Pabatid Tanaw

Thursday, June 29, 2017

Nakahanda ka na ba?

Sa may ilog ng Talisay sa Barangay Kupang, nagkasabay na namimingwit ng isda ang dalawang lalaki. Ang isa ay bihasang mangingisda, samantalang ang isa ay baguhan at ito ang kanyang unang araw ng pamimingwit.

Masagana at mayroong  iba’t-ibang uri ng isda ang ilog na ito; may talilong, banak, tilapia, biya, karpa, bulig, hito, at may pabuka. Sa bawa’t mahuli ng mangingisda ay isinisilid niya ito sa isang balde na may lamang mga tipak ng yelo. Doon naman sa baguhang namimingwit, kapag nakakahuli ng malaking isda ay ibinabalik at pinawawalan muli ito sa tubig. Nagtataka man ay hinayaan ito ng bihasang mangingisda. Napagmasdan niya ito sa buong maghapon na walang pagbabago; sa panghihinayang at matinding pagkainis nito sa ginagawang pagpapawala ng malalaking isda ng katabing namimingwit, ay napilitang magtanong,

 “Bakit mo ibinabalik at pinawawalan sa tubig ang iyong mga huli?  Sayang malalaki pa naman”

Nakataas ang kilay at walang pag-aalinlangan na tumugon ang baguhang namimingwit, “Kasi, maliit lamang ang aming kawali, hindi kasyang iprito ang malalaking isda.”
------------------------------------------------------------------------------------------------o
Kung minsan, katulad ng baguhang namimingwit na ito, kadalasan ay itinatapon din natin ang malalaking pagkakataon sa ating buhay, mga dakilang pangarap na hindi tinutupad, magagandang trabaho na inaayawan natin, mga pagtulong na ayaw nating tanggapin, mga makabuluhang paanyaya na ating tinatanggihan. Lahat ng mga ito ay ipinapadala bilang handog sa ating paglitaw dito sa mundo. Subalit nananaig ang kahinaan ng ating pagtitiwala sa sarili. Ang ating pananalig ay kinakapos at laging aandap-andap at nananatiling walang sigla.
   Tinatawanan natin ang baguhang namimingwit na hindi naisip na ang kailangan lamang niya ay kawa sa halip na maliit na kawali; ngunit tayo ba ay nakahanda na payabungin o palakihin ang ating mga pananalig? Nang sa gayon ay magpatuloy ang pagpapadala ng malalaking biyaya para sa atin?
   Maging ito ay isang malaking katanungan o isang katotohanan; anumang malaking pagkakataon o matinding paghamon sa iyong kakayahan ang dumarating sa iyong buhay, ang lahat ng ito’y sadyang nakaukol para sa iyo. Hindi ito ibibigay sa iyo nang hindi mo makakaya.
    Lahat ay pawang pagsubok o paghamon lamang upang ganap kang tumatag at maging higit na matibay sa nakalaang pagpapala na nakatadhanang mapasaiyo anumang sandali. Kung ang mga ito’y iyong tatanggihan at pawawalan, anong uring karanasan ang iyong matatamo, pawang karaniwan at yaong madali lamang? Ito ba ang talagang ninanais mo sa iyong buhay?
   Kung matayog ang iyong pangarap, kalakip din nito ang matayog na pagsusumikap, at matayog din ang lilikhaing tagumpay nito.  At kung mababa naman ang pangarap mo, bulati sa lupa ang nababagay sa iyo. Dahil kung lagi kang nasa ibaba, madalas kang matatapakan.  

   Ang kailangan lamang ay masidhing pag-ibayuhin ang pananalig at pagtitiwala sa sarili at ang lahat nang ito’y magaganap sa iyong buhay. Ito ang katotohanan.
 
 Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Sunday, June 25, 2017

Maghihiganti Ako

 Ang mata sa mata ay pagkabulag at ang ngipin sa ngipin ay pagkabungal.

May pabirong bumigkas, “Kailanman hindi ako matutulog sa kama nang nagagalit, kasi pinaplano ko kung papaano ako makakaganti sa aking kaaway.”

