Pabatid Tanaw

Friday, February 28, 2014

AKO ang Tagasunod Mo



Ang mainam na batayan para makilala ang katauhan ng isang tao; ay kung papaano niya tratuhin ang mga hindi nakakatulong sa kanya, at kung papaano niya pagmalabisan ang mga walang kakayahan na 
labanan siya.

Ang sikreto ng tagumpay sa sinumang tao ay matatagpuan sa kanyang panuntunan o agenda. Ang mga tao ay yumayabong at humuhusay, hindi lamang nang ibayong lundag at katatagan, kundi sa patuloy na mumunting pagbabago. Nauunawaan nila na ang progreso ay nangyayari sa araw-araw, pulgada sa pulgada, at unti-unti hanggang sa magtagumpay. Hindi iniiwasan o hinahayaan man lamang ang mga maliliit na mga kaibahan sa maghapon na paggawa, na kung saan sa katagalan ay nakapagdaragdag ng malaking kaibahan. At ito ay madalas na nakakaligtaan ng marami sa atin.
   Ang mga turuang tao ay naiintindihan ang katotohanang ito sa paghahangad na matuto ng anumang bago at mapapakinabangan sa araw-araw. Ang isang araw ay kulang upang mahusto ang kaganapan ng mga minimithi. Kailangan ang patuloy na maraming mga araw na pagpupunyagi upang makatiyak sa hinahangad na pagbabago.

AKO ang iyong palaging kasama. AKO ang iyong maaasahang katulong o mabigat na pasanin. Magagawa kong itulak ka para lalo kang magsikhay, o kaladkarin na pababa para mabigo. AKO ay buong pusong tagasunod mo; kaninuman, saanman, at kailanman. Kalahati ng mga bagay na ginagawa mo, mangyari lamang na ibigay sa akin, at matatapos ko ito nang mabilis at kumpleto. Madali AKO na isaayos at pasunurin—kailangan lamang na matatag at tahasan ang mga inuutos sa akin. Ipakita nang eksakto kung papaano ang nais mong mangyari at sa ilang leksiyon lamang, ay magagawa ko na ito nang otomatiko. AKO ang tagapaglingkod ng lahat ng mga dakilang tao; at kalakip din nito, maging ng lahat ng mga kabiguan. Doon sa mga talunan, ginagawa ko ang mga kabiguan. Doon naman sa mga panalo, pinanatili ko ang mga tagumpay. Hindi AKO isang makina, bagama’t hindi AKO tumitigil, AKO naman ay kumikilos na tulad sa presisyon ng makina, at kalakip ang talino ng tao. Magagawa mong magnegosyo at pagtubuan ito nang malaki, o patakbuhin ito nang palugi—wala itong kaibahan sa akin. Kunin AKO, sanayin AKO, maging matatag at mahusay na makisama sa akin, at ihahandog ko sa iyong paanan ang daigdig. Subalit kung pabaya at padalus-dalos ka sa akin, wawasakin at dudurugin kita nang walang puknat, saan ka man magtungo. Dahil kung nasaan ka ay naroon AKO.
Sino AKO?AKO ang iyong ugali.
----------------------
Ang mga asal o pag-uugali na patuloy nating ginagawa sa bawa’t araw ay makakatulong o makakapinsala sa atin. Batay lamang ito kung saang direksiyon ka nakatuon. Kung nais natin ng mainam na pagbabago, nararapat lamang na matuto tayong tanggapin na ang bawa’t pagkatalo o pagkabigo ay isang leksiyon upang matuto. Harapin natin ang bawa’t pagsubok at magawang aralin ito para kaugalian sa araw-araw. Ito ang nagpapatibay at nagpapatatag para sa atin na baguhin ang mga araw sa ating buhay tungo sa katuparan ng ating mga pangarap.

No comments:

Post a Comment