Pabatid Tanaw

Monday, December 08, 2014

Ako ay Bulag




Ang mahirap na bagay ay hindi ang pakikisama sa ibang tao, kundi ang maunawaan sila. Ito ang bagay na walang pangalan at nasa kaibuturan natin; ang bagay na nagpapakilala kung sino tayo
Sa lungsod ng Balanga, isang bulag na pulubi ang nanghihingi ng limos sa may gilid ng Katedral nang may mapadaan sa kanyang tabi ang isang Kristiyano. Nakita nito ang karatulang nakasabit sa dibdib ng pulubi; AKO AY BULAG. Nagtanong ito sa pulubi, kung sa araw na ito ng Linggo ay marami ang nagbibigay sa kanya ng limos--tulad ng isinasaad sa banal na aklat.
   Napatingala ang pulubi at itinaas sa kanyang kanang kamay ang walang lamang lata at sabay na inalog ito, " Wala pa pong nagbibigay ng limos sa akin."
   "Kung gayon, hayaan mo akong magsulat ng patiunang mga kataga sa karatula na nakasabit sa iyong dibdib." ang hiling nito sa pulubi.
   "Sige po."
   Ilang oras ang nakalipas at nang bumalik ang Kristiyano ay dinampot ang lata sa harapan ng pulubi at iniabot ito sa kanya. Nagulat ang bulag na pulubi nang masalat niya ang maraming salaping papel at mga barya sa lata.
   Sa katuwaan ay pauntol-untol na nagtanong kung ano ang isinulat ng Kristiyano sa karatulang nakasabit sa kanyang dibdib.
   "Simpleng mga kataga lamang ang aking isinulat at nadagdag, Napakaganda ang tag-araw na ito, ang bukang-liwayway ay makulay at kaibig-ibig, at AKO AY BULAG.

No comments:

Post a Comment