Pabatid Tanaw

Wednesday, September 28, 2016

Istorya ng Buhay

Minsan matapos likhain ni Bathala ang mga hayop, kanyang pinagmasdan ang mga ito habang gumagala sa kaparangan at kagubatan. Tinawag niya ang aso at nagpahayag, “Sa nakita kong kasiyahan at paggalaw ng buntot mo, bibigyan kita ng 20 taon para mabuhay. Wala kang gagawin kundi ang umupo sa maghapon at tahulan ang bawat nagdaraan sa iyong paligid.”
   Tumugon ang aso, “Panginoon, masyado namang mahabà ang 20 taon sa pagtahol. Nais ko ay 10 taon lamang at isinasauli ko ang 10 taon.”
   “Kung ganoon ay gagawin kong 10 taon na lamang para sa iyo,” ang tagubilin ni Bathala.
   Tinawag naman ni Bathala ang matsing, “Masigla kang naglalambitin sa mga sanga, umaaliw at nakikipaglaro sa mga kagaya mo, bibigyan kita ng 20 taon na mabuhay.”
   Mabilis ang sagot ng matsing, Anooo? 20 taon para lamang makipaglaro, makipaghabulan at umaliw? Hindi ko matatagalan ito, ‘yong aso nga, 10 taon lamang, sana ako ay 10 taon din tulad ng sa aso.” At ito nga ang ipinagkaloob ni Bathala sa matsing.
   Tinawag naman ni Bathala ang bakà, “Lumapit ka sa akin bakà, kailangang sumama ka sa magsasakà sa kabukiran. At sa maghapon ay tulungan mo siya na magbungkal ng lupà sa init ng araw, magkaroon ng mga supling na guyà, at magbigay ng gatas para suportahan ang magsasakà. Bibigyan kita ng 60 taon sa paglilingkod mong ito.”
  Napailing ang bakà sa narinig at kapagdaka’y nakiusap, “Sa hirap na dadanasin ko sa kabukiran at pagsasakà, bakit naman 60 taon ang babakahin ko? Bakit hindi na lamang 20 taon at isinasauli ko ang 40 taon, hindi ko matatagalan ito.”
   At pumayag muli si Bathala sa kahilingan.
   Aalis na sana si Bathala nang mapansin niya ang isang tao na nakaupo sa gilid at matamang nanonood at nakikinig sa mga pangyayari.
  Tinawag niya ang tao, at nagpahayag, “Sa nakita kong interes na ginawa mo, nais kong maging masaya ka sa tuwina, ang kumain, matulog, maglibang, mag-asawa at tamasahin ang kasiyahan sa buong buhay mo. Bibigyan kita ng 20 taon para mabuhay.”
  Nakakunot ang noo na tumutol ang tao, Anooo? Bakit 20 taon lamang? Puwede ba, …sa akin na ang 20 taon ko, kukunin ko rin ang 40 taon na isinauli ng bakà, at ang 10 taon na isinauli ng matsing, pati na rin ang 10 taon na isinauli ng aso. Sa kabubuang lahat ay 80 taon. Ito ang kahilingan ko para lalo akong maging masaya.”
   “Sige na nga,” ang pagsang-ayon ni Bathala, “Ibibigay ko sa iyo ang kahilingan mong 80 taon.”

…At ito nga ang siyang naghari sa daigdig, sa unang 20 taon walang ginawa ang mga tao kundi ang kumain, matulog, maglaro, at aliwin ang sarili; ang sumunod na 40 taon ay pawisang magpaalipin sa init ng araw tulad ng bakà para suportahan ang sariling pamilya; at ang sumunod na 10 taon ay tularan ang matsing na makipaglaro at aliwin ang mga apo, ang natitirang 10 taon ay gayahin ang aso na umupo sa silyang de-tugyà sa harapan ng bahay at tahulan ang sinumang nagdaraan.

Ito ang buòd na istorya ng ating buhay at simpleng kuwento para sa iyo.

Jesse N. Guevara
wagasmalaya.blogspot.com
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment