Pabatid Tanaw

Tuesday, October 10, 2017

Daga sa Dibdib



Kung matatawag ka at pagsasalitain sa ibabaw ng entablado at sa harap pa ng marami, nakakaramdam ka ba ng pangamba at nababalisa sa mangyayari sa iyo? Kung ikaw ay kinakabahan na tila isinasalang sa ihawan, makakatiyak kang alumpihit na ang daga sa iyong dibdib at nais nitong makawala.
  
Pinapawisan ka nang malamig at pinahihirapan ng niyerbos na hindi malaman kung uupo o tatayo, susulong o tatalikod, at patuloy na pinanghihinaan ng loob. Nangyayari lamang ito kung hindi ka handa na magsalita at kinagiliwan na lamang ang umupo at makinig sa iba. Subalit ang bagay na ito ay hindi mo matatakasan nang lubusan, hangga't kasapi ka sa isang samahan, nakatira sa pamayanan, at nagnanasang marinig ang iyong tinig, kailangan mong tumindig at iparating ang iyong mga naisin o maging mga karaingan. Sapagkat kung hindi mo ito nagagawa, kaisa ka ng maraming nagkikibit ng balikat na lamang, walang pakialam, at mantra na ang mga katagang, "Bahala na!" Bahagi ka ng karamihan na tulog, natutulog, at nagtutulog-tulugan. Ito ang pangunahing dahilan kung bakit nakapangyayari na ang iilan lamang sa ating lipunan ang tahasang namamayani at kumokontrol sa lahat ng aspeto sa ating buhay.
   Bakit nagaganap ang mga karahasan, mga kabuktutan, mga nakawan at pang-aabuso sa mga karapatang pantao?

Mga Kadahilanang Humihingi ng Kasagutan at Katarungan
-Dahil wala kaming kamuwangan o pakialam kung bakit patuloy ang aming mga paghihirap.
-Dahil kaunting bubong, karampot na tutong at kaputol na isdang tuyo ay masaya na kami.
-Dahil may mga panooring na panandaliang libangan sa telebisyon at palipasan ng oras para makalimot.
-Dahil higit na nakakaaliw ang mga katatawanan lalo na kung mga bakla ang pinagtatawanan.
-Dahil higit na mainam ang salaping hawak mula sa ibenentang boto kaysa sa integridad ng kandidato.
-Dahil walang hustisya at yaong may mga salapi lamang ang tunay na nakapangyayari at nasusunod.
-Dahil gaano mang pagsisikhay ang gawin, kung kami ay pulubi pawang kakapusan ang iniisip namin.
-Dahil naangyari ito sa mga magulang, nakakatiyak na ito din ang mangyayari sa anak at sa apo namin.
-Dahil mabuti na ang maghintay na lamang kaysa makibaka sa mga paghamon para hindi mapahamak.
... at,  Dahil tinanggap na namin ang kawalan ng pag-asa na walang makakatulong sa aming mga karaingan.
Ito ang aming kaugalian: Natutuhang Kawalan ng Pag-asa

Paumanhin po



Madalas mangyari ito kapag namali ka sa ginagawa, nahuli sa pagpasok sa trabaho, at hindi nakarating sa tipanan; ang punahin, mapagalitan, at sisihin. Madali ito sa pumupuna subalit masakit para sa pinupuna. Umuusbong mula dito ang mga pasakit at nakakubling pagdaramdam. Sa kalaunan ay pinagmumulan ng hindi pagkakaunawaan sa isat-isa.
   May kaparaanan dito; ang paghingi ng paumanhin, at ito ang mahalaga kapag nakagawa ng kamalian.

