Pabatid Tanaw

Thursday, May 28, 2015

Kaaway na Lihim

Kung minsan, bagamat iniiwasan at pilit nating sinusupil ang humatol, may mga pagkakataon at mga sitwasyon na kailangan nating pangalagaan ang ating mga sarili upang hindi tayo mapahamak. Binanggit ni Francisco Balagtas: "Kung sa iyong pagdating ay may lumapit at may pakitang-giliw, pakaasaha't ito ay kaaway na lihim." Walang sinumang tao ang lalapit sa iyo at ihahandog ang kanyang sarili, panahon, kayamanan, at mga kaaliwan nang walang sapat na mga kadahilanan. Lalo nang higit pa doon sa mga bagong kakilala, mga kasamahan, at mga nakasabay lamang sa buhay. Kapansin-pansin ang kanilang marubdob na pag-iistima, mga gayumang panghalina at mga palabok sa kanilang mga pananalita. Pagpapatunay lamang ito, na manatiling gising ka at maingat sa kanilang paimbabaw na mga asal at nakatagong mga intensiyon.
   Suriing ganap ang kausap kung sobra at kahina-hinala ang atensiyong iniuukol niya sa iyo, sapagkat sa normal at karaniwang tao, ang isang pagkilos na mapalabok, labis kung pumuri at kalakip ang mga regalo na hindi mo naman hinihingi, ay maitutulad sa isang patibong. Ang mga hakbangin at mga regalo nito ay mistulang mga pain upang ikaw ay lituhin, silawin, at hulihin.
   Marami ang uri ng mga tao; bagamat tayong lahat ay magkakatulad sa maraming bagay, tayo naman ay magkakaiba ang mga pananaw at mga saloobin sa buhay. Lahat tayo ay may kanya-kanyang hindi nakikitang suot na salamin sa mga mata. At ang mga ito ay may kanya-kanyang kapal o grado. Hindi mo magagawang isuot ang salamin ng iba at makita nang ganap ang mga bagay dahil hindi ikaw siya, at siya ay hindi ikaw.
   Nasubukan mo na bang magsuot ng salaming may grado na hindi nakasukat sa iyo? Hindi lamang sa malabo ito kundi pasasakitin pa ang iyong ulo. Huwag paakay sa mga bulag nang hindi ka madapa at mapahamak. Sa buhay; may mandaraya at may nagpapadaya; may masipag at may maagap; may masinop at may pabaya. Manatiling gising upang matiyak at mapaghandaan ang mga kaaway na lihim.

No comments:

Post a Comment