   Ganito ang nangyari sa isang pangkat na mga sundalo sa Kotabato, doon sa katimugang Mindanaw. Isang araw, nagkakatuwaan ang mga ito sa kanilang tanggulang himpilan. Pinagtatawanan nila ang isang labing-dalawang taong gulang na batang lalaki na kanilang napag-uutusan sa lahat nilang pangangailangan sa katapat na tindahang sari-sari. Ulila na ito sa buhay at hindi nakapag-aral, ngunit masipag at masunurin. Ang mga sundalo, matapos ang kanilang patrulya sa labas ay nakagawian nang palipasan ito ng oras. Tuwang-tuwa ang mga sundalo sa katatawanang sinasapit ng bata sa pagsunod nito sa kanila.
  Palagi nilang inuutusan ang bata ng kung anu-anong mga pagbibiro at mga mahihirap na pagsubok. Naroon ang itago ang damit nito habang naliligo, lagyan ng chewing gum ang gomang sapatos nito, pitikin sa magkabilang tainga, pahiran ng uling ang mukha habang natutulog ito, isabog ang mga kagamitan nila at takutin ang bata na itatali nang pabaligtad kung hindi niya malilinis ang ikinalat na basura sa takdang oras. Marami pang mga parusa na tinatanggap lamang ng bata nang walang imik, bagamat’t umiiyak ito sa kalaliman ng gabi sa kasawiang tinamo at sa matinding pangungulila sa kanyang mga namatay na magulang.
   Sa kalaunan, nasanay na ito sa mga pagbibiro at mga pagpapahirap ng mga sundalo at ipinagkikibit na lamang niya ng balikat ang mga ito nang walang anuman. Hindi na ito umiiyak sa gabi at tinutupad ang tungkulin na laging nakangiti. Dahil balewala na ang mga biro at pahirap at hindi na tumatalab sa bata, minabuti ng mga sundalo na hintuan na ang pagpapahirap sa kanya. At isang araw, hinarap ng mga sundalo ang bata at humingi ng paumanhin. Nangako silang hindi na muling bibiruin o pahihirapan pa ang bata.
   Bagama’t naghihinala ang bata na isa na namang biro o pahirap ito, ay matatag at buong katiyakan itong nangusap, “Kung totoong ititigil na ninyo ang mga pagbibiro at pagpapahirap sa akin, ititigil ko na rin ang pagdura ng aking laway sa inyong mga pagkain!"
---------------------------------------------------------------------------------------------------------o
Nakapaghiganti din siya kahit sa hindi-makatwirang paraan. Subalit doon sa karamihan sa atin, ang ganitong uri ng pagganti ay lalong mapait kaysa matamis. Hindi ito nakapagbibigay ng kasiyahang hinahangad, bagkus ang higit pang kahapdian sa buhay. Mistula itong lason na unti-unting pumapatay sa lahat ng sandali sa iyong buhay.
   Mayroon akong naging kapitbahay, isa itong mataas na pinuno ng pulisya. Hindi ko malilimutan ang paala-alang binitiwan niya sa akin, maraming taon na ang nakalipas, “Jesse, kung nais mong makaganti sa mga taong umaapi sa iyo, magpayaman ka!” Noon, idinaan ko lamang ito na isang biro. Ngunit sa mga mapapait na karanasang aking kinaharap, may magandang puntos ito kaysa ang gumawa ng maling hakbang. Lalo na’t kung may mga kapinsalaang gagawin na ibayong pagsisisihan sa bandang huli.
   Anumang kapighatian ay malalampasan. Ito ay tuluyang maiiwasan at maibaon sa limot, upang maipagpatuloy ang iyong dakilang layunin. Hindi ang paghihiganti na walang kakahinatnan bagkus pawang kasawian lamang.
   Sapagkat ang mga paghamon sa iyong buhay ay kusang lumilitaw na mga hadlang upang ikaw ay maging matibay, matatag at magkaroon ng sapat na karanasang humawak sa malaking biyayang nakalaan para sa iyo.
 Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Saturday, June 24, 2017

Maging Maligaya na Ngayon!


    Isang umaga, sa may aplaya ng bayan ng Bagak, sa lalawigan ng Bataan, ay nakaupo si Doming sa gilid ng kanyang bangka. Ipinasiya niyang magpahinga at habang pinupunasan ang pawis sa noo ay masiglang pinagmamasdan ang bukang-liwayway. Nagagalak siya sa araw na ito dahil marami siyang nalambat na isda. Tuwang-tuwa naman ang kanyang asawang si Trining habang inilalagay ang mga isda sa kanyang kalya upang dalhin sa palengke at ipagbili. Nang makaalis na ang asawa, pasalampak na sumandal si Doming sa bangka upang makaidlip nang ilang sandali. Hindi pa niya naitatakip ang sambalillong buli sa kanyang mukha nang gulantangin siya ng boses ng isang lalaki.
   “Hoy, Doming, ‘gandang umaga sa iyo! Kamusta ang huli mo ngayong umaga, nakarami ka ba?” Ang bungad ng lalaki.
   “Magandang umaga naman po Mang Bestre, ayos naman po at dinala na ni Trining sa palengke upang itinda.” Ang mahinahong tugon ni Doming habang tumitindig at umupo sa gilid ng kanyang bangka.
   Nakaugalian na ni Mang Bestre ang maglakad tuwing maganda ang panahon sa aplaya bago ito magtungo sa kanyang pabrika. Isa ito sa mayayaman sa Bagak, at isa sa kanyang mga negosyo ang magpautang ng puhunan sa mga tindera, magsasaka, at mangingisda na kinakapos sa puhunan.
   Nakakunot ang noo nito nang magsalita, “Aba’y, Doming, ano pa ang ginagawa mo dito, bakit hindi ka pa pumalaot muli at manghuli pa ng maraming isda. Sayang ang panahon, kailangang nangingisda ka pa ngayon kaysa nakasandal lamang dito, nagpapahinga na lamang at walang ginagawa.”

