Pabatid Tanaw

Wednesday, October 16, 2013

Pambihira Ka

Ipahayag ang iyong kaibahan at mga talento; at kung nagagawa mo ito, may pagtitiwala ka sa iyong sarili na pambihira ka at talagang kakaiba.

Maging matapat sa sarili, at ang pinakamahalaga -- paniwalaan lamang ang katotohanan. Hindi hilaw o hindi kapos. Walang kulang at wala ring labis. Walang dumi, puwing o munti mang bahid. Kundi yaon lamang wagas at sakdal na katotohanan. Sapagkat dito nasasalamin kung sino ka at ang tinataglay mong pagkatao
Narito ang iyong integridad at iniingatang reputasyon. Kung wala ito sa iyo, bahagi ka ng mga naliligaw ng landas at nagpapahirap sa lipunan na iyong ginagalawan. Sa halip na solusyon, isa ka pang karagdagan sa problema.
   Kung nais na maging uliran ang pagkatao, mahalaga para sa iyo na alamin at pakalimiin ang munting tinig na patuloy na nag-uutos sa iyo. Ito ang pangunahin mong kritiko; mapagpuna, mapamintas, at mapanisi. Punong-puno ito ng naglalaban na mga opinyon, at kung wala kang pakialam at palasunod sa anumang isipan na kumakatawan dito, wala kang kontrol o anumang pagsupil sa kakahinatnan nito. Magsisi ka man ay huli na.
   Mayroon ang bawa’t isa sa atin ng kapangyarihan na pumili. At ang piliin ang tama kaysa ang mali. Dangan nga lamang, bihira natin itong ginagamit. Sa tuwing nasa panganib na tayo at wala nang magagawa pa, doon lamang natin ito inaapuhap upang magpasiya. Gayong may sapat tayong panahon para paghandaan at maiwasan ang anumang kapahamakan na darating.
   Kadalasan, ang nagpapahirap na makagawa ng tama ay ang katigasan ng kapalaluan. Kahit na mali ay ipinagpipilitan, maipakita lamang na may isang salita at paninindigan. Walang saysay ito at hungkag na pakitang tao, kahit na ang isinisigaw ng puso ay magpakumbaba at tanggapin ang kamaliang nagawa.
   Lahat tayo ay nagkakamali, kaya nga nilikha ang lapis na may pambura. Ang mainam sa lahat, aminin ang kamalian upang ito ay malunasan. Hangga’t itinatago at pinagtatakpan, tumitindi lalo ang mga kasalanan. Dahil ayaw nating mapintasan, nagiging bulag tayo sa mga pagkakataong nasa ating harapan. Humihina ang ating pananalig sa sarili at nawawalan ng pagtitiwala na magpatuloy pa. 

No comments:

Post a Comment