Pabatid Tanaw

Saturday, September 19, 2015

Dapat Sana



Madali ang manisi, ang mahirap ay ang hindi ka na pagkatiwalaan pa.
Ang mga bagay na iyong kinaiinisan at patuloy na nagpapagalit sa iyo, ay mistulang mga tanikala na patuloy na kinakadena ka upang mawalan ng pag-asa. Ikaw mismo ang gumagawa ng bilangguan para ikulong ang iyong sarili. Hanggat pinag-uukulan mo ng pansin ang mga bagay na wala namang kinalaman para sa iyong pag-unlad (isipan at kabuhayan), lalo lamang na inilalayo ka ng mga ito para maligaw ng landas at hindi magtagumpay sa buhay.
   Pakaisiping mabuti kung anong mga bagay ang laging kinagigiliwan mong gawin sa maghapon, ito ang mga bagay na umaagaw ng atensiyon sa iyo para makagawa ka ng kabutihan at kaunlaran para sa iyong sarili. Ang mga ito ang iyong kinahuhumalingan, at kung patuloy mo pang ginagawa ang mga ito nang walang nagagawang pag-unlad para sa iyong sarili, isa na itong bisyo para hindi ka na makaalis sa iyong kalagayan sa buhay.
   Kalakip ng bisyo na ito ang manisi; sisihin ang kapaligiran, ang mga kaanak, ang pamahalaan, at pati na ang panahon, maliban ang sarili. Mantra nang sabihin ang mga katagang; "Sana..." "Dapat ay..." "Kasi si..." "Marahil kung..." "Sakalimang ..." "Isang araw..." "Kung ako sa iyo ..." atpb.

Ang apat na P sa ating buhay:
   Pagpili, Pakikibaka, Pagbabago, Panalangin
Ikaw lamang ang may kapangyarihan na  (1) pumili para sa iyong sariling kapakanan.
Anuman ang kahinatnan nito, ang (2) pakikibaka mong gagawin ay naaayon sa iyong kagustuhan at hindi sa sulsol o pakikialam ng iba.
Habang patuloy ang iyong mga pagkilos tungkol dito, walang ding hinto ang mga (3) pagbabago na ginagawa mo para sa iyong sarili upang tuparin ang iyong mga pangarap.
Sa lahat ng ito, hanggat may (4) panalangin ka sa bawat paghakbang mo, makakatiyak ka na laging may makapangyarihang umaalalay sa iyo sa lahat ng sandali.
-jesse n.guevara/wagasmalaya.blogspot.com/akotunaynapilipino.org

No comments:

Post a Comment