   “At ano naman ang mapapala ko dito?” Ang napapangiti na tugon ni Doming sa pagkakagambala niya mula sa binabalak na pag-idlip.
  “Aba’y napakasimple lamang. Kung patuloy kang mangingisda, maraming ititinda si Trining at marami ang inyong kikitain. Nang sa gayon, may sapat ka nang salapi na makabili ng isa pang bangka na panghuli, mapapaupa mo ito at lalong mapapadami ang iyong mahuhuli. At mula sa dalawang bangkang ito, makabibili ka pa ulit ng ilang bangka na pauupahan mo rin. Hanggang sa makaipon ka at makabili ng malaking pangistang batil at malalaking lambat upang lalong maparami mo ang iyong mga huli.” Ang paliwanag ng negosyante.
   “At ano naman ang mapapala ko dito?” Ang pag-uulit ni Doming na nakanoot na ang noo. Napakamot sa batok ang negosyanteng si Mang Bestre at nayayamot na nagtanong, “Hindi mo ba naiintindihan ang paliwanag ko?" Lumapit nang bahagya at nakapamaywang na hinarap nito si Doming.
   “Kung magkakaroon ka ng maraming bangka na panghuli, makakabili ka ng higit na malaking pangistang batil at makakapunta ka sa malalayong pook na maraming isda, upang maparami mo ang iyong huli. Magkakaroon ka ng maraming tauhang maglilingkod sa iyo. Nasa bahay ka na lamang at uutusan mo na lamang sila na manghuli para sa iyo.” Ang naiinis na pangungulit ng negosyante.
   Minsan pa, inulit muli ng mangingisda ang tanong nito, “ At ano naman ang mapapala ko dito?” Ang negosyante ay namumula na sa pagkainis, at nagagalit na. Pahiyaw itong nagsalita kay Doming, “Hindi mo pa rin maintindihan?” Itinutok ang hintuturo nito sa mangingisda na mistulang amo at nagpatuloy sa pagsasalita habang pakumpas-kumpas ng kamay,Makinig kang mabuti, dahil dito, ikaw ay magiging napakayaman at hindi mo na kailangan pang magtrabaho sa buong buhay! Magagawa mo nang palipasin ang maghapon na nakasandal na lamang dito sa aplaya, nakatingin sa paglubog ng araw at wala ka nang pakialam sa lahat. Makapag-papahinga ka hanggang gusto mo.”
   Lalong napangiti ang mangingisda, tumatango-tango . . , tumayo mula sa pagkakaupo at tumitig ng malalim kay Mang Bestre. At buong katiyakang nagpahayag,
   “At ano naman sa inyong palagay ang aking ginagawa ngayon? Kung hindi ninyo ako ginambala sa aking pamamahinga, marahil mahimbing at masaya na ako sa aking pagtulog.”

   Napatigalgal ang negosyante, napagkuro niya na nagpapahinga na nga si Doming at nililibang ang sarili sa pag-idlip. Nakasimangot na lumisan si mang Bestre na iiling-iling ang ulo sa malinaw na pagtugon ng mangingisda.
--------------------------------------------------------------o
   Ang magkaroon ng sapat na ikakabuhay at nakapagpapaligaya ay magandang panuntunan sa buhay. Mainam at sadyang makakabuti ang magsumikap pang higit upang magtagumpay. Subalit kung mangangahulugan naman ito ng ibayong pagtitiis, pagpapakasakit, at mga paghihirap na ayaw mong mangyari sa iyo at napipilitan ka lamang, isang pagkakamali ito. Gayong magagawa namang maging maligaya sa anumang sandali. Tamasahin ang mga malilit na tagumpay, magpahinga at maglibang sa tuwina. Mula sa maliliit na tagumpay, ito’y nagpapatuloy sa higit pang malalaking tagumpay.
   At huwag kakaligtaan na anumang labis na higit pa sa iyong inaasahan o tinatanggap ay nakakasama kadalasan, kung wala kang paglalaanang makabuluhan para dito. Kaakibat ng pagyaman ang ibayong responsibilidad. Kung hindi ka handa para dito, huwag nang subukan pa at hindi ito nakalaan para sa iyo. Kalakip din nito ang sakripisyong gugugolin na dapat sana ay nakalaan para makapiling naman sa mga kasayahan ang sariling pamilya.
   Ang pagiging kuntento o ganap nang masaya sa kalagayan ay mahirap na matutuhang saloobin. Madali ang mahuli sa nakaumang na patibong ng pagkakataon na para kumita ng marami, kailangan ang ibayong magtrabaho nang walang puknat, gayong nakasasapat na ang kabuhayan at maaari nang lumigaya.
   Lumitaw tayo sa daigdig na hubad sa lahat ng bagay, at wala rin tayong madadalang kahit anuman...  Kahit na isang palito o totpik ay wala tayong madadala sa ating paglisan. Ito ang nagdudumilat na katotohanan.

Talahuluganan, n. glossary  
Ang mga katagang narito ay mula sa paksang nasa itaas. Ito'y para sa mga nagnanais na mabalikan ang nakalimutang mga salita at maunawaang lubos, at maging doon sa mga may nais makatiyak sa tunay na kahulugan at angkop sa pangyayari o pagkakataon, upang mapalawak ang kanilang paggamit ng ating wikang Pilipino.

Naniniwala tayo na ang talahulugunan ay kailangang tayo ang sumulat.
aplaya, dalampasigan n. beach, seaside
paghitit, v. smoking
pangistang batil, n. big fishing boat
lambat, n. fishing net
bukang-liwayway, silahis ng araw n. dawn, sunrise
pumalaot, v. go back to the sea
sumandal, humilig v. lean, incline for support
idlip, n. nap
tulog, natutulog adv./adj. sleep, asleep
tigalgal, n. puzzlement, perplexity, bewilderment
simangot, n. sourface look,
puknat, sagwil adj. cease, interrupt
patibong, bitag, umang n. trap, lure, entrapment
saloobin, dinarama n. attitude, feeling
paglisan, n. at the end of life, death
tamasa, ikalugod, ikasaya v. enjoy, appreciate, be happy
hubad, salat adj. naked, without anything 

Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Thursday, June 15, 2017

PILIPINO Saanmang Sulok ng Mundo!

Ipinagmamalaki Ko Ito

Walang higit na magmamalasakit at wagas na magmamahal sa Pilipino kundi ang kanyang mga kapwa Pilipino. Napatunayan na ito ng ating mga bayani, na walang maaasahan sa mga banyaga at mga tagasunod nito kung palagi na lamang maghihintay sa kadiliman. Kinakailangang mula sa iyong sariling pawis at dugo makakamtan lamang ang tunay na kalayaan.
   Kung nais mong maging malaya at magampanan nang tuluyan ang iyong mga sagradong karapatan, bilang tunay na mamamayan ng Pilipinas, at hindi maging alila at palaboy ng lansangan, panindigan mo ang iyong tunay na pagka-Pilipino. May dugong kayumanggi, matapang, at nakahandang ipaglaban ang mga makataong karapatan, kaninuman, saanman, at magpakailanman.

Bilang AKO, ikaw, siya, at tayo, lahat ay magkakasama, walang iwanan at handang magpakasakit alang-alang sa bayan.

Ipalaganap natin ang pagmamahal sa kapwa Pilipino sapagkat...
Ang mga kabatirang Pilipino ay lumalaganap lamang kung ang mga ito’y pinagtutulungang palaganapin ng mga kapwa Pilipino na may pagmamahal at pagmamalasakit sa kanyang pinanggalingan, kasaysayan, at kinabukasan.
1Nais kong ipaalam ng AKO, ikaw, sila at tayo ay mga Pilipino rin at tunay na nagmamahal sa ating sariling bayan.
May paninindigan tayo, bilang AKOAlay sa Karapatdapat na Opisyal
2-      sapagkat mayroon AKOng isang lahi, isang wika, isang kapatiran, at isang bansa.
3-      sapagkat lagi kong nararamdaman na AKO’y may tungkuling nararapat gampanan para sa ikakapayapa at ikakaunlad ng aking bansa.
4-      sapagkat nais kong ipagbunyi at ipagmalaki na AKO ay mula sa diwang kayumanggi.
5-      sapagkat dito ko lamang maipapakita na AKO’y nakikiisa sa mga adhikaing maka-Pilipino.
6-      sapagkat batid ko na Pilipino lamang ang higit na makauunawa sa kapwa niya Pilipino.
7-      sapagkat sa pamamagitan lamang ng pagkakaisa, magkakaroon ng pagbabago sa aking bansa.
8-      sapagkat naniniwala AKO na ang pakikiisa sa mga adhikain maka-Pilipino ay pagiging makabayan.
9-      sapagkat pinatutunayan nito na AKO’y may kasaysayang natatangi at maipagmamalaki sa buong daigdig.
10-   sapagkat nais kong malaman ng lahat kong kababayan na may mga adhikaing nakikipaglaban para ating mga karapatan at kapakanan.
11-   sapagkat ang aking mga kaibigan, kaanak, at kakilala ay makikinabang kung malalaman nila ito.
12-   sapagkat kung ang lahat ng Pilipino ay magmamahal sa sariling bayan, patuloy ang ispirito ng bayanihan saan mang sulok ng ating kapuluan at maging sa buong mundo.
13-   sapagkat marami na ang nakalilimot at hindi maunawaan ang kahulugan ng pagkakaisa at ispirito ng bayanihan para sa kaunlaran ng ating bansa.
14-   sapagkat dito ko lamang mapapatunayan na AKO’y may karapatan na tawaging Pilipino.
15-   sapagkat naipapakilala ko na may sarili AKOng lahing Pilipino na lubos na nagmamahal sa akin.
16-   sapagkat pinalalakas nito ang aking pagtitiwala sa sarili na mayroon AKOng pinanggalingan, pupuntahan, at mauuwian sa lahat ng sandali.
17-   sapagkat mayroon AKOng mga magigiting at dakilang bayani na nakipaglaban para sa aming Kasarinlan.
18-   sapagkat ikinagagalak ko at inaanyayahan ang lahat sa likas na kagandahan ng ating kapuluan.
19-   sapagkat nagmamalasakit AKO sa kapakanan at kaunlaran ng aking sambayanan.
20-   sapagkat ang tagumpay ng kapwa ko Pilipino ay tagumpay ko rin. At ang kanilang kapighatian ay pagdadalamhati para sa akin.
21-   sapagkat nais kong magkaroon ng pagbabago, kapayapaan, at kaunlaran sa aking bansa.
22-    …sapagkat kung hindi AKO tutulong, sino ang makakatulong naman sa akin, kapag AKO’y nangailangan ng tulong? Higit na makauunawa ang kapwa ko Pilipino kaysa banyaga na walang kabatiran sa aking bansa.
23-   …sapagkat nais kong matupad ang aking pagiging ganap na Pilipino.
24-   sapagkat bilang Pilipino, maipapahayag ko kung sino ako, ano ang aking mga naisin, at kung saan ako patungo. Hindi ko matatanggap ang pagiging Pilipino kung wala akong pakialam sa mga kaganapan ng sarili kong pamayanan.
25-   sapagkat ang lumilingon sa pinanggalingan ay makakarating sa paroroonan.

26-   sapagkat magagawa kong makiharap at makipagsabayan kahit sinumang banyaga, kung iginagalang at inuuna ko ang aking sariling bansa. Hindi ang gumagaya, nangungopya, at nagpupumilit na maging katulad nila.
27-   sapagkat sa anumang larangan na aking ginagawa, isang katangian ang kabatiran kung AKO ay tunay na Pilipino.
28-   sapagkat nagdudumilat ang katotohanan; sa anyo, sa kulay ng balat, sa hugis ng ilong, at sa punto ng aking pananalita na AKO ay tunay na Pilipino.
29-   sapagkat kahit na AKO ay bawalan, takpan, itago, at supilin, lilitaw pa rin ang aking pagiging Pilipino. Kailanma'y hindi ko ito maitatatwa o maipagkakaila kahit sinuman ang kaharap ko.
30-   sapagkat mula sa kaibuturan ng aking puso, kaisipan, at kaluluwa, AKO ay tunay na Pilipino.
31-   sapagkat ang magmamahal lamang nang higit sa Pilipino, ay ang kapwa niya Pilipino
Kaya bilang Pilipino tumutulong AKO sa pagpapalaganap ng mga katutubo at kabatirang Pilipino. Lumalaban at handang magpakasakit alang-alang sa Inang-bayan. At malaki ang ating paniniwala, maraming mga Pilipino na kahit saan mang panig ng mundo ang nakikiisa at nagtataguyod para dito. Ito ang lantarang katotohanan!
SAPAGKAT may pagmamahal at pagmamalasakit tayo sa pagiging PILIPINO, sa ating SAMBAYANAN, at sa bansang PILIPINAS, ang Perlas ng Silangan.
 
 MABUHAY TAYONG LAHAT!

 Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Monday, June 12, 2017

Ano ang Kahulugan ng KALAYAAN?

Malaya nga ba Tayong Naturingan?


Ano ang kahulugan ng katagang Kalayaan?
   Ang Kalayaan ay isang napakahalagang karapatan ng bawa’t tao, kung mayroon ka nito, walang gumagapos o pumipigil sa anumang iyong ninanais at nilalayon sa buhay. Mayroon kang laya na gampanan ang mga bagay na magpapaunlad at magpapaligaya sa iyo. Malaya kang lumikha, humimok, magtatag, at magsagawa ng mga makabuluhang bagay sa ikakaunlad ng iyong sarili, sa mga ugnayan o samahan, at maging sa iyong pamayanan. Wala kang magiging anumang agam-agam o inaala-ala maging maliit o malaki man, sa paggawa ng mga ito. Mapayapa, mahusay, at maligaya ka sa pagtupad ng mga tungkulin bilang masunuring mamamayan.
   Ang pagiging malaya ay isang katangian ng pagiging makapangyarihan, may sariling kapasiyahan nang walang anumang pinapangambahan, hindi nakasandig, umaasa o nakatali sa iba, matatag at taas noong ipinaglalaban ang pansariling kapakanan at kagalingan para sa lahat. Walang nangingibabaw o nakapangyayari sa iyong mga karapatang pantao. Hindi ka naghihinala, nangangamba, o maging natatakot man sa iyong kapwa sa sariling lipunang ginagalawan, at higit na nag-aalala sa uri ng iyong pamahalaan.
   Sa kabubuang lahat, kung ang ating mga pamayanan ay MALAYA, ang buong bansa ay malaya. ang wastong katawagan nito ay KASARINLAN. Nagsasarili, may natatanging kapasiyahan, may paninindigan, taas noong humaharap sa iba nang walang nagsusulsol o sinusunod, at walang bahid ng anumang pag-aalinlangan.
   Ito nga ba ang siyang nagaganap sa ating minamahal ng bansang Pilipinas? Totoo o tunay bang tayo ay may kasarinlan?

   Kung matiwasay ang iyong kalooban, hindi mo lalagyang ng katakot-takot na kandado ang iyong mga pintuan, ang padilimin ang iyong mga durungawan ng mga rehas na bakal na mistulang nakabilanggo ka sa iyong sariling bahay. At sa iyong araw-araw nang pagpasok sa trabaho at pagganap ng tungkulin, hindi ka nangangamba sa mga taong kahalubilo mo na ikaw ay mabibiktima ng kanilang mga karahasan.
  Subalit kung ganito ang nananaig sa iyong mga ligalig, mga pagkatakot, mga pangamba, at kawalan ng katarungan sa iyong kapaligiran . . .
Hindi ka Malaya


    Kung pawang mga bagabag at mga alalahanin ang sumasaiyo sa tuwina, hindi ka malaya. Kung may patuloy na pagkatakot at kawalan ng pag-asa, hindi ka malaya. Kung mayroong balakid, mga pagbabawal, at pagkitil sa iyong mga karapatan, hindi ka malaya. Kung nais mong umunlad at guminhawa sa buhay, subalit pinipigil ka ng karalitaan, kakulangan sa edukasyon, mga koneksiyon sa lipunan, at mga pagkakataon, hindi ka malaya. Hangga’t may inaapi at may nang-aapi, may mga kabuktutan, mga katiwalian, pagsasamantala, at mga nakawan sa kaban ng bayan, walang katapusang karukhaan ng karamihan, may kinikilingang hukuman, walang mapasukang trabaho at mga pagkakataon, hindi tayo malaya.
   Isang paglalarawan; kung nakaharap ka sa isang botika, at tinatanaw mo ang gamot sa estante na siyang makalulunas sa karamdaman ng iyong anak, subalit hindi mo ito mabili sa kamahalan, hindi ka malaya. Dahil lahat ng iyong nakikitang bilihin ay may kaakibat na halaga. At ibibigay lamang ito doon sa bibili na may sapat na pambayad. Kung wala ka nito, walang kang kalayaan na ito’y mapasaiyo. Kung may salapi ka, sa iyo ito. Kung wala kang salapi, ibayong pagtitiis ang kaulayaw mo. Kawangis mo'y isang bilanggo na walang kakayahan at karapatan.
Hindi ka malaya.
   Lahat ay may katumbas na pagod, panahon, pagkakataon, at kabubuang salapi. Kung wala sa iyo ang mga ito, tumingin at umasam lamang ang iyong karapatan. Kung walang laman ang iyong bulsa, maraming bagay ang wala kang kalayaan na magawa, gampanan, mapasaiyo, at ikaunlad mo.
Ano ang ipinagdiriwang natin, ang ating kamangmangan at pagyukod ng ulo sa mga banyaga at naghaharing-uri sa ating bansa?


Sino ang talagang nakikinabang sa mga likas na kayamanan ng ating bansa? Bakit marami sa ating ang naghihirap at hindi malaya? Hindi ba nakapagtataka na kung bakit patuloy ang "Maid in the Philippines" kaysa "Made in the Philippines"

Ang makalimot sa kasaysayan ay isang kataksilan, sa pag-uulit muli ng dating kapahamakan

  Malaya nga ba tayo? Sino ang higit na malaya, ang naghaharing-uri o yaong nagdarahop at namimighating mga Pilipino. Sino ang may pambili at yaong nakatingin lamang at patanaw-tanaw na masulyapan at naghihintay na matapunan ng awa? Kung sakaliman magkakaroon ng digmaan, at ikaw ay makikipaglaban sa iba, ano ang iyong ipinagtatanggol? May sarili ka bang mga lupain, mga kabuhayan, mga ari-arian, mga negosyo, mga mansion na bahay, magagarang sasakyan, at higit sa lahat milyung-milyong salapi sa bangko, upang magtanggol para dito? Kung wala ka ng mga ito, sino at ano talaga ang ipinagtatanggol mo, ang iyong sarili o ang mga naghaharing-uri? Karamihan sa atin, kahit lupa sa paso ay walang pag-aari. Tanungin mo ang ating mga karaniwang kawal sa militar, kung ano ang ipinagtatanggol nila at lagi silang nasa parada tuwing "Araw ng Kalayaan" Wala silang nalalaman sa katotohanang ginagamit lamang sila.




Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Sunday, June 11, 2017

Ikaw ba ay PILIPINO?

Bukas ay Araw ng Kalayaan, marapat lamang na muli nating sisirin at pakalimiin kung ano ang tunay at wagas na itinitibok ng ating mga puso sa tuwing sasapit ang sagrado at makabayang araw na ito.....

 Pagmamahal sa Inang-Bayan

 
        Ito ang orihinal na bersiyon ng ating Panatang Makabayan na buong kagitingang binibigkas matapos awitin ang ating Pambansang Awit. Bahagi ito ng paglilinang ng ating mga paaralan sa mga mag-aaral upang ikintal sa puso, sa diwa, at sa kaluluwa, ang marubdob na pagmamahal sa ating Inang Bayan at sambayanang Pilipino. Kadalasan sa mga pagtitipon; sa panahon ng mga pagdiriwang tuwing ika-12 ng Hunyo, bahagi ng programa sa mga paligsahan at pagsasaya kung sino ang makakabuong awitin ang ating Lupang Hinirang. Matapos ito, ang susunod naman ay ang pagbigkas ng Panatang Makabayan. At kadalasan din, marami ang nakakalimot at hindi mabuo ang ating pambansang awit at panata. Ang kanilang katwiran, para lamang ito sa mga bata. Sa ating henerasyon ngayon, lalo na doon sa mga nagsilaki at nagkaisip sa ibang bansa, tuluyan na itong nalimutan. Doon naman sa mga may kagulangan at mga magulang, pawang pagkibit ng balikat at ismid ang ipupukol sa iyo. May iba naman, mapagkit na tinging Medusa ang magpapatigil at paparalisa sa iyo. Tila mga napapaso at kalabisan na sa kanila ang pag-ukulan pa ito ng pansin. 
   Subalit ayon sa kanila, sila'y mga Pilipino. Kaya lamang, kung BAKIT walang nalalaman, o pitak sa kanilang mga puso ang anumang kataga sa awitin at panata tungkol sa pagiging tunay na Pilipino
   Pilipino nga kaya sila? Katanungang pinipilit kong arukin. 
   Ang Lupang Hinirang at Panatang Makabayan ay mahalagang sangkap sa ating katauhan. Nanlulumo ako at hindi mapagtanto kung bakit iilan at bihira ang nakakaalam ng mga ito. Gayong ito ang nagpapaala-ala, bumibigkis, at nagpapakilala sa atin kahit kaninuman, kailanman, at saan mang panig ng mundo. Pinatitibay nito ang ating pagiging makabayan at pagmamalasakit sa ating katutubong kultura at mga sining. Ito ang ating sandigan at personalidad na kumakatawan sa atin kung sino tayo, anong lahi at uri, at ang ating pinanggalingan. Hindi tayo mga putok sa buho na bigla na lamang lumitaw at walang nalalaman sa ating pinagmulan. 
   Nagiging katawa-tawa at nalalagay sa alanganin ang ilang Pilipino kapag nahilingang awitin ang Lupang Hinirang at Panatang Makabayan, at hindi mapaunlakan ang mga banyagang humihiling. Gayong sila ang pasimuno at nangangasiwa sa mga pagdiriwang sa kani-kanilang mga pook sa ibang bansa. Higit pang nakakabalisa; maraming guro sa ngayon ang hindi rin maawit nang buo ang Lupang Hinirang at mabigkas nang tuwiran ang Panatang Makabayan, kapag tinatanong ng mga kabataang nagnanais na matutuhan ang mga ito. Sa maraming bansa na aking napuntahan at sinalihang mga pagdiriwang, laging bahagi ito sa mga kulturang pagtitipon. At bilang tunay na Pilipino, nakalaan kang ibahagi ang ating Pambansang awit at panata. Ito ang pambungad sa alinmang okasyon na nagpapakilala sa ating bansa, lalo na sa pandaigdigang paligsahan, palaro at mga kompetisyon. Katulad sa mga boksing ni Manny Pacquiao, walang masisimulan na laban kung hindi aawitin ang ating Lupang Hinirang.
   Magagawa mo bang awitin at bigkasin ang dalawang makabayang pagdakila na ito sa ating Inang Bayan? Kahitt man lamang sa araw ng ating kasarinlan? Kaya mo nga ba? 
   At kung hindi naman, magsimula nang sauluhin ang mga ito. Ito naman ay kung nais mong matawag na isa kang Pilipino.
   Ito ang malaking pagkakaiba sa tunay na Pilipino at doon sa mga huwad at mga nagkukunwaring Pilipino. Ang pakilala nila mga Pilipino daw sila, subalit hindi makayang awitin ang ating Pambansang Awit at mabigkas ang ating Panatang Makabayan. 

   Ang makalimot sa ating nakaraan at pagkakakilanlan; ay masahol pa sa isang baog na banyaga na naghahanap ng sariling lungga.

 
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
 

Talaga bang Tanga Ka?

EDUKASYON: Huwag Madaliin


   Pinakamarangal na gawain ang linangin ang kaisipan ng tao. Hindi tayo ipinanganak na may kaalamang bumasa, sumulat, tumantiya, magdisenyo o gumuhit. Lahat ng ito’y kailangang pag-aralan. At lubos na mapalad kung ikaw ay mayroong guro na busilak ang puso, may kabatiran, at may kakayahang magturo.
   Ang isang mabuting edukasyon ay naglalaan sa atin ng kakayahang makinabang mula sa mga gawa ng iba na nauna sa atin. Ang kanilang mga karanasan, natutuhan, tagumpay man o kabiguan ay nagsisilbing tanglaw sa ating daan upang pamarisan o talikdan. Subalit ang kaalaman ay walang patutunguhan at kabuluhan hangga’t hindi tayo maingat sa pagtuklas at pagsasagawa nito. Nasa ating pang-unawa at pagtanggap kung ito'y mayroong kapakinabangan na ating magagamit sa pakikibaka sa buhay.
   Samantalahin natin ang pagkakataon na matutuhan ang karanasan ng iba, kaysa gumastos at magmatrikula pa sa magaganap at tiyak na kamalian. Ang karanasan ng iba ay napatunayan at nagtagumpay na, at walang malaking mawawala at maggiging madali pa kung tataluntunin din ang landas na kanilang dinaanan.
   Isang pagpapatiwakal at paglustay ng panahon, at pati kabuhayan ang baguhin at humakbang pa ng naiiba, kung magkatulad naman ang landas na dadaanan at makakamtang tagumpay. Ang pagkakaiba lamang sa magkatulad na landas at natamong tagumpay ay kung mahihigitan o malalagpasan ito kaysa dati.