Ano ang kahulugan ng Paumanhin?
   Isang pag-amin sa nagawang kamalian kalakip ang pagsisi at pahayag na hindi na ito mauulit pa. May dalawa na mahalagang elemento ito:
   1-Nagpapakita ito ng pagsisisi hinggil sa naganap sa iyong mga pagkilos.
   2-Inuunawa at tinatanggap ang responsibilidad ng mga pagkilos na ito na nakapinsala sa iba.
Lahat tayo ay kailangang malaman kung papaano humingi ng paumanhin---sa dahilang, walang sinuman ang sakdal o perpekto. Lahat tayo ay nagkakamali, at lahat tayo ay may kakayahan ding makasugat ng damdamin ng ibang tao sa pamamagitan ng ating mga pag-uugali, pananalita, at mga pagkilos, kahit na ang mga ito'y hindi tuwiran at sadyang intensiyon na makapanakit. Ang mahalaga ay aminin ang responsibilidad sa pagkakamali, at ipaalam kung bakit ito nangyari. Huwag lubusang mag-akala na karaniwan lamang ang bagay na ito at malilimot din sa katagalan. Sa halip, ang magawang ilagay ang sarili sa katauhan ng iba at limiin kung papaano ang kasakitang nararanasan nito. Kailangang maipadama sa nasaktan ang iyong taos sa pusong pagpapaumanhin sa nagawang kamalian. 
   Sa iba, pangkaraniwan na at madalas ang mag-sori, subalit matapos ito, balik muli sa dating pag-uugali. Ang tunay na paumanhin ay ang ipaalam ang iyong pagsisisi at pagpapakita ng pagbabago na hindi na muling mauulit pa ang nangyari.
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Minamaliit Mo ba ang Iyong Sarili?



Sinasadya mo bang harangan at balewalain ang iyong sarili na magtagumpay at lumigaya? Kung hindi, bakit patuloy na tinatanggap at nakagiliwan na ang antas o kalagayan mo sa buhay? At higit mong sinusunod ang mga opinyon ng iba kaysa pakinggan ang mga karaingan ng iyong puso na magbago para sa iyong kaunlaran.
   Hindi mo ba napapansin na ang mga pangungusap mo'y pawang paghamak sa iyong sarili? "Maliit lang suweldo, dahil trabahador lamang ako." "Komersiyo lamang ang natapos ko, kaya serbidora o 'domestic helper' na ang hanapbuhay ko." "Maestra lamang ako at ito ang nakaya ng mga magulang ko na matustusan." "Hindi ako nakapag-aral, kaya isang kahig at isang tuka ang nalalaman ko." Lahat ng ito'y may katagang 'lamang' na pagmamaliit sa pagkatao. Kadalasan nating nadidinig at katuwiran ito ng karamihan sa atin. Kaya nga, ito ang talagang kinapupuntahan ng kanilang kapalaran. Anumang bagay na lagi mong iniisip at binibigkas, ito ang siyang nakatakdang maganap.
   Kung nais mong mabago ang iyong buhay, baguhin mo ang iyong iniisip upang mabago ang iyong mga pagkilos, nang sa gayon ay magkaroon ng pagbabago sa iyong kapalaran. Sapagkat kung talagang nais na magbago ay may mga kaparaanan, at kung walang ambisyon at mga pangarap ay may mga kadahilanan. Lalo na kung may kahalong 'dapat,' 'sana,' 'kaya lamang,' isang araw,' kung ako sa iyo,' 'marahil,' 'akala,' atbp. Mga pangungutwiran ito na lipas na sa panahon at kinahumalingan na ng maraming tumatakas sa responsibilidad at katotohanan.  Nasanay na sa kahirapan at tinanggap na ang kapalarang kinasadlakan.
Ito ang natutuhang kawalan ng pag-asa.

 Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Ginagawa Mo ba Ito?



Kung may mga katanungan, tiyak may nakalaan ding mga kasagutan. Kung nais mong magtagumpay; Ikaw ba ay nakahandang gawin ang lahat upang ito ay maging katotohanan? Palagi mo bang itinataas ang iyong antas at kahalagahan sa tuwina? Malinaw ba at nakaplano ang iyong mga ginagawa sa ngayon? Ang mga ito ba ay para sa iyong kaunlaran at magiging maligaya ka kapag natupad mo?

Pag-aralan at subukang gawin ang mga sumusunod:
1-Kung manggagaya din lamang, pilitin na makisama sa mga tao na nagtataglay ng mga katangiang ito: uliran, eksperto sa kanyang trabaho, magandang halimbawa sa pamayananan, may puso at malasakit sa kapakanan na iba.
2-Palaaral at palabasa ng mga inpormasyong tungkol sa kahusayan, kabayanihan, kabuhayan, at kaunlaran.
3-Matiyaga at masinop sa paggawa, hindi inaaksaya ang panahon sa mga walang katuturan at pakinabang.
4-Walang takot at mapangahas sa paglikha ng paraan sa abot nang makakaya upang matupad ang mga pangarap.
5-Talos at laging tinatandaan na ang pagiging eksperto ay isang proseso, at hindi isang nakabimbing karangalan.
6-Kumikilos bilang ekstra-ordinaryo at hindi umaayon sa karaniwan; sa pananamit, sa mga pagkilos, sa mga kagamitan, sa pagdadala sa sarili, may pansariling pananalig at pagtitiwala at sadyang naiiba sa karamihan.
7-Batid ang kanyang buong pagkatao, kung ano ang kanyang mga nais, at alam kung saan siya patungo.

   Kung nagtataglay ka ng mga ito, hawak mo ang buong daigdig. Ikaw ang higit na may kontrol at pagsupil sa iyong mga kapaligiran. Dahil kung eksperto ka sa iyong larangan, abot-kamay mo na ang tagumpay. Ang proseso sa paghahayag ng iyong mga katangian at mga kakayahan ay mahalagang mga potensiyal para mapaunlad mo ang iyong ibayong pagtitiwala sa sarili. Malaking bahagi ito ng iyong personalidad na maging mahinahon, masikhay, at matatag na manindigan sa lahat ng mga pagsubok na dumarating sa iyong buhay.

Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Nagkamali na Naman Ako



Masidhing kilatisin upang ang buhay ay hindi malasin.
Bawa't isa ay nagkakamali. Sino ba sa atin ang perpekto? Kaya nga nilikha ang lapis na may pambura dahil bahagi na natin ang magkamali...  At matutuhan ang leksiyon idinudulot nito. 
   Ang magbitaw ng maaanghang na salita, hindi sumipot sa tipanan, hindi tinupad ang pangako, mga pamumuna, paghihiganti, at wala sa katuwirang mga paninisi -- lahat ng ito ay ilan lamang sa mga kamaliang patuloy nating nagagawa.
   Kakaunti sa atin ang nakakaalam kung papaano maiwawasto ang pagkakamali, kahit nalalaman na mapait ang kahahantungan ng ganitong mga pag-uugali. Sapagkat kapag binalewala at walang pagtatama sa mga maling pagkilos na ito, ang iyong mga relasyon kasama na ang iyong integridad at reputasyon ay nakasalang at matinding mapuputikan. Magbago na at iwasto po natin ito.
  
Ano ang kahulugan ng Iwasto?
   amend, vb  itama, isaayos, baguhin o palitan upang mawasto at humusay ang kalagayan o sitwasyon
Malaki ang pagkakaiba sa pagitan ng pagwawasto at paghingi ng paumanhin. Ang paumanhin ay kapag bumigkas ka ng, "I'm sorry" o "Pasensiya ka na at nagkamali ako." Samantalang ang pagwawasto, ay ang tahasang pagkilos na maitama ang kamaliang nagawa upang maibalik sa dati ang napinsalang relasyon sa iba.
   Una, isipin at pakalimiin ang tao na iyong napinsala. Mabubugbog mo ang isang tao at malilimutan niya ito, subalit kapag nasaktan ang kanyang damdamin, habang-buhay niya itong daramdamin. Kapag humingi ka ng paumanhin at nakahandang iwasto ito para sa kanya, binubuksan mo ang pintuan at pagkakataon na patawarin ka niya upang magkabalikang muli kayo at maibaon na sa limot ang kasakitan ng nakaraan. 
Tagubilin: Ang pagkakamali ay minsan lamang, kapag ito ay naulit muli, katangahan na ito. At sa ikatlong pagkakataon, sinadya at bisyo na ito.

Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan