Pabatid Tanaw

Sunday, November 03, 2013

Tahasang Gawin

Kahit sino ay magagawa ang anumang bagay na maibigan para sa kanyang sarili, at kung ito ay tunay niyang ninanasa at tahasan niyang isasakatuparan. Lahat tayo ay may kakayahang makagawa ng mga dakilang bagay, dangan nga lamang, nag-aatubili tayo na gampanan ito. Ang dahilan, higit nating inuuna ang sasabihin ng iba, nag-aakala tayong mapintasan kung tayo ay mabigo. Maraming haka-haka ang pilit nating inuuna kaysa pagindapatin ang mga katangiang tinataglay natin sa ating mga sarili.
   Hangga't nakikinig tayo sa mungkahi ng iba at nagpapadala sa kanilang mga sulsol at pakikialam, nagiging baluktot at masalimoot ang daan na ating tinatalunton. Lumalabo ang direksiyong na ating patutunguhan. At sa kalaunan, ay pinaghihinaan tayo ng lakas para magsikhay pa, ... hanggang sa mawalan ng pag-asa, tuluyang sumuko, at tanggapin ang anumang kaganapan.
   Ito ang kapalaran ng mga talunan; tinanggap at kinagawian na ang kawalan ng pag-asa, ang kawalan ng kakayahan at kasiglahan na magpatuloy pa. Hindi nakapagtataka kung bakit patuloy din ang kanilang mga pagdurusa, mga paghihirap, at mga bagabag. Gayong lahat tayo ay may kapangyarihan na pumili, at piliin kung ano ang tama. Kasaganaan o Karukhaan? Kasiyahan o Kalungkutan? Kaligayahan o Kapighatian?
   Alinman dito ang piliin mo, ay siya mong kapalaran. Ikaw lamang, ang tangi at higit na nakakaalam kung ano ang tunay na dahilan kung bakit ipinagpapatuloy mo ang iyong mga ginagawa ngayon. Dahil kung hindi mo nais ang iyong kalagayan sa ngayon, walang makakapigil sa iyo na tuparin ang iyong mga pangarap. Ito naman ay kung tahasan mong ninanasa na mabago ang iyong buhay.
   Sinuman ay tunay na magiging pambihira at kapansin-pansin kapag tahasan niyang isinakatuparan ang kanyang mga pangarap. Kapag mataos at taimtim ang kanyang pananalig sa sarili na magtatagumpay siya, anumang hadlang ay kanyang malalagpasan, anumang problema ay kanyang malulunasan, at walang imposibleng bagay na hindi niya makakamtan. Kung tahasan niyang gagawin ito.

No comments:

Post a Comment