Pabatid Tanaw

Saturday, September 26, 2015

Tanging Ito Lamang


Marami ang hindi nakakaalam; at narito ang masaklap na katotohanan -

      lahat tayo ay mamatay. Kahit na anuman ay wala tayong madadala.

At ang lahat na aking minamahal
                          aking nakamtan
                           aking hinahangad
                            aking kailangan
                             aking kinaiinisan
                              aking kamalian
                               aking kasawian
                                aking kabiguan

    lahat ng mga ito ay matatapos na rin. Maglalaho at babalik muli sa kanilang mga pinanggalingan. Ililipad ng hangin na tila hamog upang sumanib sa kanyang paroroonan.

Ang nais ko lamang ay maging abo at hindi alikabok, nang sa gayon ay kahit man lamang sa kalagayang ito ay makatulong ako bilang pataba sa aking kapaligiran.
    Sapagkat nauunawaan ko na wala akong maaangkin kahit na anuman, sa dahilang bawat bagay na nakapaligid sa akin ay panandalian lamang, maging ang sarili kong buhay ay mawawala din. Lahat ay pawang pahiram lamang. Ang tanging maiiwan lamang ay ang tibok ng aking puso at ito ay magpapatuloy nang walang hanggan.
Bakit?
Sapagkat AKO ay magsasaka, at patuloy ang aking pagtatanim. Kahit na hindi ako ang umani, alam kong marami ang magagalak sa magiging mga bunga nito.
AKO rin ay manggagawa, at gawain ko na ang maging solusyon. Mahilig akong lumikha ng mga bagay na nagpapaganda sa kapaligiran, nakakabuti sa pamayanan, at pumapayapa sa mga kalooban.
Isa akong ispirito na nagkatawang tao. Isa akong manipestasyon ng Dakilang Ama para gampanan ang kanyang Kaluwalhatian!
---------------------------------------------------0
Para makilalang ganap ang sarili; muling basahin ang pitak na may titulong "Ang Kabatiran ang Kapasiyahan" na ipinaskel ko noong ika 12 ng Marso, 2012. Matatagpuan ito sa Mga Nilalaman dito sa gawing kanan.

No comments:

Post a Comment