Pabatid Tanaw

Wednesday, November 11, 2015

Hindi Matagpuan



Kapag nalilito, ...katiyakan ito na hindi ka nakapokus.
Hindi ba taliwas at nakakasuyâ na... tayong lahat dito sa mundo ay bilyung-bilyon ang bilang, na anumang sandali ay may mabilis na paraan, isang pindot lamang... at sa isang iglap lamang ay kunektado ka na sa sosyal media, ngunit nakadarama tayo ng kakulangan pa, na tila hindi tayo nakakonekta sa isa't-isa. Mayroon pang hinahanap na hindi matagpuan? Kung hindi pisikal, o emosyonal, lalo na kung ispiritwal ang pakiramdam.
   Tayo ay kumukolekta ng mga kakilala sa internet na tila barya na nakakalat sa lamesa, sa parehong paraan, ngunit tila kulang pa at tila hindi mahalaga. Parang nagpapalipas lamang ng oras sa pagkabagot at may tinatakasang iba. Oo na nga, at marami ang natutuwa, sabay pindot ng "like" dito at doon, at marami ang sumusubaybay kaysa iyong komento o panibagong balita sa umaga, sa iyong agahan, sa iyong berdey, sa dinaluhang pagtitipon, o sa iyong unikang bunso, o bagong-silang na sanggol, at isang simpleng selebrasyon, atbp. Subalit sa lahat ng ito, para naman parehas, nasaan ang mahalagang ugnayan? Yaong mga bagay na malalim, makahulugan at makabuluhan na ugnayan. At higit pa sa lahat, kung patungo ito sa iyong pag-unlad para maging masagana at maligaya sa buhay.
   Marami sa atin na patuloy ang pagdami ng mga taga-subaybay, ng mga komentaryo, mga papuri o mga pagpuna man ito, subalit matapos ito... paano na? Kapag hindi na nakaharap sa computer o hawak pa ang selpon? Naroon muli tayo kung saan tayo nagsimula... ang maghanap ng ikakapayapa ng kalooban para lumigaya. 
   Lahat tayo ay nahahangad hindi lamang ng koneksiyon, kundi ng atensiyon at validasyon, ang matanggap at pahalagahan ng iba. Kailangan natin na maramdaman na may mga tao na nariyan sa ating tabi, na may pagdamay, may pagmamalasakit at pagmamahal. Ipinaglalaban ka at walang iwanan. Ito ang higit nating mga kailangan para lalo tayong maging masigla sa pagharap sa buhay. Ano nga ba ang talagang hangad natin sa sosyal media? Ang panandaliang aliwan, o ang matagalang makabuluhan para sa ating kapakanan?
Anuman ang piliin mo dito, narito ang iyong kapalaran. Kasalatan o Kasaganaan? Kahirapan o Kaunlaran? Kapighatian o Kaligayahan?
... at may narinig ako sa kabilang silid, "Ah...ewan, basta nakaharap ako sa computer, o may hawak akong selpon, maligaya na ako. Wala akong pakialam sa iba."

Amen.
jesseguevara
wagasmalaya.blogspot.com

No comments:

Post a Comment