Pabatid Tanaw

Thursday, May 28, 2015

Kilatisin nang Magising

Alamin kung papaano suriin ang isang tao. Ang kabatiran ng nagsusuri ay kasukat lamang ang reserbasyon ng sinusuri. Sinasagot at itinatama lamang natin ang ating konklusiyon sa ating mga nakikita sa kaharap at madalas nating nakakalimutan na makiramdam kung ano ang ipinapahiwatig ng ating mga puso. Bihira nating pakiramdaman ang ating mga intuwisyon kung saan tayo dinadala ng mga ito. Maging gising at kumikilatis hindi lamang sa kausap, bagkus maging sa mga kaganapan sa iyong paligid.
   Higit na mahalaga na malaman natin ang komposisyon, karakter at mga asal ng isang tao. Dahil nasa kanyang mga pagkilos at mga kagawian makilala kung sino siyang higit, at hindi sa kanyang mga sinasabi o ipinapangako.
   Marami ang mahusay na magsalita at mapalabok ang mga kataga, mayroon ding matatamis kung sumuyo at manghalina. At may mga katangiang nakakagiliw at lumilibang sa iyo, subalit sa lahat ng mga ito, huwag kalimutan ang iyong sariling-bait o kapakanan. Sapagkat sa isang kurap lamang, magagawa nilang ipagbili ka nang harapan o dukutan ng nakadilat ang iyong mga mata.
   Kung ang mga metal ay nakikilala sa kanilang mga bigat at kinang. Ang mga tao na may imbing hangarin at pagsasamantala ay makikilala sa kanilang mga ugoy at sulsol, dahil nasa kalidad ng kanilang mga pangungusap kung ano ang tunay na nilalaman ng kanilang mga puso at isipan, Sa tagpong ito, kailangan ang ibayo at mabisang pag-iingat, ang pinakamalinaw na obserbasyon, ang matalas na pang-unawa, at ang pinaka-kritikal na paghatol. Sapagkat, kapag naging pabaya ka sa mga bagong kakilala o kasama, magagawa ka nilang iduyan at mangarap ng kalangitan habang dinudukutan nila ang iyong lukbutan.

No comments:

Post a Comment