Pabatid Tanaw

Saturday, October 15, 2016

May Nais Ka pa ba?



Hindi ang pinakamalakas sa atin ang nakakaligtas, hindi rin ang matatalino, bagkus ang mga sumasang-ayon sa pagbabago.

 Kung malinaw tayo sa ating mga motibo, ang ating mga pagkilos ay lalong lalakas, sapagkat magagawa natin ang intensiyon nito ng sandaang porsiyento. Ang ating kusang pagkilos ang nagtutulak sa ating iniisip, binibigkas, at mga ginagawa. Ito ang nagsusulong sa bawa’t bagay na na nais nating mangyari. Ito ang nagpapasigla na matupad ang ating mga lunggati. Nangyayari lamang ito kung nakakatiyak tayo kung ano talaga ang nais nating mapasaatin.
   Mayroon tayong dalawang kapangyarihan sa pagpili: 1) ang pumili; 2) at ang piliin ang tama. Ito ay kusang nangyyari sa atin nang hindi natin gaanong namamalayan,
   Hindi ka nakakatiyak sa hinaharap at hindi mo rin mapipigil itong maganap. Ang nakaraan naman ay hindi mo na mababalikan pa. Naglaho na ito at limot na. Ang magagawa mo lamang ay harapin ang araw na ito at simulan ang pagbabagong noon mo pa pinapangarap at nais mangyari sa hinaharap. Ngayon na ang tamang panahon, at wala nang maganda pang pagkakataon para sa iyo kundi ang mga sandaling ito.
    Alamin at pag-aralan ang iyong buhay.
Narito ang mga katanungan at ikaw lamang ang makakasagot.
Maitatanong mo kung papaano na posibleng higit na malaman ang tungkol sa iyo kaysa ang alamin pa ito, (ayon sa iyo ay alam mo na ito, at hindi na kailangang pag-usapan pa), subalit karamihan sa atin, lalo na yaong mga nananatiling bigo sa buhay at nakasadlak sa kahirapan ay hindi nila lubusang nakikilala ang kanilang mga sarili. Wala silang kabatiran kung ano ang kanilang tunay na kalakasan o sadyang kahinaan. Hangga’t wala kang napag-aralan sa iyong sariling buhay, pawang patama-tama at padaskol na buhay ang mangyayari sa iyo. Walang katiyakan ang lahat. Kahit saan mapunta ang direksiyon, dito na mananatili. Itanong sa sarili; Kung saan mo kailangang magsimula?
   Marami kang nalalaman sa mga iniidolo mong tao; artista, tanyag, o pulitiko man ang mga ito. Marami ka ring nabasa na aklat at napag-aralang buhay noong nag-aaral ka pa. Mga karanasan at kinawilihang mga gawain o libangan na umaaliw sa iyo. Alin sa mga ito ang nagpapasaya sa iyo? Ang iyong kinagigiliwan? O , nais na gampanan sa iyong buhay? Mayroon ka bang kasiglahan o silakbo na nadarama na nangingibabaw sa iyo na ito ang iyong kailangang gawin? At kapag ginawa mo’y nakakatiyak ka bang magtatagumpay ka? Ito ba ang iyong ambisyon? Kahit na hindi ka bayaran, ... ay patuloy mo pa ring gagawin? Bakit hindi mo pa gawin ito, ngayon na?

Pag-aralan at limiing mabuti ito:
(Mula sa aking pagkakasalin)
Ang malalim nating pagkatakot ay hindi ang ating kakulangan.
Ang kinakatakutan nating labis ay ang ating ibayong lakas na hindi masukat.
Ang ating liwanag, at hindi ang ating kadiliman ang higit na tumatakot sa atin.
Tinatanong natin ang ating mga sarili, sino ba ako upang magning-ning,
ang maging kaibig-ibig, matalino, at kahanga-hanga?
Sa katunayan, sino ka at hindi ito magaganap?
Ikaw ay anak ng Diyos.
Ang maliit na pagganap ay hindi nakapaglilingkod sa mundo.
Walang nagagawang nakakaliwanag ang umiiwas
upang ang ibang mga tao ay hindi maasiwa sa paligid mo.
Lahat tayo ay nakatakdang magning-ning, tulad ng gawa ng mga bata.
Tayo ay ipinanganak upang mapatunayan ang kaluwalhatian ng Diyos na nasa kaibuturan natin.
Hindi lamang tuwiran na nasa ilan ito sa atin, ito’y naroon sa bawa’t isa.
At kung hahayaan natin ang ating sariling mga liwanag ay magning-ning, walang malay
nating pinahihintulutan ang ibang tao na gawin ang katulad nito.
Habang tayo ay napapalaya mula sa ating pagkatakot,
sa ating pagtalaga ay dagliang pinapalaya ang iba.               Marrianne Williamson

Batayan: kung nakaharap ka sa salamin; ay may isang tao na nakatingin din sa iyo, sino ang nakikita mo? Subalit ito ang totoo, at walang gaanong nakakapansin. Ginagaya ka nito kahit na anong gawin mo. Bawa’t isipin mo ay gagawin niya. Subukan mong ngumiti, at ngingiti din ito. Pagalitin mo ang mukha mo, at magagalit din ito. Alam mo bang sunod-sunuran ito sa iyo? Kahit na isipin mong tumalon sa bangin, ay tatalon din ito. Sapagkat ikaw lamang ang makapangyarihan niyang sinusunod at wala ng iba pa. Kung pauuto ka at makikinig sa sulsol ng iba, at habang ginagawa mo ito sa iyong sarili, ang nakikita mo sa salamin na tao ay walang magagawa kundi ang sumunod din sa iyo. Ngunit ihanda mo ang iyong sarili sa mga bagabag, problema, mga paliwanag sa panag-inip, at kapag talagang may tampo na ito sa iyo ay padadalhan ka pa ng mga bangungot. At kung minsan kapag matindi na ang galit, ay hindi ka na magigising pa. Ito ang katotohanan at nasusulat pa. (Pakibasa lamang ang AKO nga Ito at Wala ng Iba pa, 30 Hunyo/11)
   Bagaman hindi natin inaasahan, kahit na lubha tayong abala sa mga gawain, ang tadhana ay naglalagay ng mga balakid upang subukan kung gaano tayo katapang at may kakayahang magbago; sa mga sandaling ito, hindi mainam na punto ang magkunwari na parang walang nangyari o dili kaya ay nagdadahilan tayo na hindi pa handa. Ang paghamon ay hindi makapaghihintay. Ang buhay na lumipas ay hindi na maaari pang mabalikan. Ang isang linggo ay sobra ng panahon para sa atin na magpasiya kung tatanggapin o hindi ang ating kapalaran.

Kung may mga tamang katanungan, ay may mga tamang kasagutan. Dito nakasalig ang iyong tamang kapalaran.

   Buhay mo ang nakataya dito, ang iyong kapalaran ay naghihintay. Nasa iyong mga kamay nakasalalay ang iyong tagumpay at gayundin ang kabiguan.

Kailanman ay hindi ko matatagpuan ang aking sarili kung makasarili at lumalayo ako sa kabubuan ng sangkatauhan na tila ako’y isang ibang uri na nilalang.

Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
(Pakibasa lamang ang Mga Dakilang Prinsipyo ng Buhay, 07 Disyembre/11)

No comments:

Post a Comment