Pabatid Tanaw

Wednesday, March 23, 2016

Ikaanim na Panghihinayang



Sana naibuhos ko ang mahahalagang panahon para sa aking mga mahal sa buhay.

Labis-labis ang panghihinayang ng mga nakaratay sa karamdaman sa pagpapahayag kung bakit noong sila ay malakas pa ay nagugol ang kanilang mahahalagang panahon sa iba at sa mga barkada kaysa sariling pamilya. Sa huling sandali ng kanilang mga buhay, ngayong lamang nila napagtanto ang kahalagahan ng sariling pamilya.
   Sa buhay na ito, maraming tipo at uri ng tao ang iyong makakasama, makakaniig, at pakikisamahan. Subalit sa lahat ng ito, wala nang dadaig pa sa pagmamahal na iniuukol ng iyong pamilya. Napatunayan ko na ito sa maraming mga pagkakataon, lalo na kapag ikaw ay maysakit, naaksidente, at may nakaaway. Ang iyong pamilya ang kauna-unahang dumaramay sa iyo sa panahon ng iyong matinding pangangailangan. Mapatama o mapamali ka man, sila ay palaging nasa iyong tabi upang ikaw ay saklolohan.
   Maitataas ko ang aking magkabilang kamay at mabibilang ko ang aking mga daliri, ngunit malalagpasan nito ang maraming tao sa labas ng aking pamilya na talagang makakatulong sa akin. Tanggapin natin ang katotohanan, na hindi ibang mga tao ang patuloy na makakatulong sa iyo sapagkat mayroon din silang sariling pamilya na kailangan nilang unahin para matulungan din.

Paala-ala: Gaano man tayo kaabala, kahit na napakaimportante ang ating mga ginagawa, sinumang napakatanyag ang ating kaharap… huwag na huwag nating kalilimutan ang ating mga mahal sa buhay. Maglaan tayo ng mahahalagang sandali para sa maligayang pagsasama. Ang buhay ay walang katiyakan, tanggapin ang katotohanan na ang ating mga magulang ay patanda, magsisiyao at mawawala anumang oras,. Ang ating mga anak bagamat nakatingala sa ating ngayon ay magsisilaki at tayo naman ang titingala sa kanila at sila ay magsisilisan sa ating mga tahanan at gagawa ng kanilang sariling mga pamilya. Bakit hindi natin bigyan ng tamang atensiyon ngayong sila ay nasa atin pang paligid. Kailan pa tayo magpapahalaga, … kung wala na sila?

Mga pagunita ni JesGuevara
wagasmalaya.blogspot.com

No comments:

Post a Comment