Pabatid Tanaw

Sunday, January 04, 2015

Paliwanag sa AKO



Ang “AKO” ay mabisang kataga; mag-ingat sa paggamit nito. Ang bagay na nais mong angkinin ay may paraan na bumalik at angkinin ka.
Doon sa mga nagtatanong, kung bakit malaking mga titik ang ginamit ko sa AKO, narito ang makahulugang mga paliwanag:
AKÒ  -ang ibig sabihin ng bawat titik: Alay sa Karapatdapat na Opisyal; Tayo ay opisyal na sugò ng ating bansa; tayo ay mga kinatawan ng Lahing Pilipino saanmang panig ng mundo. Bilang mga tunay na Pilipino, katungkulan natin na ipakilala sa buong mundo kung sino tayong talaga nang walang anumang pag-aalinlangan, kahit kaninuman, saanman, at magpakailanman; Taas-noo nating ipinagmamalaki ito; sa Isip, sa Salita, at sa Gawa. Sapagkat tayo ay IsangPilipino.
Patnubay na salita: Tanging tunay na Pilipino lamang ang wagas na magmamahal sa kapwa Pilipino.

AKÒ  -sinisimbolo ng sariling tunay (authentic) na pagkatao, walang personalan at pakialamanan kundi pansariling palagayan lamang. Walang mga kundisyon at kautusang pinaiiral sa relasyon. Nakapaloob dito ang lahat ng bagay na tàhasang nagpapakilala ng iyong orihinal at wagas na personalidad. Walang balatkayo o bahid ng anumang pagkukunwari sa pagharap sa lahat ng mga kaganapan sa kapaligiran. Walang pag-aakala o mga haka-haka; walang pantasya, kundi pawang katotohanan lamang.

AKÔ  -matibay na paninindigan bilang personal na moog at tanggulan; ipinapahiwatig nito ang pag-akô o pagtanggap nang maluwag sa puso ng anumang tungkulin at nakaatang na mga responsibilidad. Mahusay gumawa at ibinubuhos ang lahat ng makakaya sa gawain. Sa mga pananalita ay nagpapatunay na may pangako at isang salita.  

AKÒSinasagisag ang pitong sangkap na pagkatao ng tunay na Pilipino: Pananalig, Pagpapatawad, Pagtitiwala, Pagkakaisa, Pagpapaunlad, Paglilingkod, at higit sa lahat, ang Pag-ibig.

    Sa tuktok ng bundok ng Sinai, may kausap sa talahiban ang propetang si Moses, tinanong niya kung ano ang pangalan ng kanyang kausap. Ang tugon nito, AKO ay ang AKO.
Bawat bagay na iyong nararanasan ay AKO ang simula at pinatutunayan ito ng iyong tunay na pagkatao bilang AKO.


No comments:

Post a Comment