Pabatid Tanaw

Monday, March 05, 2018

Tanggapin ang KATOTOHANAN



    Isang umaga, sa may aplaya ng bayan ng Bagak, sa Bataan, nakaupo si Doming sa kanyang bangka, nagpapahinga at pinagmamasdan ang bukang-liwayway. Habang pinupunasan ang pawis sa noo ay napapangiti ito sa nahuli niyang maraming isda. Tuwang-tuwa naman ang kanyang asawang si Trining habang inilalagay ang mga isda sa kanyang kalya upang dalhin na sa palengke at ipagbili. Nang makaalis na ang asawa, sumandal sa bangka si Doming upang makaidlip nang ilang sandali. Hindi pa niya naitatakip ang sambalillong buli sa kanyang mukha nang gulantangin siya ng boses ng isang lalaki.
   “Hoy, Doming, ‘gandang umaga sa iyo! Kamusta ang huli mo ngayong umaga, nakarami ka ba?” Ang bungad ng lalaki.
 
   “Magandang umaga naman po Mang Bestre, ayos naman po at dinala na ni Trining sa palengke upang itinda.” Ang mahinahong tugon ni Doming habang tumitindig at umupo sa gilid ng kanyang bangka.
   Nakaugalian na ni Mang Bestre ang maglakad tuwing umaga sa aplaya kapag maganda ang panahon bago ito magtungo sa kanyang pabrika. Isa si Mang Bestre sa mayayaman sa Bagak, at isa sa kanyang mga negosyo ang magpautang ng puhunan sa mga tindera, magsasaka, at mangingisda na kinakapos sa puhunan.
   Nakakunot ang noo nito nang magsalita, “Aba’y, Doming, ano pa ang ginagawa mo dito, bakit hindi ka pa pumalaot muli at manghuli pa ng maraming isda. Kailangang nangingisda ka pa kaysa nakasandal lamang dito at walang nang ginagawa.”


   “At ano naman ang mapapala ko dito?” Ang napapangiti na tugon ni Doming sa pagkakagambala niya mula sa binabalak na pag-idlip.
  “Aba’y napakasimple lamang. Kung patuloy kang mangingisda, maraming ititinda si Trining at marami ang inyong kikitain. Nang sa gayon, may sapat kang salapi na makabili ng isa pang bangka na panghuli, mapapaupa mo ito at lalong mapapadami ang iyong mahuhuli. At mula sa dalawang bangkang ito, makabibili ka pa ulit ng isa  pang bangka na pauupahan mo rin. Hanggang sa makaipon ka at makabili ng malaking pangistang batil at malalaking lambat upang lalong maparami mo ang iyong mga huli.” Ang paliwanag ng negosyante.
   “At ano naman ang mapapala ko dito?” Ang pag-uulit ni Doming. Napakamot sa batok ang negosyanteng si Mang Bestre at nayayamot na nagtanong, “Hindi mo ba naiintindihan ang paliwanag ko?" Lumapit nang bahagya at nakapameywang na hinarap nito si Doming.
   “Kung magkakaroon ka ng maraming bangka na panghuli, makakabili ka ng higit na malaking pangistang batil at makakapunta ka sa malalayong pook na maraming isda, upang maparami mo ang iyong huli. Magkakaroon ka ng maraming tauhang maglilingkod sa iyo. Nasa bahay ka na lamang at uutusan mo na lamang sila na manghuli para sa iyo.” Ang naiinis na pangungulit ng negosyante.
   Minsan pa, inulit muli ni Doming ang tanong nito, “ At ano naman ang mapapala ko dito?” Ang negosyante ay namumula na sa pagkainis, at nagagalit na. Pahiyaw itong nagsalita kay Doming, “Hindi mo pa rin alam?” Itinutok ang hintuturo nito sa mangingisda na mistulang amo at nagpatuloy sa pagsasalita habang pakumpas-kumpas ng kamay,“Makinig kang mabuti, dahil dito, ikaw ay magiging napakayaman at hindi mo na kailangan pang magtrabaho sa buong buhay! Magagawa mong palipasin ang maghapon na nakasandal na lamang dito sa aplaya, nakatingin sa paglubog ng araw at wala ka nang pakialam sa lahat. Makapag-papahinga ka hanggang ibig mo.”
   Lalong napangiti ang mangingisda, tumatango-tango . . , tumayo mula sa pagkakaupo at tumitig ng malalim kay Mang Bestre. At buong katiyakang nagpahayag,
   “At ano naman sa inyong palagay ang aking ginagawa ngayon? Ako ay nagpapahinga na. Kung hindi ninyo ako ginambala sa aking pamamahinga, marahil mahimbing at masaya na ako sa aking pagtulog.”
   Napatigalgal ang negosyante at nakasimangot na lumisan ito na iiling-iling sa malinaw na pagtugon ng mangingisda.

-------
   Ang magkaroon ng sapat na ikakabuhay at nakapagpapaligaya sa iyo ay magandang panuntunan sa buhay. Mainam at sadyang makakabuti ang magsumikap pang higit upang magtagumpay. Subalit kung mangangahulugan naman ito ng ibayong pagtitiis, pagpapakasakit, at mga paghihirap na ayaw mong mangyari sa iyo, at napipilitan ka na lamang, isang pagkakamali ito. Gayong magagawa namang maging maligaya sa anumang sandali. Tamasahin ang mga malilit na tagumpay, magpahinga at maglibang sa tuwina. Mula sa maliliit na tagumpay, ito’y nagpapatuloy sa higit pang malalaking tagumpay.
   At huwag kakaligtaan na anumang labis na higit pa sa iyong inaasahan o tinatanggap ay nakakasama kadalasan, kung wala kang paglalaanang makabuluhan para dito. Kaakibat ng pagyaman ang ibayong responsibilidad. Kung hindi ka handa para dito, huwag nang subukan pa at hindi ito nakalaan para sa iyo.
   Ang pagiging kuntento o ganap nang masaya sa kalagayan ay mahirap na matutuhang saloobin. Madali ang mahuli sa nakaumang na patibong ng pagkakataon na para kumita ng marami, kailangan ang ibayong magtrabaho nang walang puknat, gayong nakasasapat na ang kabuhayan at maaari nang lumigaya.
   Lumitaw tayo sa daigdig na hubad sa lahat ng bagay, at wala rin tayong madadalang kahit anuman sa ating paglisan. Ito ang nagdudumilat na katotohanan.

Talahuluganan, n. glossary  
Ang mga katagang narito ay mula sa paksang nasa itaas. Ito'y para sa mga nagnanais na mabalikan ang nakalimutang mga salita at maunawaang lubos, at maging doon sa mga may nais makatiyak sa tunay na kahulugan at angkop sa pangyayari o pagkakataon, upang mapalawak ang kanilang paggamit ng ating wikang Pilipino.

Naniniwala tayo na ang talahulugunan ay kailangang tayo ang sumulat.
aplaya, dalampasigan n. beach, seaside
paghitit, v. smoking
pangistang batil, n. big fishing boat
lambat, n. fishing net
bukang-liwayway, silahis ng araw n. dawn, sunrise
pumalaot, v. go back to the sea
sumandal, humilig v. lean, incline for support
idlip, n. nap
tulog, natutulog adv./adj. sleep, asleep
tigalgal, n. puzzlement, perplexity, bewilderment
simangot, n. sourface look,
puknat, sagwil adj. cease, interrupt
patibong, bitag, umang n. trap, lure, entrapment
saloobin, dinarama n. attitude, feeling
paglisan, n. at the end of life, death
tamasa, ikalugod, ikasaya v. enjoy, appreciate, be happy
hubad, salat adj. naked, without anything 

Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment