Pabatid Tanaw

Tuesday, April 11, 2017

Naligaw Ka ba?


6 Maging Positibo ang Pananaw
   Anumang bagay na ating magagawa o hindi magagawa, na ating ipinapalagay na posibleng gawin o imposibleng gawin, ay bihirang kakayahan ng tunay nating kapasidad. Ito ay nakabatay sa kakayahan kung ano ang ating pangmalay kung sino tayong talaga. Anumang kamalayan sa ating pagkatao, mabuti o masama man; ito ang ating paniniwalaan. Ang mahalaga ay maunawaan nating na tayo mismo ang simula ng lahat ng ating nararanasan. At ito'y umaayon kung anong "grado ng salamin" na iyong ginagamit sa tuwing naglalagay ka ng interpretasyon sa mga pangyayari.
   Ang Kamalayan ay katulad ng pagtatayo ng bahay, manatiling positibo sa paggawa nito. Naiintindihan mo ang lahat ng elementong nakapaloob dito, mula sa plano (blueprint), paghahanda sa lupa at pagtatayo ng matibay na pundasyon. Kasunod nito ang pagkuha sa mga taong may kinalaman sa gawaing ito, paghahanda ng mga pangunahing materyales na gagamitin sa pagsasaayos ng mga partisyon, at mga kagamitan upang mabuo ang bahay. Kung wala ang isang sangkap sa mga ito, imposibleng mabuo ang bahay sa tamang istruktura nito.
Walang kadakilaan na kailanman ay matatamo, kung walang mga dakilang tao, at ang mga tao ay nagiging dakila lamang kung may kamalayan silang mangyari ito.
   Ganito din sa paggamit ng kaisipan, kung wala ang mga preparasyong ito, wala ring kakahinatnan ang anumang iyong hangarin na maging maayos ito tulad ng iyong inaasahan. Sa simula pa lamang, kung ang iyong intensiyon ay hilaw at may kulang, hindi ito magaganap. At kung may bahid naman ito ng pagsasamantala, o nakatagong kabuktutan; ikapapahamak mo ito.
   Upang magkamalay, may mga pagkilos itong sinusunod, tulad ng mga ito:
   Kamalayang hindi mo magagawang katulad ng iba na nais mong parisan, 
gaano man kamahal mo ang taong ito.
   Kamalayang ikaw ay umiibig, kahit na natatakot kang bigkasin ito.
   Kamalayang ang laban ng isang tao ay hindi sa iyo.
   Kamalayang ikaw ay higit na magaling kaysa pagkakilala ng iba sa iyo.
   Kamalayang ikaw ay makakaraos at makakaligtas sa anumang kapahamakan.
   Kamalayang magagawa mong tahakin ang iyong sariling landas,
 gaano mang paghihirap at kabuhayan ang nakapaloob dito.
   Kamalayang habang nakatuon ka sa matuwid mong landas, ang sangkatauhan ay kusang tumutulong at ang sansinukob ay naglalatag pa ng maraming pagkakataon upang matupad mo ito.
   Ikaw ay laging nasa isang pagpili lamang upang mabago ang iyong buhay. Nakaupo ka pa ba, at hindi makapagpasiya, at naghihintay na lumakas ang loob bago kumilos? 
 Gayong para sa iyong kabutihan at kaunlaran ang makakamit mo.  
Sino ba sa iyong akala ang makagagawa nito para sa iyo? 
 Ikaw mismo, ang tangi lamang makagagawa nito para sa iyo. 
Kung hindi ka kikilos, ikaw ay kikilosin ng iba batay sa kanilang kagustuhan at hindi sa ganang iyo. 

Mga Pamantayan ng Kamalayan: 
Magkamalay- na panatilihin ang mga dakilang kaisipan na ang tinutungo ay makabuluhan at kabutihan lamang.
Magkamalay -na tuklasin kung ano talaga ang hinahanap mo at pagtuunan ito ng 
ibayong pansin.
Magkamalay -na alamin at pag-aralan kung papaano nito mapapaunlad at makapagpapaligaya sa iyong sarili.
Magkamalay -na hangga’t walang inspirasyong nangingibabaw, 
walang kasiglahang mamamayani.
Magkamalay -na makipag-ugnayan sa mga tagapagturo (mentors) na palawigin pa ang iyong kaalaman at karanasan.
Magkamalay -na maglaan ng mga tamang katanungan na makapagpapaliwanag sa iyo ng mga 
tamang kasagutan.
Magkamalay -na humiling upang mabigyan, 
kumatok nang pagbuksan, 
at tumuklas nang may matagpuan. 


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan




(May nagtanong kung tagasaan AKO talaga sa lungsod ng Balanga: Sa Brgy.Cupang Proper po)

No comments:

Post a Comment