Pabatid Tanaw

Tuesday, November 11, 2014

Paninindigan



Huwag pangambahan na harapin at tindigan ang mga bagay na iyong pinaniniwalaan, maging ito ay mangahulugan man nang iyong pag-iisa.

Naisin man natin o hindi, maraming pagkakataon na dumaraan sa ating buhay na nakadarama tayo ng pag-iisa sa tuwinang nalalagay tayo sa alanganin, kapag hindi tayo nauunawaan ng ating mga kausap. Lalong higit kung ang tinatalakay sa isang usapan ay labag sa iyong prinsipyo at hindi makatwiran. Subalit hanggat patuloy mong sinusunod ang iyong puso at ng iyong konsensiya at pinaninindigan ang nadarama mo na siyang tama, wala nang halaga pa anumang isipin ng ibang tao.
   Marami sa atin ang nagagawang talikuran at iwasan kung ano ang siyang tama at makatarungan. Sa dahilang ayaw nilang makasugat ng damdamin o pagsimulan pa ng gulo. Higit na makakabuti para sa kanila ang tumahimik na lamang at ipagkibit ng balikat ito na parang walang nangyari o nagaganap. May taguri tayo dito, “iwas-pusoy” 'ika nga ng mga ayaw makialam at natatakot na masangkot pa sa gulo. Hindi kataka-taka kung bakit marami sa ating mga kababayan ang patuloy na nakalugmok at gumagapang sa kapighatian. Sapagkat ayaw nilang manindigan.at ipaglaban ang kanilang mga karapatang pantao. Laging naghihintay at umaasa na may milagrong magaganap pa.
   Kailanman, hindi ka gumigising tuwing umaga na masamang tao. Ito ay nagaganap sa libong mga pagsuko ng iyong paninindigan at makataong pagmamalasakit sa iyong kapwa. Dalawang pagkilos lamang ang namamayani dito: Ang umaapi at nagpapaapi; o, ang manloloko at nagpapaloko.
   Marami pa rin sa atin ang patuloy na tulog, natutulog, at nagtutulog-tulugan. Gayong magagawa naman nating gumising kung nanaisin lamang...
 
Jesse N. Guevara 11/11/2014


No comments:

Post a Comment