Pabatid Tanaw

Wednesday, September 03, 2014

Kilatisin Muna



Masusukat ang pagkatao ng sinuman, kung papaano niya tinatrato 
ang iba na tahasang walang nagagawa para sa kanya.
Kung nais mong makilala ang tunay na anyo ng isang tao, pagmasdan kung papaano niya tratuhin ang mga tao na mas mababa pa kaysa kanya, hindi ang kanyang mga kapantay.
   Matinding panlulumo ang aking nararamdaman kapag nakakakita ako ng tao na halos iyuko ang kanyang ulo at sadyang magiliw doon sa may mga kapangyarihan, mayayaman, at tinitingala sa lipunan. Subalit tinatrato nang marahas at walang pakundangan ang maliliit at mababa ang kalagayan sa buhay. Ang pinakamainam na batayan upang makilala ang pagkatao ng sinuman, ay kung pagmamasdan ang kanyang mga gawi at asal. Ito ay kung tinatrato niya nang magkakapantay ang lahat, walang pinipili, at mga kundisyong pinaiiral. At kung hindi niya ito ginagawa, kundi ang maging palalo at masunurin sa mga nakakataas sa kanya… simulan nang maglimi at itama ang iyong pakikipagrelasyon sa kanya.
   Ang tunay na Pilipino ay tinatrato ang lahat ng tao nang magkakapantay, may pagmamahal, may pagpapahalaga, at mabuting pakikitungo kaninuman kahit na anumang edukasyon, kapangyarihan, kabuhayan, at kalagayan ng mga ito sa lipunan. Ang tunay na sukatan ng kanyang pagkatao ay hindi kung saan siya nakatindig sa mga kaganapang nakakasiya at nakalilibang, kundi kung nasaan ang kanyang paninindigan sa mga paghamon at pagsasamantala.

No comments:

Post a Comment