Pabatid Tanaw

Friday, July 29, 2016

Mahal Kita, at Para ito sa Iyo



Madalas ito sa ating buhay, lalo na kung tayo ay nag-iisá at nakakaramdam ng hindi maipaliwanag na pagkabalisá. Palaging binabagabag tayo ng ating konsensiya kung bakit tayo ay lumitaw pa sa mundong ito... at para saan? Maraming mga katanungan ang paulit-ulit na nagsasalimbayan sa ating isipan. Pangunahin na rito ang "Sino ba AKO?' 'Ano talaga ang aking mga naisin at hangarin sa buhay na ito?' 'At saang destinasyon ako pupunta?' 'Tama ba ang kalagayan ko sa ngayon, at ito ba ang talagang nakaukol o sadyang nakatakda para sa akin?"
   Hindi tayo basta na lamang sumulpot o sumingaw nang gayon na lamang; ang kumain para mabuhay, o, ang mabuhay para kumain. Mayroong malaki at pangunahing dahilan kung bakit tayo nilikhà. Ang Dakilang Maykapal ay naghandóg ng isang napakahalagang regalo para sa atin, at ito'y hindi magagawang palitan, baligtarin, ulitin o mahigitan man. Palaging nasa atin ito, at kadalasan, bina-balewala natin ito, sinasayang, o inaaksaya sa mga walang saysay o katuturang mga bagay. Ang kamangha-manghang regalong ito ay ang ating-PANAHON. Mga sandaling hindi na muling maibabalik pa.
   Lahat tayo ay pinagkalooban ng 24 na oras sa buong araw, na kung saan ito ay magiging mga linggo, mga buwan, at mga taon - ang mga ito ay malaking karagdagan na ginugugol sa ating buong buhay. Bagamat ang Dakilang Maykapal ay may kapasiyahan kung hanggang kailan tayo mabubuhay, mayroon naman tayong kapangyarihan na piliin kung papaano natin gagamitin ang mga gintong sandali na ipinagkaloob Niya sa atin. Ang ninanasà ng Dakilang Maykapal ay gugolin natin ang ating panahon sa mga bagay na may kahalagahan at kapakinabangan na siyang plano Niya para sa atin. Isa na rito, kung papaano makakamit ang lunggating ito, --ang magkaroon tayo ng tama at balanseng iskedyul.
   Kahit na marami ang tumatanggi na mahirap at nakakapigil ito sa mga nais nating magawa pa. Sa katunayan, ito ay nakakatulong para higit tayong makapag-ukol ng atensiyon para sa ating mga sarili, at hindi naa-aksaya lamang sa mga distraksiyon, lalo na sa sosyal media. Isang simpleng paraan ito para makapag-ukol ng karagdagang panahon sa marami nating aktibidad at mga responsibilidad sa ating buhay.
   Tandaan lamang, hindi tayo gumagawa ng iskedyul para matapos ang ating mga gawain, bagkus ang mag-organisa sa ating panahon na siyang  nais ng Dakilang Maykapal para sa atin. Nabubuhay ngayon tayo sa maraming distraksiyon na inaaksaya ang ating panahon sa mga bagay na hindi nakakatulong o nakapagpapaunlad na dapat sana ay magamit sa mga kapakipakinabang.
Paglimiin ito nang maigi:
Bigyan natin ng makabuluhang pansin ang ating mga relasyon. Pumasok tayo sa buhay may-asawa, sa pagiging magulang, bilang kapatid, amain o tiyahin,  o sa pakikipag-kaibigan, ito ay nangangailangan ng tungkulin at kaakibat na mga responsibilidad. Papaano natin ginugugol ang ang ating panahon sa ating mga mahal sa buhay? Hindi lahat ng panahon, sila ay palaging nasa ating tabi.
   Maglaan tayo ng iskedyul para sa ating gawain. Sa puntong ito, dito tayo laging nagkukulang. Sa pagnanais nating marating at makamit ang kasaganaan at kaginhawaan, nakakalimutan natin na hindi lahat ay salapi o karangyaan. Kung ang kapalit naman nito ay ang ating kalusugan, at pagkapariwara ng ating pamilya. Lagi nating alalahanin; sa katapusan ng buhay, lahat ng bagay ay ating iiwanan, ni isang totpik wala wayong madadala. Kundi ang hindi malilimutang mga ala-ala na ating maiiwang pamana.
   Huwag din nating kalimutan ang magpahinga at ang magsaya. Hindi nilikha ng Maykapal ang ating mga katawan na walang pahingá. Makinà man ay inihihinto kapag sobra na itong umiinit. Ang ating katawan lalo na kung laging kulang sa tulog, kahit papaano ay magawang umidlip sa ilang saglit. Sapagkat katulad ng baterya ng selpón, ang ating katawan ay kailangang i-charge din. At kapag lagi kang masaya, mananatili kang maligaya.
   At sa huli, ito ang pinakamahalaga sa lahat; mag-ukol ng sapat na panahon upang makipag-ugnay sa Dakilang Maykapal. Kung ang alam mong dasal ay ang magpasalamat (hindi ang palaging dumaing at manghingi), ito ay sapat na. Ang Kanyang pagpapala ay walang pagkasawà. Patuloy nating konsiderahin kung papaano tayo puspusang magmamahalan, nagkakaisa (bayanihan), nagtutulungan, tungo sa ikakapayapa, ikakaunlad, at ikaliligaya ng bawat isa sa atin. Isa para sa lahat, at lahat para sa isa.

Maraming Salamat po.
Jesse Navarro Guevara
wagasmalaya.blogspot.com
Lungsod ng Balanga, Bataan
Ika-29 ng Hulyo, 2016

Monday, July 25, 2016

Ang Kape o ang Tasa




   Isang pangkat ng mga alumni, na matatagumpay sa kanilang iba’t-ibang mga larangan ang nagkaisang pasyalan ang matanda nilang propesor sa Lungsod ng Balanga. Nag-iisa na sa buhay at walang kasama sa bahay nang datnan nila ang paboritong propesor.
   Matapos ang ilang balitaan, napadako ang kanilang usapan sa mga reklamo at mga karaingan tungkol sa kanilang mga trabaho at buhay pamilya. Sa lahat nang mga ito’y pawang patango-tango lamang ang propesor at nanatiling hindi umiimik.
 Maya-maya’y tumayo at nag-alok ang propesor ng kape sa mga bisita. Nagtuloy ito sa kanyang kusina at nang bumalik ay may dalang isang bandehado, na may malaking kapetera at maraming iba’t-ibang tasa; may yari sa porselana, mayroong  plastik, at mayroon ding kristal. Ang iba ay karaniwan, may mga mamahalin, may moderno, may antigo, at magagandang dekorasyon. Humingi ito ng paumanhin sa pagkakaiba ng mga lalagyan sa dahilang nag-iisa lamang siya sa bahay. Idinulot lahat ito at nagsabing kumuha na kanilang magustuhan at lagyan ng kape.
   Lahat ay may kanya-kanya ng tasa ng mainit na kape, nang muling magsalita ang propesor: “Mapapansin ninyong lahat ng magaganda at mamahaling tasa ay siyang nakuha, at ang naiwanan lamang ay yaong karaniwan at mumurahin. Bagama’t normal at pangkaraniwan na sa inyo ang magnais ng mamahalin at magaganda para sa inyong mga sarili, ito ang pinagmumulan ng inyong mga alalahanin o mga problema, na nagbibigay sa inyo ng patuloy na mga bagabag sa inyong mga sariling buhay.”
   “Tinitiyak ko sa inyo na ang tasang lalagyan ay walang kinalaman sa kalidad o lasa ng kape. Sa katunayan ng maraming kaso, higit pa itong magastos kaysa sa ating hinihigop na kape. Ang talaga lamang na nais natin ay ang kape, hindi ang tasa, subalit tahasan ninyong pinili ang pinakamaganda at mamahalin sa lahat ng mga tasa. . . At dahil dito, ay nagsimula na kayong titigan ang bawat tasang hawak ng mga kasama ninyo.”
 “Ngayon, bigyan ng maigting na paglilimi ito: Ang buhay ay kawangis ng kape; ang mga trabaho, maraming salapi, mga karangyaan, at mga katungkulan sa lipunan ay katulad ng mga tasa. Sila ay pawang mga kasangkapan na ginagamit lamang natin sa ating paggalaw sa ating Buhay, at ang uri ng tasa ay walang kinalaman at hindi binibigyang kahulugan, o binabago ang kalidad o uri ng buhay na ating ipinamumuhay.”
 “Madalas, kapag ang pinagtuunan lamang natin ay ang tasa, nakakalimutan natin na masarap lasapin ang kape.” Ang makahulugang pahayag ng propesor.
   Bagamat napatigalgal ang marami, nahinuha agad nila ang ibig tukuyin ng butihing profesor. Bigla, nagsitindig ang mga ito at bumulalas ng...
     "Masiglang langhapin at lasapin ang kape, kaysa sa tasa"
Ang magkakasabay nilang masayang pagsang-ayon kasabay ng pagtaas ng kanilang mga mamahalin at magagandang tasa.

-------
Bakit nga ba hindi . . . Narito ang ikakapayapa ng ating kalooban.
Ang pinakamamasayang tao ay salat at walang mga karangyaan sa buhay. Ang nagagawa lamang nila ay ang damahin at lasapin ang higit na magaganda at pangkaraniwan lamang. Ang mga ito’y sapat na para sa kanila.

AKO ito.
Mabuhay.                               
Magmahal.
Laging tumawa.
Wagas na umibig.                                                                     
Maglingkod sa kapwa.
Mahinahong mangusap.
Magsalita ng katotohanan.
Mamuhay ng pangkaraniwan.
Lumingon sa iyong pinanggalingan.
Gawing makabuluhan ang bawa’t sandali.
Magmalasakit sa mga kapus-palad na kababayan.
Dumamay nang higit pa kaysa hinihingi ng pagkakataon.
Hangga’t nasa iyong tabi ang mga magulang, alamin kung sino ikaw.
Sambitin ang mga katagang, Mahal Kitasa iyong mga mahal sa buhay.
At ang ating daigdig ay mananatiling mapayapa at may pagmamahalan nang walang hanggan.

Harinawa.

Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Thursday, July 21, 2016

Ang Pagkakamali at ang Leksiyon

 Para saan at nabubuhay pa tayo, hindi ba upang magawang matiwasay at maligaya ang buhay para sa isa't-isa?

Ang leksiyon ay ang karanasan at kaalaman na ating natutuhan sa nagawa nating kamalian. Ang pagkakaiba sa pagitan ng mga kamalian at mga leksiyon, ay nakapaloob sa katotohanang..., patuloy tayong nakagagawa ng mga kamaliang sinasadya at hindi sinasadya. Subalit mayroon tayong natututuhang leksiyon at kapakinabangan mula sa mga ito, kung tahasan nating pagpapasiyahan na matutuhan ang mga leksiyon nito, upang makatulong sa atin.

   May mga leksiyon na madaling matutuhan at maunawaan kaagad, ngunit sa mga iba, nangangailangan ito ng panahon, paggulang, at kung minsa’y tamang mga pagkakataon. Sa maraming kaganapan; mayroong mga leksiyon na natututuhan, hindi sa paggamit ng isip, bagkus sa pandama kung ano ang itinitibok ng puso.
   May katotohanan ang salawikaing, “Ang puso’y may mga katwiran na hindi maunawaan ng katwiran.
   Subalit ang 'puso' ay nagpapahayag tungkol sa mga leksiyon na mga natutuhan, at walang kinalaman sa suliranin sa pag-ibig, bagkus ang damdamin ay naka-ugnay sa ating mga emosyon, sa ating mga simbuyo, sa ating mga bagabag, at mga pagkatakot, lalung-lalo na sa ating mga kapalaluan at kahangalan.
   Ang leksiyon ay nakatambad lamang sa ating mga mata, subalit ang ating pagkasiphayo, kasakitan, matinding pagdaramdam, pagmamataas, at pagkatakot ay nagagawa tayong bulagin, at higit pang winawasak at iwinawaksi ang mga leksiyon na sana ay matututuhan mula sa mga ito. At sa halip, ang niyayakap at pinaiiral natin ay ang mga kamalian at mga kabiguan.
   Higit na matamis ang makilalang; matigas ang paninindigan, at bukam-bibig na ang “maghalo na ang balat sa tinalupan” at ipinagpapatuloy pa rin ang pagpapanatili ng kamalian, kabiguan, at lantarang pagmamataas. Madalas itinuturing itong “magandang pangaral” na “dapat” sundin. Kahit na mangahulugan ito ng ibayong mga kapighatian, patuloy na awayan, at pagkakawatak-watak sa pagkakaisa ng pamilya. 
   Marami sa atin ang hindi maunawaan ang leksiyong itinuturo ng kamalian. Kahit na alam nilang tahasang mali ito, higit pang ninanais ang maipakita ang kanilang kapalaluan at kahangalan kaysa tanggapin ang nagawang kamalian. “Ang nasabi ko’y nasabi ko na, at walang sinuman ang makakabali pa nito!” Ang kanilang madalas na matinding bigkas.

   Ang pagkakamali ay minsan lamang, kapag inulit mo itong muli, hindi na ito isang pagkakamali pa, masamang bisyo na ito at mananatiling ugali sa matagal na panahon.

   Narito tayo sa daigdig upang magbigay, magpaligaya, at makagawa ng kabutihan sa buhay, hindi ang magpahirap ng kalooban, maghasik ng labanan, at pinsalain ang kapayapaan ng bawa’t isa sa atin.
   Ang kapighatian sa ating buhay ay nakapangyayari lamang kapag ang nagawang mga kamalian ay pinagtutuonan ng ibayong atensiyon at panggigipuspos kaysa mga leksiyon na itinuturo nito.
   Dalawampung taon mula ngayon, higit na panggigipuspos ang sasaiyo sa mga bagay na hindi mo nagawang itama kaysa mga kasiyahan at kaligayahan na iyong ipinagkait sa iyong mga mahal sa buhay. Higit nilang pasasalamatan ang isang ligaw na bulaklak kaysa mamahaling korona sa kanilang puntod.
   Ang magpaumanhin at tanggapin ang kamalian ay isang bagay, subalit kapag nagawa ito o nalunasan ang pinsalang nagawa mo, may natutuhan kang leksiyon o aral sa buhay. 
   Isang karanasang magpapalakas sa iyong pagtitiwala sa sarili upang manatiling mapagmahal sa iyong kapwa.
 
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Sunday, July 10, 2016

Gumamit ng ABAKA

Walang mahihita kung maanghang ang pananalita, ang nakakaaliw ay ang pagiging magiliw.

Ang abaka na isang uri ng saging at katutubo sa Pilipinas, ay napakahalaga sa ekonomiya ng ating bansa. Dati-rati’y ginagawa itong matibay na lubid at sako, at pangunahing produkto ng Pilipinas noong araw nang hindi pa natutuklasan ang plastik at ang nylon. Pangkalahatan ding tinatawag na Manila hemp, na kinukuha mula sa puno at saha nito. Ngayon, inaani ito dahil sa matigas at matibay nitong hibla para sa mga supot ng tsaa, espesyal na mga produkto at pang-dekorasyong papel, salaang papel, at sa paggawa ng matibay na perang papel. Subalit hindi ito ang paksa natin ngayon, mayroon pang isang klase ng Abaka na mahalaga nating malaman, at tahasang nakakatulong sa atin sa mga panahon ng kagipitan.

   Sa Divisoria sa Maynila, may isang kariton na puno ng mga pinamiling paninda ang itinutulak ng matandang kargador nang makadumog ito sa nakahalang paninda sa daan. Tumilapon ang mga kalya na may panindang lansones at kumalat ito sa kalsada. Mabilis na pinulot ang mga ito ng kargador sabay nang paghingi ng taos-pusong paumanhin, habang ang tindera ng lansones ay maingay na nagpuputak at minumura ang inakalang kahinaan ng ulo ng kargador. Nakapamaywang ang kaliwang kamay at sinusundot-sundot ng kanang hintuturo ang mukha ng kargador. Hindi pinansin ng tindera ang paulit-ulit na paghingi ng paumanhin ng kargador. Mula ulo hanggang paa na humihiyaw na sinabon at inalipusta ito nang walang tigil. Nanatiling mahinahon at walang imik ang kargador na pinulot na lamang ang mga lansones at ibinalik sa mga kalya. Natigil lamang ang pagbubunganga at panlalait ng tindera nang may bumili ng lansones.
   Papalayo na ang nagtutulak na kargador; subalit mauunaligan pa na maingay na nagsusumbong ang matalak na tindera sa namimili ng lansones, sa ginawang kapinsalaan ng kargador. Maraming tao ang nakapansin sa pananatiling tahimik at mahinahon ng kargador. Ang iba ay nagpasaring, “Kung sa aking nangyari ang ganyang pag-aglahi at pagmumura, papuputukin ko ang nguso ng tindera!” Sabat naman ng isa, “Halos apo na lamang ang tindera; nakapanliliit at hindi na iginalang ang matandang kargador, gayong hindi naman niya sinasadya ito.” Ayon naman sa katabi na sukdulang naiinis, “Itong tindera ang may kasalanan at inihalang ang kanyang paninda sa daraanan, siya pa ang may ganang magmura at walang hunos-dili sa pangungutya sa matanda.” At sinag-ayunan naman ito nang patango-tangong mga usisero sa bangketa.

   Nagtataka ang negosyante na may-ari ng mga bagahe sa kariton na itinutulak ng kargador, at may paghangang nagtanong ito, “Papaano po ninyo napanatiling tahimik at mahinahon sa kabila ng masasakit na alipusta at pagmumura ng tindera?”
   Madali lamang, ineng ko, “Habang nakatalikod ako sa kanya, ay inihulog ko sa butas ng kanal ang marami niyang lansones!”
------
Isang tagpo ito kung papaano sasayawan at pangangalagaan ang iyong saloobin sa kabila ng paglapastangan sa iyong pagkatao, datapwa’t mayroon pang isa na higit na magandang gamitin kapag nalagay sa ganitong pangyayari. Ito ay ang panuntunang Abaka. Simpleng-simple at epektibo ito kung gagawing patakaran sa iyong buhay.

   Magagamit ito sa maraming tagpo at pangyayari, kapag may nakabangga, nakagalit, at nakainisan na mga taong naghahanap ng kanilang mapagbabalingan ng kanilang kapighatian. Mga inis-talo ang mga ito na kailangang paghandaan ng tamang paraan, upang hindi ka maging biktima ng kanilang kalupitan sa kapwa. Bigyan ng pansin ang isang tagpo; tulad ng batas sa trapiko, na kung saan dahil sa matinding galit o road rage ay marami ang napapahamak at nagbubuwis pa ng kanilang buhay.

Pakatandaan lamang ang tatlong titik na ABK o Abaka sa ating pagbigkas.
A – ay tumatayo bilang Aksaya. Kung nasa isang buhol-buhol at hindi gumagalaw na trapiko ang iyong sasakyan ito ay isang Aksaya at abala sa panahon at magastos pa sa gasolina. Isipin kaagad ang pananggalang na katagang aksaya upang maging ganap na handa sa mangyayari.

Ba – ay tumatayo sa katanungang Bakit? Para saan ba ito? Ikakabuti o ikakasama? Magandang pagkakataon o nakakayamot na pagkakataon? Na sasagutin mo ng iyong tamang paniniwala, sa halip na magalit ay gamitin mo ang mga sandaling ito nang pagkaabala sa trapiko, sa isang makabuluhang bagay tulad ng pagplano, paglista ng mga gagawin pa, pagtawag sa mga mahal sa buhay, makabuluhang pakikipag-usap sa iyong mga pasahero, pagkakataon na manalangin at magpasalamat at walang nangyaring sakuna sa iyo, atbp.
Maaari ding isipin na kaya ka nagagahol ay pinipigilan ka (Blessing in disguise), isang nakakubling pagpapala, upang huwag masakuna kung ikaw ay mapapaaga sa iyong pupuntahan. Maraming bagay na mahiwaga at misteryoso na hindi natin batid, subalit ang padalos-dalos at walang pag-iingat ay laging humahantong sa kapahamakan. Ito ang tamang pagkakataon na magnilay upang sariwain ang mga pag-iingat sa trapiko.

Ka – ay tumatayo sa Kahahantungan. Ano ang mangyayari sa huli, kung matinding magagalit at papatulan mo ang lumalapastangan o nakikipag-away sa iyo? Ano ang iyong mapapala matapos ang pangyayaring ito? Sa pagiging matapang at higit na magaling? Sa pagiging tama at patuloy na pakikipaglaban sa kaharap? Kaysa tumawag ng nakakaalam o pulis at mamagitan sa inyong alitan?
   Madali ang pumasok sa away ngunit ang lumabas ay napakahirap. Panahon, salapi, at ibayong hirap ang kalakip nito, kasama na ang mga pagkatakot at mga bagabag sa gagawing paghihiganti ng nakalaban. Puwede naman na maiwasan ito sa simula pa lamang, upang hindi na lumaki pa na pagsisisihan sa dakong huli.

   Tamang lumaban kung ikaw ay tahasang inaapi at malalagay sa alanganin o kapahamakan. Makatwirang ipaglaban mo ang iyong karapatan, subalit kung wala ka namang mapapala; Ano ang Aksaya,  Bakit gagawin mo ito, para sa anong Kahahantungan nito para sa iyong makabuluhang kapakanan at maging sa kinabukasan ng iyong pamilya? Kapag saliwa at walang magandang patutunguhan ang iyong pagkilos, aba’y isipin ng maraming ulit ang iyong sarili at pamilya at magiging kinabukasan nito kung ikaw ay naabala, nagastusan, nakulong, at sa kasawiang palad ay yumao nang wala sa tamang panahon.

Abaka, lamang po ang tamang panuntunan.
Na ating kailangang kalasag at tanggulan sa magusot nating pakikibaka sa buhay.
 

Tuesday, July 05, 2016

Kilatisin ang Kakilala

Nasa mabuting pagsasamahan nakikilala ang pagkakaibigan.

Sa ating paglalakbay sa buhay, maraming tao ang ating nakakasabay, nakakasalubong, at kung minsan ay nakikilala. At kadalasan, kung wala kang sinusunod na panuntunan, madalas ay nauuwi ito sa pagkakamali."Akala ko ay mabuti siyang tao, 'yon pala ay hudas!" "Matapos kong magtiwala sa kanya, ito pa ang iginanti niya sa mga kabutihang nagawa ko sa kanya."-ilan lamang ito sa mga hinaing ng iba na hindi nagawang kilatisin ang mga naging kakilala. 
   Narito ang isang magandang halimbawa kung papaano makikilatis ang isang kakilala.
   Minsan may isang tanyag na matandang maestro sa pamantasan ang napasyal sa Barangay Kupang. Isa itong tagapagturo ng kabutihang-asal at tagapayo sa lungsod ng Balanga. Pinuntahan ng maestro si Mang Jose, ang kapitan ng barangay at inanyayahan niya ito na makasalo sa tanghalian. Sa isang restoran, tinanong nila ang tagapag-silbi kung ano ang espesyal na lutong ulam sa araw na ito.
 
   “Isda, sariwang isda po! Kahuhuli lamang po diyan sa ilog ng Talisay.” Ang pagmamalaking pahayag ng tagapag-silbi.
   “Bigyan mo kami ng dalawa,” ang nasasabik na bigkas ng matandang Maestro.

   Ilang sandali pa ang nakalipas, at lumabas mula sa kusina ang tagapag-silbi na may dala-dalang lutong dalawang isda sa malaking bandehado. Ang isa ay malaking banak at ang isa naman ay ang maliit na talilong. Dahilang katanghaliang tapat na at kapwa nagugutom, walang pag-aatubili, sinungggaban agad ni Mang Jose ang malaking banak at inilagay ito sa kanyang plato. Matalim na napatitig ang Maestro at matinding hindi makapaniwala sa nasaksihan kay Mang Jose. Subalit mahinahong nangusap ito, at nagpaliwanag na ang ginawa ng punongbarangay ay hindi lamang mapaghangad at makasarili, bagkus ay nilalabag nito ang mga panuntunan sa halos lahat ng moralidad, batas ng relihiyon, at sistema ng kabutihang-asal.

   Nanatiling tahimik na nakikinig; at malumanay na tatango-tango lamang si Mang Jose, habang patuloy na nagsesermon ang matandang maestro. Nang matapos ito sa mga pangangaral ay nagtanong si Mang Jose, “Dakilang Maestro, kung kayo ang nasa kalagayan ko, ano ang inyong kukunin sa dalawa, ang malaking banak o ang maliit na talilong?”

   “Ako, bilang mapagparaya at nakakaalam sa mga 'pakiramdaman' ng mga tao, ay kukunin ko ang maliit na talilong.” Ang buong pagpapaubayang pahayag nito sa kaharap.

   “Eh, kung ganoon po, susundin ko po ang inyong kahilingan,” ang mapitaganang pagpapaunlak ni Mang Jose. At kapagdaka’y kinuha ang maliit na talilong at inilagay ito sa plato ng nabigla at napangangang Maestro. Bubulong-bulong ito na nagkamot sa kanyang makintab na ulo. Hindi niya sukat akalain na maisahan siya sa kanyang halimbawa.

-------
Si Mang Jose, ang punongbarangay ay aking ama. Malaki ang natutuhan niya sa karanasang ito at ginawang gabay ito sa mga nagiging kakilalal niya. Nakagisnan ko noong ako’y bata pa, na siya ay naging tenyente del barrio (ang halalan ay sa pagtaas lamang ng kamay) sa mahabang panahon hanggang sa maging Kapitan sa aming Barangay Kupang, dito sa Lungsod ng Balanga, sa lalawigan ng Bataan. 
   Hindi ko nalilimutan ang isang sanaysay na ipinamana niya sa akin, noong minsan na ako’y nanggagalaiti sa makasariling pag-uugali ng isa kong naging kaibigan. Tinawag niya ako at pinilit na inalam kung ano ang aking ikinagagalit. Nagugunita at nararamdaman ko pa ang masuyong pagsuklay ng kanyang mga daliri sa aking tuktok habang masayang nagsasalaysay.
   Matapos ito, ay dinugtungan pa niya ng isang mahalaga at huwarang panuntunan, “Jesse, sa iyong tatahaking buhay at nais mong makatiyak sa tunay na magiging kaibigan mo, idaan mo sila sa isang pagsubok!”
   “Ano pong pagsubok ito?”  Ang may pagnanais kong tanong.
  “Maghain ka ng isang bibingka o kalamay at imungkahi mong siya mismo ang humati at kunin ang nais niya. Pagmasdan mong maigi kung ano ang kanyang uunahing kunin. Kapag kinuha ang higit na malaki at iniwan sa iyo ang maliit, huwag kang makikisama sa mga ganitong uri ng tao, dahil lagi kang mawawalan.”
   Maigi kong pinakatandaan ito, at sa tuwing may mga kakilala ako na aking pinag-aaralan ang mga pagkilos at pag-uugali lalo na pagdating sa negosyo at mga kasunduan; napapatunayan ko ang bisa at kahalagahan ng panuntunang ito na mula sa aking ama.
   Madali itong masasaksihan at mararanasan, kapag may nauna sa iyong sumandok sa kaldero o maging bandehado ng pagkain at inuunang kunin lahat ang malalaki at malalaman para sa kanya at iniwan sa iyo ang maliliit at puro buto. Laging para sa kanya ang lahat ng magaganda, masasarap, at maginhawang kalagayan kaysa iyo na siyang magbabayad pa naman. Tinalo mo pa ang nadukutan; hindi ka na nabusog, nag-iwan pa ito sa iyo ng sama ng loob na matagal ding panahon bago malimutan.
   Iwasan ang mga suwapang, mga ganid, mga sakim, mga linta at mga mapagsamantala sa ating buhay, kung nais nating maging maligaya sa tuwina. At ito’y magagawa lamang kung tayo ay laging gising at nakatitig (hindi nakatingin)sa gawain ng mga nakapaligid sa atin.