Pabatid Tanaw

Tuesday, July 05, 2016

Kilatisin ang Kakilala

Nasa mabuting pagsasamahan nakikilala ang pagkakaibigan.

Sa ating paglalakbay sa buhay, maraming tao ang ating nakakasabay, nakakasalubong, at kung minsan ay nakikilala. At kadalasan, kung wala kang sinusunod na panuntunan, madalas ay nauuwi ito sa pagkakamali."Akala ko ay mabuti siyang tao, 'yon pala ay hudas!" "Matapos kong magtiwala sa kanya, ito pa ang iginanti niya sa mga kabutihang nagawa ko sa kanya."-ilan lamang ito sa mga hinaing ng iba na hindi nagawang kilatisin ang mga naging kakilala. 
   Narito ang isang magandang halimbawa kung papaano makikilatis ang isang kakilala.
   Minsan may isang tanyag na matandang maestro sa pamantasan ang napasyal sa Barangay Kupang. Isa itong tagapagturo ng kabutihang-asal at tagapayo sa lungsod ng Balanga. Pinuntahan ng maestro si Mang Jose, ang kapitan ng barangay at inanyayahan niya ito na makasalo sa tanghalian. Sa isang restoran, tinanong nila ang tagapag-silbi kung ano ang espesyal na lutong ulam sa araw na ito.
 
   “Isda, sariwang isda po! Kahuhuli lamang po diyan sa ilog ng Talisay.” Ang pagmamalaking pahayag ng tagapag-silbi.
   “Bigyan mo kami ng dalawa,” ang nasasabik na bigkas ng matandang Maestro.

   Ilang sandali pa ang nakalipas, at lumabas mula sa kusina ang tagapag-silbi na may dala-dalang lutong dalawang isda sa malaking bandehado. Ang isa ay malaking banak at ang isa naman ay ang maliit na talilong. Dahilang katanghaliang tapat na at kapwa nagugutom, walang pag-aatubili, sinungggaban agad ni Mang Jose ang malaking banak at inilagay ito sa kanyang plato. Matalim na napatitig ang Maestro at matinding hindi makapaniwala sa nasaksihan kay Mang Jose. Subalit mahinahong nangusap ito, at nagpaliwanag na ang ginawa ng punongbarangay ay hindi lamang mapaghangad at makasarili, bagkus ay nilalabag nito ang mga panuntunan sa halos lahat ng moralidad, batas ng relihiyon, at sistema ng kabutihang-asal.

   Nanatiling tahimik na nakikinig; at malumanay na tatango-tango lamang si Mang Jose, habang patuloy na nagsesermon ang matandang maestro. Nang matapos ito sa mga pangangaral ay nagtanong si Mang Jose, “Dakilang Maestro, kung kayo ang nasa kalagayan ko, ano ang inyong kukunin sa dalawa, ang malaking banak o ang maliit na talilong?”

   “Ako, bilang mapagparaya at nakakaalam sa mga 'pakiramdaman' ng mga tao, ay kukunin ko ang maliit na talilong.” Ang buong pagpapaubayang pahayag nito sa kaharap.

   “Eh, kung ganoon po, susundin ko po ang inyong kahilingan,” ang mapitaganang pagpapaunlak ni Mang Jose. At kapagdaka’y kinuha ang maliit na talilong at inilagay ito sa plato ng nabigla at napangangang Maestro. Bubulong-bulong ito na nagkamot sa kanyang makintab na ulo. Hindi niya sukat akalain na maisahan siya sa kanyang halimbawa.

-------
Si Mang Jose, ang punongbarangay ay aking ama. Malaki ang natutuhan niya sa karanasang ito at ginawang gabay ito sa mga nagiging kakilalal niya. Nakagisnan ko noong ako’y bata pa, na siya ay naging tenyente del barrio (ang halalan ay sa pagtaas lamang ng kamay) sa mahabang panahon hanggang sa maging Kapitan sa aming Barangay Kupang, dito sa Lungsod ng Balanga, sa lalawigan ng Bataan. 
   Hindi ko nalilimutan ang isang sanaysay na ipinamana niya sa akin, noong minsan na ako’y nanggagalaiti sa makasariling pag-uugali ng isa kong naging kaibigan. Tinawag niya ako at pinilit na inalam kung ano ang aking ikinagagalit. Nagugunita at nararamdaman ko pa ang masuyong pagsuklay ng kanyang mga daliri sa aking tuktok habang masayang nagsasalaysay.
   Matapos ito, ay dinugtungan pa niya ng isang mahalaga at huwarang panuntunan, “Jesse, sa iyong tatahaking buhay at nais mong makatiyak sa tunay na magiging kaibigan mo, idaan mo sila sa isang pagsubok!”
   “Ano pong pagsubok ito?”  Ang may pagnanais kong tanong.
  “Maghain ka ng isang bibingka o kalamay at imungkahi mong siya mismo ang humati at kunin ang nais niya. Pagmasdan mong maigi kung ano ang kanyang uunahing kunin. Kapag kinuha ang higit na malaki at iniwan sa iyo ang maliit, huwag kang makikisama sa mga ganitong uri ng tao, dahil lagi kang mawawalan.”
   Maigi kong pinakatandaan ito, at sa tuwing may mga kakilala ako na aking pinag-aaralan ang mga pagkilos at pag-uugali lalo na pagdating sa negosyo at mga kasunduan; napapatunayan ko ang bisa at kahalagahan ng panuntunang ito na mula sa aking ama.
   Madali itong masasaksihan at mararanasan, kapag may nauna sa iyong sumandok sa kaldero o maging bandehado ng pagkain at inuunang kunin lahat ang malalaki at malalaman para sa kanya at iniwan sa iyo ang maliliit at puro buto. Laging para sa kanya ang lahat ng magaganda, masasarap, at maginhawang kalagayan kaysa iyo na siyang magbabayad pa naman. Tinalo mo pa ang nadukutan; hindi ka na nabusog, nag-iwan pa ito sa iyo ng sama ng loob na matagal ding panahon bago malimutan.
   Iwasan ang mga suwapang, mga ganid, mga sakim, mga linta at mga mapagsamantala sa ating buhay, kung nais nating maging maligaya sa tuwina. At ito’y magagawa lamang kung tayo ay laging gising at nakatitig (hindi nakatingin)sa gawain ng mga nakapaligid sa atin.
 
 

No comments:

Post a Comment