Pabatid Tanaw

Sunday, December 20, 2015

Katungkulan Natin


Likas na katungkulan ng bawat tunay na Pilipino ang lumingon at lumingap sa sarili niyang bayan. Isa itong sagradong pananagutang maka-Diyos at makabayan. Kailanman ay hindi tayo magiging mapayapa at maligaya, hangga't nalalaman at nasasaksihan natin ang nakapanlulumong kagananapan sa ating bansa. Habang nagpapatuloy ang kahirapan, kalagiman, at kapighatian, kailanman hindi tayo matatahimik.
   Malaking kamalian ang umiwas at magsawalang-kibo na lamang. Kung ang ninanasa natin ay pagbabago, masisimulan natin ito sa katagang AKO. Dito mismo nagsisimula ang lahat. AKO mismo. AKO ang simula. 'Sa akin magaganap ang lahat'. 'Kung hindi AKO kikilos', sino ang kikilos para sa akin?
   Kapag karaniwan kang Pilipino, tiyak umid ang iyong dila, bingi ang iyong pandinig, at bulag ang iyong paningin. Manhid at walang init ang iyong damdamin. Aligaga ka sa walang kabuluhang mga libangan at panoorin. Mababaw ang kaligayahan at kasiyahan mo na ang usisa at tsismis. Ipinagbibili mo ang iyong karapatan, integridad, reputasyon, at halos buong katauhan. Wala kang delikadesa, pinalalayas ka na sa nakaw na tungkulin, kapit-tuko ka pa. Wala kang kabusugan. Lahat saklaw mo maliban sa iyong sarili. 
   Masdan mo ang ating bansa, maligaya ka ba? Bakit humantong ito sa nakapanlulumong kalagayan sa ngayon? Dahil ba sa karaniwan ka lamang at nag-iisa?
   Masakit, subalit kailangan nating gumising. Dahil, kung magpapatuloy ang ating pagpikit, mistula tayong bangkay na inaagnas at nakalublob sa kumunoy. Papayagan ba natin itong magpatuloy?
   Kailangan natin ang pagbabago. Simulan natin sa ating mga sarili. Magpakilala at kumilos. Ikaw, siya, ako, sila, at tayong lahat ay magkaisa. Taas noo, ipagmalaki sa puso't diwa, salita at gawa,  

AKO, tunay na Pilipino.

No comments:

Post a Comment