Pabatid Tanaw

Friday, September 18, 2015

Kilalanin Muna

Sino ka nga ba? Ahh...hindi kita kakilala
Hindi makikilala ang kadakilaan ng isang tao kung gaano siya kayaman, magara ang kanyang kasuotan, mistulang krismastre sa mga alahas, maraming sertipiko at diploma na nakamtan o sa palabok ng kanyang mga pangungusap. Hindi ang mga ito, kundi kung ano ang nagawa ng mga ito sa kanyang pagkatao o karakter. Nasa kanyang integridad at mga kakayahan kung papaano siya makabuluhang nakakapekto sa mga nakapaligid sa kanya, at kung papaano niya tinatrato ang mga tao na mababa pa sa kanya.
   Madali lamang, siya ba ay kinagigiliwan at marami ang nagagalak sa kanyang pagdating, o kinaiinisan at patuloy na nilalayuan?
   May mga papuri ba o may mga pagdusta sa kanya?
   Marami ang hindi nakakaalam na ang buhay ay isang napakahirap na eksamen. Marami ang bumabaksak sa mga leksiyon nito, dahil marami ang nangongopya sa buhay ng iba. May hunyago, balatkayo, at peke, may balimbing pa. At may doble-kara. At ang pinakamahirap na makasama, ang kaaway na lihim, patalikod ito kung sumaksak.
   Madali kasi ang manggaya kaysa pairalin ang tunay na pagkatao. Halos lahat ay nakamaskara at may pakitang-tao. Hindi nila malirip o maunawaan man lamang na ang bawat isa sa atin ay may kanya-kanyang magkakaibang mga katanungan na kailangang masagot ng bawat isa. Binigyan tayo ng Tadhana ng magkakaiba at kanya-kanyang pakete. Kung papaano natin ito bubuksan at isasagawa nang makahulugan at makakabuti para sa lahat ay nasa ating sariling kapangyarihan lamang. Tayo ang pumipili at may desisyon sa ating buhay. Mga paghamon ito upang ganap mong maipakita ang iyong integridad at salamin ng pagkatao.
   Huwag tumulad sa ibong tagak na nakatuntong lamang sa ulo ng kalabaw, ay mataas pa sa kalabaw.

No comments:

Post a Comment