Pabatid Tanaw

Sunday, February 09, 2014

Nais Ko na maging Dakila



Kailangan bigkasin upang mapansin 
nang hindi magkulang at mabitin.
Pag-aralan natin ang mga ito upang ganap nating masumpungan kung sino tayong talaga.
   Huminto saglit at mag-isip: “Para saan ba at ako ay nabubuhay?”
   Ngayon, subukang bigkasin ito nang malakas: “Ako ay nabubuhay para sa…”

   Napansin mo ba ang pagkakaiba? Kapag binibigkas natin ng malakas ang ating mga paniniwala, ito ay nakakatulong na tahasang ilantad kung gaano kasidhi ang ating pagsunod sa ating mga prinsipyo para sa mabuting pamumuhay, at kung ito ay siyang tunay na diwa at tinig ng ating pagkatao.
Lahat tayo ay nagnanasa na maging masaya sa tuwina, matagumpay, at may mabuting patutunguhan. Nais nating magamit ang ating mga potensiyal na kaganapan; na mailabas lahat ang ating mga katangian at mga kakayahan. Ayaw natin na masayang ang anumang bahagi nito sa mga walang katuturan. Mula sa ating kaibuturan, nais nating maging masigasig, epektibo, mahusay, mapaglingkod, at nakakagawa ng malaking kaibahan sa iba at maging sa pamayanan. Nais natin ang kabutihan ng bawa’t bagay para sa ating mga sarili, para sa ating mga mahal sa buhay, at maging sa sangkatauhan.
   Kung ito ay totoo, bigkasin nang malakas: “Nais kong maging dakila!” Uliting muli ito sa iyong sarili, o kahit na sa tape recorder. Pakinggan kung gaano ang iyong indayog ng pagbigkas at daloy ng tunog nito. Alamin kung ito talaga ang iyong ninanais o hindi. Ang mga kataga ay mistulang mga “tingga o bala” na itinudla para tumama, sapagkat madali nitong ipinapahayag at pinatutunayan kung ano talaga ang nasa iyong isipan. Anumang kataga ang nanulas sa iyong mga labi, lalo na’t pinagdidiinan mo ito, ay nagpapakilala ng iyong kasalukuyang kabubuan; ito ang iyong pinagsanib na isip, katawan, at ispirito.
   Kung ang mahalagang konsepto ay malabo at mahirap na maunawaan, ipaliwanag ito, masidhing limiin, upang maging klaro at malinaw ang lahat. Madali nating mahuhuli kung may mantsa o  kahinaan sa ating iniisip—mga kapintasang kailanman ay hindi natin napapansin kung hinahayaan nating nakabilanggo sa ating mga isipan, at hindi binibigkas.
   Linawin natin ang anumang bagay na ating iniisip, anumang ating natututuhan, at anumang ating nalalaman tungkol sa pamumuhay. Pakawalan ang mga ito, ipahayag at sambitin nang malakas. Huwag hayaang mamalagi at nakakubli sa ating mga isipan. Kailanman na makarinig o makabasa ka ng kawatasan, isulat ito at gawing resolusyon—sapagkat kung hindi ito mangyayari, ito ay mawawalan ng saysay. Ang kaalaman ay kapangyarihan kung isasagawa mo ito, hindi lamang palaging laman ng isipan kundi hayagang bigkasin mo at isakatuparan.
   Bantayan ang inaasal ng iyong mga pananalita kung ang hangad mo ay katiwasayan ng isipan. Simulan ang bawa’t araw na pinahahalagahan at pinatutunayan ito, kuntento at may masayang saloobin. At ang lahat na daraang mga araw sa iyong buhay ay magiging kalugod-lugod, mapayapa, at matagumpay.

No comments:

Post a Comment