Pabatid Tanaw

Wednesday, September 03, 2014

Tunay na Mangarap



Patuloy na manalig sa direksiyon ng iyong mga pangarap 
dahil dito nakasandig ang iyong hinahangad na kapalaran.

Matayog na mangarap. Panain ang buwan. Kung hindi ito tamaan at bumagsak ang busog, kahit pipit ay mahahagip, kaysa asintahin ang mababa at bulati ang mapala.
    Lahat ng tao ay may pangarap, lahat ay may hinahangad. Dangan nga lamang, kakaunti o iilan lamang ang tahasang kumikilos para ito matupad. Batid natin na minsan lamang ang ating buhay sa mundong ito, kaya marapat lamang na pakawalan ang anumang kinakatakutan at tahasang tuparin ang ating mga pangarap.
   Anumang bagay na paulit-ulit mong ginagawa sa araw-araw, ito ang talagang ninanasa mo. Dahil kung ito ay hindi mo gusto, noon pa ay itinigil mo na. At kung talagang nais mong mabago ang iyong kalagayan sa buhay, babaguhin mo ang mga kinasanayan at kinaugalian na nagpapahirap sa iyo.
   Huwag aksayahin ang bawa’t saglit na hindi ginagawa ang mga bagay na nagpapasaya sa iyo. Iwasang maabala ng mga bagay na walang mga katuturan at hindi nagpapaunlad para sa iyong kapakanan. Masusing pag-aralan ang bawa’t pagkilos sa maghapon, kung ang mga ito ay nakakatulong at nagpapasulong para matupad ang iyong pangarap. Kung hindi, simulan nang magbago at piliin lamang ang mga bagay at mga aksiyon na nagpapabilis sa iyong mga lunggati na maganap.
   Ano pa ang hinihintay mo? Simulan na at ang lahat ay madali na lamang.

No comments:

Post a Comment