   Nangangailangan ng pagtitiyaga, masidhing paggawa, at natatanging katauhan upang paunlarin ang pag-uugali na maging mahusay sa pag-aaral, pagsulat, at pagbasa. Lalo na ang pagbibigay ng ganap na pang-unawa sa nilalaman ng binabasa. Ang panahong inaksaya dito ay mahalaga at magagamit sa lahat ng pagkakaton o pangyayari na magaganap sa iyong buhay.
    Lahat ay may kalalagyan, kailangan lamang ay maunawaang ganap kung ano ang talagang layunin mo at naglalaan ka ng makabuluhang panahon para dito.



 
Ang Pag-aaral
ni Jesse Navarro Guevara
Basahin lahat; walang itinatangi o nilalaktawan,
sa isang nasumpungang nabuklat na kaalaman.
Ang may layuning matuto ay walang pinalalagpas,
Lahat ay sinasambot at pinipilit na makatas.

Kaysa tumingin, kailangang tumitig.
Kaysa humaplos, kailangang kumapit.
Hindi ang humawak bagkus ang mangunyapit.
Tumangan nang mahigpit, nang maunawaang higit.

Damahin ng puso, kabigin ng dibdib
Limiing mabuti at huwag ipagkait.
Ang magturo sa kapwa ay siyang kapalit,
Sa lahat ng pagpapala na ating nakamit.

Kapag naibigan may panahong nakalaan,
At kung makabuluhan ay pinag-aaralan.
May pagpapahalaga na maikintal sa isipan,
At sa totoong buhay ay ginagampanan.

Ito ang susi at kaparaanan, kung nais mo ng ibayong kabatiran.

Talahuluganan, n. glossary
Ang mga katagang narito ay mula sa paksang nasa itaas. Ito'y para sa mga nagnanais na mabalikan ang nakalimutang mga salita at maunawaang lubos, at maging doon sa mga may nais makatiyak sa tunay na kahulugan at angkop sa pangyayari o pagkakataon, upang mapalawak ang kanilang paggamit ng ating wikang Pilipino.

marangal, may dangal, huwaran n. noble, virtuous, illustrious
linang, bungkal, v. cultivate, tilling, improve, develop, refine
tantiya, tasa, tuos, kwenta  v. calculate, estimate, solve, figure out
guhit, sining n. draw, illustration, art
laan, tustos, takda, bigay v. provide, supply, sustain, avail, give
maingat, masinop adj. cautious, careful, attentive care, meticulous
tuklas, alamin, tiyakin, hanapin n. ascertain, discover, explore, determine, find
tiyaga, tiis, n. perseverance, steadfastness, persistence
sambot, salo, tanggap n. catch by hand (ball or falling objects), receive
makatas, n. juicy  v. to squeeze the juice
masidhi, matining, taimtim adj. intense, extreme degree, great zeal
matiris, n. grainy, half-cooked rice
sinaing, nilutong kanin n. cooked rice
kaalaman, n. knowledge, know how
kabatiran, n. well informed, ability to discern, insight, sound judgment
    wangki sa kapahaman, paham, pantas n. wisdom, wise man, philosophic person
laktaw, lagpas, n. omission, gap, set aside, overtake
pagpapala, basbas n. blessing, held in reverence
-------------------------------------------------------------------------------------------o
Palaala: Ang talahulugan na ito ay ipinapaliwanag lamang ang nilalaman ng paksa. Ang mga katagang nakasaad sa itaas ay batay lamang at umaayon sa mga pangungusap na palasak at kawikaan sa aming lalawigan ng Bataan. Hindi ito nagmula sa pagsasaliksik na nangangailangan ng pahintulot sa paggamit, o, alinsunod sa takdang-aralin, at may gabay ng mga taong titulado o may karugtong na mga titik ang kanilang mga pangalan sa hulihan. Isa po lamang na tagapaghatid ng kaunting kaalaman (kung inyong mamarapatin lamang) ang inyong lingkod. 
   Tulad sa panonood sa telebisyon, kung ayaw ninyo, mangyari lamang na pihitin ang remote control na hawak at pumunta sa ibang himpilan. Dito naman sa blog na ito, isang pindot lamang sa inyong mouse or keyboard, nasa ibang website ka na. Ganoon lamang po kadali. Huwag tagalan ang pagkainis. Inis-talo ito. Kung may kakulitan pa rin ang iba, ilagay sa tama ang inyong mga pagpuna, magdagdag kabatiran sa pamamagitan ng pagsulat sa akin. Hindi pawang mga hinaing na nakalambitin at tumatawag ng pansin. Mauuwi po ito sa walang hintong singasing at pagka-duling.

Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan