Pabatid Tanaw

Thursday, June 29, 2017

Nakahanda ka na ba?

Sa may ilog ng Talisay sa Barangay Kupang, nagkasabay na namimingwit ng isda ang dalawang lalaki. Ang isa ay bihasang mangingisda, samantalang ang isa ay baguhan at ito ang kanyang unang araw ng pamimingwit.

Masagana at mayroong  iba’t-ibang uri ng isda ang ilog na ito; may talilong, banak, tilapia, biya, karpa, bulig, hito, at may pabuka. Sa bawa’t mahuli ng mangingisda ay isinisilid niya ito sa isang balde na may lamang mga tipak ng yelo. Doon naman sa baguhang namimingwit, kapag nakakahuli ng malaking isda ay ibinabalik at pinawawalan muli ito sa tubig. Nagtataka man ay hinayaan ito ng bihasang mangingisda. Napagmasdan niya ito sa buong maghapon na walang pagbabago; sa panghihinayang at matinding pagkainis nito sa ginagawang pagpapawala ng malalaking isda ng katabing namimingwit, ay napilitang magtanong,

 “Bakit mo ibinabalik at pinawawalan sa tubig ang iyong mga huli?  Sayang malalaki pa naman”

Nakataas ang kilay at walang pag-aalinlangan na tumugon ang baguhang namimingwit, “Kasi, maliit lamang ang aming kawali, hindi kasyang iprito ang malalaking isda.”
------------------------------------------------------------------------------------------------o
Kung minsan, katulad ng baguhang namimingwit na ito, kadalasan ay itinatapon din natin ang malalaking pagkakataon sa ating buhay, mga dakilang pangarap na hindi tinutupad, magagandang trabaho na inaayawan natin, mga pagtulong na ayaw nating tanggapin, mga makabuluhang paanyaya na ating tinatanggihan. Lahat ng mga ito ay ipinapadala bilang handog sa ating paglitaw dito sa mundo. Subalit nananaig ang kahinaan ng ating pagtitiwala sa sarili. Ang ating pananalig ay kinakapos at laging aandap-andap at nananatiling walang sigla.
   Tinatawanan natin ang baguhang namimingwit na hindi naisip na ang kailangan lamang niya ay kawa sa halip na maliit na kawali; ngunit tayo ba ay nakahanda na payabungin o palakihin ang ating mga pananalig? Nang sa gayon ay magpatuloy ang pagpapadala ng malalaking biyaya para sa atin?
   Maging ito ay isang malaking katanungan o isang katotohanan; anumang malaking pagkakataon o matinding paghamon sa iyong kakayahan ang dumarating sa iyong buhay, ang lahat ng ito’y sadyang nakaukol para sa iyo. Hindi ito ibibigay sa iyo nang hindi mo makakaya.
    Lahat ay pawang pagsubok o paghamon lamang upang ganap kang tumatag at maging higit na matibay sa nakalaang pagpapala na nakatadhanang mapasaiyo anumang sandali. Kung ang mga ito’y iyong tatanggihan at pawawalan, anong uring karanasan ang iyong matatamo, pawang karaniwan at yaong madali lamang? Ito ba ang talagang ninanais mo sa iyong buhay?
   Kung matayog ang iyong pangarap, kalakip din nito ang matayog na pagsusumikap, at matayog din ang lilikhaing tagumpay nito.  At kung mababa naman ang pangarap mo, bulati sa lupa ang nababagay sa iyo. Dahil kung lagi kang nasa ibaba, madalas kang matatapakan.  

   Ang kailangan lamang ay masidhing pag-ibayuhin ang pananalig at pagtitiwala sa sarili at ang lahat nang ito’y magaganap sa iyong buhay. Ito ang katotohanan.
 
 Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment