Pabatid Tanaw

Sunday, August 06, 2017

Sakìm at Walang Pagkasawà



 Kinakatakutan ang isang batis na nasa liblib ng kagubatan sa bundok ng Mariveles. Nababakuran ito ng mga itim at matutuwid na poste sa magkabilang panig, at kapansin-pansin kaagad kung napapadaan dito ang mga mangangahóy o mga namamanà (hunters). Ayon sa mga taga Bataan, mayroong isang matandang engkantado dito na naninirahan at lumilitaw lamang sa mga taong may katapangan na humarap sa kanya. Mahaba ang buhok pati na ang balbas nito at nakagagawa ng maraming kababalaghan. Kapag tinatamaan ng sikat ng araw ang napakagandang damit nito ay nagsasalimbayan ang iba’t-ibang kulay na nagmumula sa mga diyamanteng palamuti nito. May hawak itong makintab na tungkod na may kapangyarihan. At kapag nais magpakita ay mistula itong usok na biglang sumusulpot at mabilis ding nawawala.
   Isang taga lungsod ng Balanga ang nagpasiyang puntahan ito at harapin. Nais niyang patunayan sa mga kakilala na matapang siya at kung may katotohanan ang kumakalat na balita tungkol dito. Isang tag-araw, ay sinimulan niya ang paglalakbay, at makalipas ang ilang araw ay sinapit niya ang nakatagong batis sa pinakaliblib ng kagubatan. Tulad ng balita, napapalibutan ito ng mga itim at matutuwid na poste.
   Nilakad niyang paikot ang batis, naroong kumanta, sumayaw, hatawin at gawing tambol ang mga posteng itim na nakahilera sa batis, at magtampisaw sa tubig upang kumuha ng atensiyon sa makakarinig ng kanyang ingay. Ilang oras din ang nakalipas nang mapansin niya ang maliwanag na usok sa halamanan. Bagama’t sinagilahan siya ng takot at panginginig ng mga tuhod ay pinalakas niya ang kanyang tinig, “Sino ka man, ay magpakita sa akin! Hindi ako natatakot sa iyo!”
   Unti-unting nagkahubog ang maputing usok, hanggang lumantad ang matandang engkantado. At mahinahon itong nagtanong, “Bakit ka narito, may kailangan ka ba sa akin?”
   “Oo, nais kong pagkalooban mo ako ng kayamanan mo!” Ang mariing tugon ng lalaki na hinahabol ang paghinga sa matinding pananabik.
   Sa pamamagitan ng kanyang mahiwagang tungkod ay pinalo ng engkantado ang tatlong maliliit na bato sa kanyang paanan. Bigla itong umusok at nang mapawi ay naging mga ginto ito. Napadilat at sumigid ang matinding paghahangad sa lalaki. Ilang saglit ding hindi siya nakahuma at nagsimulang mag-isip sa nagaganap na magandang kapalaran.

   “Kunin mo at humayo ka na. Nais kong mapag-isa sa katahimikan ng pook na ito.” Ang banayad na pakiusap ng engkantado.
   “Hindi, may  . . . kailangan pa . . .ako!” Ang mapusok at nagkakandautal sa pananabik na pag-uutos ng lalaki. 
   Muli, ikinumpas ang tungkod at hinataw ng matandang engkantado ang pito pang mga bato na magkakaiba ang laki. Tulad ng nauna, naging mga ginto rin ito.

   “Hayan pa ang iba, para sa iyong lahat ito. Iwanan mo na ang pook na ito sa kanyang pananahimik.” Ang may pag-suyong pakiusap ng engkantado.

   “Hindi, mayroon pa ako higit na mahalagang kailangan sa iyo!” Ang mariing pag-uutos ng lalaki sa matanda na halos mistulang siya na ang may karapatan at may-ari ng buong kagubatan.
   “Kailangan ko ang kapangyarihan na nasa iyo!” Ang mabalasik na muling pag-uutos ng walang pagkasawang lalaki.

   Bumalatay ang matinding kalungkutan sa matanda at nag-aalalang nakiusap muli ito sa lalaki, “Humayo ka na, sapat na ang mga gintong iyan sa iyong buong buhay. Lisanin mo na ang pook na ito at hayaan sa kanyang pananahimik.”
   “Balewala ang mga gintong iyan sa akin, ang nais ko’y higit pa riyan!” Ang mataginting na bulyaw ng lalaki sa matanda.

   “Ano pa ba ang talagang nais mong mapasaiyo?” Ang may pag-aalinlangan na tanong ng matanda.
   At marahas na sumagot na may paniniyak ang lalaki, “Nais kong mapasaakin ang tungkod na hawak mo!

   Biglang sumagitsit ang makapal na usok sa kinatatayuan ng lalaki, na sinalimbayan ng iba’t-ibang kulay na mga nakakabulag na liwanag. At nang humupa ito ay naging isang maitim at matuwid na malaking poste ang lalaki, na animo’y tungkod na nakabakod sa batis. Tulad ng kanyang mataos na kahilingan, hindi lamang napasakanya ang tungkod, at sa kanyang walang pagkasawang paghahangad, napuspos itong mabuti at naging kawangis siya ng tungkod.
   Hinaplos ng matandang engkantado ang bagong poste na nakadikit sa iba pang mga nakahilerang mga poste, at malungkot na umusal, “Ilan pa kayang tulad mo ang mangangahas at hindi magawang pahalagahan ang anumang biyayang nakamtan? Marami pa rin ang hindi masiyahan sakìm at walang pagkasawà.”

---------------------------------------------------------------------------------------------------o
Marami sa atin ang tulad nito, walang pagkasawa sa anumang mayroon sa kanila. Higit pa roon sa mga nasa katungkulan, hangga't may nakukuhang mga salapi at kapakinabangan ay hindi humihinto sa pagsasamantala, kahit na ang ninanakaw nila ay nakaukol sa mga kinakapos at mga nagdarahop sa lipunan. 
   Gayong sa huling sandali ng kanilang mga buhay, kahit na isang hibla ng sinulid ay wala silang madadalang anupaman. Bagay na sobra sa iyo, ay kinuha at inagaw mo lamang mula sa bibig ng iba. Panahon na, upang gisingin natin ang ating mga sarili na walang kahihinatnan ang maging palalo at nabubuhay sa karangyaan. Umaagaw lamang ito ng ibayong pansin upang ikaw ay maging biktima ng karahasang ikaw din ang may sanhi.
   Aba'y mag-isip tayong mabuti sa mga nangyayaring kaganapan sa ating kapaligiran. Hindi na gawang biro ang mga nagdudumilat na mga katotohanang nagaganap. Gumising!

Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment