Pabatid Tanaw

Wednesday, March 12, 2014

Patuloy na Lumikha



Ang buhay ay hindi ang matagpuan mo ang iyong sarili, 
kundi ang likhain ang iyong sarili.

Ang pagiging malikhain ang bumabalanse sa ating buhay. Hangga’t patuloy tayo sa paglikha, lalo tayong humuhusay sa ating mga paggawa. Sakaling may maririnig kang munting tinig mula sa kaibuturan na nagsasabing, “Hindi ka makapagpipinta,” Huwag maantala, magpinta kaagad, at ang tinig na ito ay mananahimik. Iwasan lamang na maging perpekto ito, dahil kailanman ay hindi mo magagawa ito.
   Nasa imahinasyon lamang ang lahat. Ito ang simula ng paglikha. Kung nasa imahinasyon mo ang iyong hinahangad, ay nagkakamalay ang iyong diwa sa imahinasyong ito, sa kalaunan, lilikhain mo ang mga ipinag-uutos nito. Huwag basta na lamang mag-isip. Ang mag-isip ay kaaway ng pagiging malikhain. Ito ay makasariling pagtatangi, at anumang makasarili na atensiyon ay walang saysay. Hindi mo magagawang subukan gawin ang mga bagay na nakatuon ka mga usisa at sulsol ng iba. Kailangan simpleng gawin na ang mga bagay na nais mong mangyari hangga't nasa kainitan at kasiglahan. Sapagkat ang paglikha ay ang pagkunekta at pagsusugpong ng mga bagay. Hindi ito nakaplano at may sinusunod na paggawa. Habang ginagawa mo ito, mayroong nabubuong paglikha hanggang sa lumitaw ang tunay na anyo nito batay sa iniukol na panahon at pagka-malikhain ng isang tao.
   Kung minsan, ang nalikha mong disenyo ay hindi magagawang ipaliwanag ngunit ito ay may malalim na mga kahulugan at kabuluhan. Kapag lumilikha ka ng musika, nagdidibuho ng disenyo, nagpaplano ng gusali, nagsusulat ng nobela o simpleng may nililikhang kakaibang bagay, nag-uumalpas ang iyong kaluluwa na magpakilala. At ito ang tunay mong hinahangad na gawin, ang magkaroon ng kaganapan ang anumang ideya na binubuo ng iyong imahinasyon sa mga sandaling malikot ang iyong mga guni-guni.
   Hindi mo magagawang tumuklas ng mga bagong ideya sa pamamagitan ng normal na proseso at rasiyonal na kaisipan. Sapagkat pinuspos ka ng pasiyon sa paglikha, ang buong sansinukob ay sumasanib sa iyong isipan at mga kamay. Ang kaaway lamang ng malikhain ay pagdududa at pagmamaliit sa sarili. Nasa iyo ng lahat ang kaganapan, ang kalakasan ng buhay, isang enerhiya, at ang dagliang pagsasalin ng iyong nadarama at nararanasan.Gawin na ito, sapagkat mayroon lamang na isa at tanging tao sa kasaysayan ng mundo, at ito ay ikaw, na makakagawa nito. Ang nadaramang ekspresyong ito na nangungulit sa iyo ay pambihira. At kung hahadlangan mo ito at hindi pawawalan para maganap, hindi na ito muling lilitaw pa sa anumang larangan at tuluyan ng maglalaho. Lumikha ka upang ganap mong makilala ang iyong sarili.
   Ang mabisang paraan para makatiyak ka sa iyong kinabukasan ay likhain mo na ito ngayon. Likhain mo na ang iyong pansariling istilo… hayaan itong katangi-tangi at pambihira para sa iyo ngunit nakikilala ng iba. Kung nais mong higit na malasap ang buhay, maging malikhain ka.

No comments:

Post a Comment