Pabatid Tanaw

Tuesday, January 28, 2014

Pantasya Lamang



Ang mga bagay na hindi natin lubos na maunawaan ay mga misteryoso, mahiwaga, at pag-aaksaya lamang ng ating mga makubuluhang sandali. Isang malaking pagkakamali na pag-usapan pa ang mga bagay na wala tayong sapat na kabatiran at pawang mga komentaryo lamang.
   Sa buong buhay ko, lagi akong may patnubay ni Bathala. Binanggit ko ito hindi upang ipakilala na ako ay mabuting tao; sa katunayan, ako ay nakakatiyak na madalas akong nabibigo kaysa ang manalig sa Kanya. Magkagayunman, nadarama ko ang Kanyang pagpapala at kailanman ay hindi ko pa naranasan ang mahiwalay sa Kanya, sa bawa’t sandali ng aking buhay, bagama’t patuloy ang aking paghihimagsik kung bakit napakabigat na misyon ang iniatang Niya para sa akin.
   Sa landas na bihira ang naglalakbay, kailangan ng bawa’t isa sa atin na hamunin at patunayan ang ating sariling “diyos” at hindi kusang tanggapin ang lahat ng kinagisnan, ipinamana, iminumungkahi o isinusulsol sa atin, lalo na kung may hinihinging salapi. Ito ay nadarama at nararanasan mula sa pagmamahal, pagmamalasakit at paglilingkod sa iba. Sino ang tahasang makapagpapaliwanag kung ano ang tunay mong nadarama, ang iyong mga naging karanasan, kundi tanging ikaw lamang. Ang lahat ng iyong paniniwala at pananalig ay tanging ikaw lamang ang nakakaalam, at walang sinuman ang makakagambala para dito kung hindi mo papahintulutan. At kapag ito ang nangyari, simula na ito para maging alipin ka ng iba. Ang matakot, umasa, at magbayad sa komentaryo ng iba sa tanang buhay mo.
   Walang saysay na piliting magturo ng mga bagay na hindi maaaring ituro. Ang katotohanan ay tahasan lamang na makakamit ng bawa’t tao nang naaayon sa kanyang pananaw—na mag-isa at nasa katahimikan. Hangga’t dinadamitan at kinukulayan ang mga pangungusap ng masalimoot na mga kataga, mga dogma, at mga alituntuning makasarili, lalo lamang itong nalublob sa pusali.
   Ang higit kong nalalaman sa kabila ng lahat ng ito, ay tinatalunton ko nang walang katiyakan at wala sa katuwiran, ang makasariling landas na ito. Hindi na ito isang panag-inip—isa na itong bangungot. Kailangan kong magising at simulang tahakin ang sarili kong landas nang walang mga pakikialam, mga usisa, at mga panunulsol ng iba.

No comments:

Post a Comment