Pabatid Tanaw

Wednesday, January 07, 2015

Magkano Ka?


Mapanghalina ang pera, kung bakit nalimutan
pati kaluluwa.
Sa iyong palagay, magkano ang isang oras mo sa trabaho? Kung may sapat kang kaalaman tungkol dito, narito ang iyong kahalagahan kung bakit ito ang sahod mo. Sapagkat kapag panatag ka na at patuloy na tinatanggap mo ito, makikilatis dito kung gaano ang pagpapahalaga na iniuukol mo sa iyong sarili.
   Kadalasan, ang halaga (value) na inilaan natin sa ating mga sarili ay repleksiyon ng mga bagay na ating ginagawa. Dito matutunghayan na kahit sino ay may presyo o batayan ng kalagayan sa buhay. Sa paghatol, makikilala ang isang tao sa kanyang pagdadala sa sarili; pananalita, panlasa, mga kasuotan, mga kagamitan, mga ari-arian, at mga libangan. Sa ating di-pantay na lipunan; maging publiko at pribado, salapi ang nangingibabaw. Ang pakay ng mga namumuno ay makasarili, kaya katiwalian at hindi kapakanan ng nakakarami ang sinusunod. Higit na matimbang ang mayaman kaysa mahirap. May kinikilingan na siyang nasusunod at may nasisisi na siyang pinaparusahan. Lantarang may mang-aapi at inaapi.
   Tanggap na ng marami sa atin, pera ang panghalina upang maibenta pati ang kaluluwa. Tuwing may halalan nagkalat ang mga bugaw at mga sugapa sa bilihan ng mga boto, upang manalo ang magnanakaw na pulitiko. Kahit na alam ng mga botante na pagnanakaw ang intensiyon nito ay ihahalal pa rin, para lamang magkapera at may makain. Ayon sa kanila, manalo o matalo ang pulitiko, ang kanilang buhay ay di-mababago. Huwag nating patuloy na tularan si Hudas Iskariyote na may pakana at nagkanulo kay HesuKristo, na ang katumbas na halaga lamang ay tatlumpong pirasong pilak (Mateo 27:3-5). Sapat bang halaga ito, upang si Hudas ay magsisi at magbigti sa halagang 30 pirasong pilak?
   Ang halaga na inilaan natin sa ating mga sarili ay patuloy na ibabalik sa atin sa mga araw na darating. Dahil kapag may itinanim, may aanihin. Nagbenta ng boto, tiisin ang bunga nito, kapag kurakot at panay katiwalian ang inihalal sa puwesto. Kung may halaga o mahalaga ang ating pagkatao, kailanman ay wala itong presyo at hindi matatawaran o matumbasan ng kahit sino. Kapag tama ang kapasiyahan at hindi bayaran, ito ay nasa tamang direksiyon at kaunlaran. Mapipili natin ang mga tunay na pinuno na may kusang pagmamalasakit sa kapakanan ng bayan.
Kapag alam mo ang iyong halaga, sinuman ay hindi magagawang tratuhin ka na walang saysay.

No comments:

Post a Comment