito nang walang alinlangan at pagkukunwari.

No comments:

Post a Comment