Pabatid Tanaw

Friday, July 20, 2018

Mayroon Ka ba Nito?

Pambihirang Katangian

 


    Doon sa bayan ng Rosales, sa lalawigan ng Pangasinan, nakilala ko si Mang Tibo. Isa siyang traysikel drayber at tumutulong sa pagpapaaral ng higit sa sandaang estudyante sa kanilang matrikula, aklat, at kinakailangang mga gastusin hanggang sa makatapos ng pag-aaral ang mga ito. Bagamat hindi sapat, malaki ang nagagawang tulong nito sa mga magulang ng mga nagsisipag-aral.
   Matandang binata ito at isang pamanking lalaki na kanyang pinalaki ang kasama lamang sa bahay. Ayon dito, nagsimula si Mang Tibo sa traysikad o de-tadyak noong kabataan pa nito at nang lumaon naging de-motor. Wala gaanong hilig kundi ang magtanim ng gulay sa kanyang bakuran at maglabas ng kanyang traysikel. Matipid at palaimpok sa kanyang kinikita. Palaging hindi tumatanggap ng bayad sa mga estudyanteng kilala niyang kinakapos sa buhay, at kadalasan siya pa ang nagbibigay ng baon sa mga ito. Naging takbuhan siya ng tulong na humantong sa pagpapaaral at pagtustos sa mga ito.
   Madali siyang makikilala sa terminal ng mga traysikel drayber na naghihintay ng mga pasahero. Siya lamang ang nakabalanggot ng buli, suot ang kupas na kamiseta na wala sa sukat, tagpi-tagping sinaunang pantalon, at magkaibang kulay na gomang tsinelas. Malimit may tali pa itong alambre upang hindi mahugot sa sugpungan.  Lahat nang ito ayon sa pamankin, ay ibinigay sa kanya, o napulot sa kanyang pamamasada. Nanghihinayang siya na gawing basahan ang mga kasuutan. Matiyaga niyang nililinis, sinusulsihan, at pagmamalaking isinusuot ang mga ito. Magagalitin kapag nagmungkahi kang bumili siya ng bagong damit. At kapag binigyan mo naman ng bago ay ipinagbibili ito at ginagawang pera. Yagit siyang turingan at mistulang pulubi kapag pagmamasdan. Subalit maligaya siya sa kanyang mga gawain, lalo na ang pagtulong sa mga estudyante.
   Kapag tinatanong kung bakit niya ginagawa ito, ang mabilis niyang sagot ay, “Hindi ko nadanasan ang bumili ng sariling damit, palaging pinagkaliitan na kasya sa akin ang aking isinusuot. Hanggat may magagamit, magtitiis ako. Kakaunti man ang aking kinikita, malaki naman ang aking hangaring makatulong. Dahil hindi ako nakapag-aral, kaligayahan ko na ang magpaaral.  Nais kong mag-aral silang mabuti, makatapos, at magkaroon ng mabuting trabaho. At maging mabubuting mamamayan sila na tumutulong sa ating bansa. Ito ang aking pangarap!”
  Noong 2009, matapos ang pananalasa ng bagyong Ondoy na sinundan pa ng malaking pagbaha sa bayan ng Rosales, ay ipinamahagi ni Mang Tibo ang natitira niyang pera sa bangko para sa mga estudyanteng nasalanta. Bagamat 83 taong gulang at wala ng kakayahan sa pamamasada ng traysikel, naisipan naman niya ang magkumpuni ng makina nito. Nakapag-impok siya dito ng halagang siyam na libong piso at ito’y kanya ring itinustos sa pagpapaaral.
   Binawian siya ng buhay noong Agosto 27, 2010 sa isang klinika, kung saan doon siya isinugod ng kapwa traysikel drayber. Sa kanyang libing, nasaksihan ang mahabang pila ng maraming nakipagluksa. Iisa ang kanilang paghangang sinasambit,  ang pambihirang katangiang ipinamalas ni Mang Tibo, noong ito’y nabubuhay. Sadyang katangi-tangi at magandang ilarawan ito. Isa siyang tunay na Pilipino.

No comments:

Post a Comment