Pabatid Tanaw

Saturday, September 21, 2013

Papaano ba ang Maging Mahusay?


Anumang trabaho na ginagawa mo ay may kapangyarihan kang paghusayin, isantabi, at lubos na pabayaan. Aliman sa tatlong ito ay may nakalaang hantungan. Ang maging mahusay, maging palaasa, at maging pabaya. 

   Binanggit ng aking ama, "Kahit na tagawalis ka ng lansangan; at nasa puso ang pagwawalis mo, ang kahalintulad mo ay isang pintor na gumuguhit ng iyong obra sa lansangan." Ang karaniwang tao ay basta nagtatrabaho lamang para matapos ang gawain, at ang taguri sa kanya ay trabahador. Samatalang ang mahusay na tao ay nagtatrabaho nang may misyon, ang paghusayin at pagandahin ang gawain. At ang taguri sa kanya ay tagapaglikha o tagapaglingkod.

   Malaki ang pagkakaiba nito: sa trabahador; ang makatapos sa gawain at tanggapin ang pasahod ay sapat at tama na. Doon naman sa tagapaglikha, ay iniisip ang makakamtan na kapakinabangan sa ginagawa at maitutulong nito sa karamihan. Para sa kanya, ang makapaglingkod ay isang katuparan ng kanyang mga pagpapasakit para lalong paghusayin pa ang kanyang gawain.

   Ang umiiral dito ay saloobin kung papaano gagampanan ang nakaatang na tungkulin. Kung ang ninanasa ay tagumpay, makakabuting luminya sa tagapaglikha, dahil kakaunti lamang ang trapik at bihira ang dumaraan dito. Kung nais naman ay patama-tama o padaskol na pamumuhay, luminya doon sa may sangkaterbang trapik na kung saan ay nagsisiksikan ang karamihan para maging trabahador. Nandito din ang tunay na dahilan kung bakit kakaunti ang mga yumayaman at parami nang parami ang mga naghihirap. Nasa pagiging mahusay at pabaya ang malaking kadahilanan.
   Ang susi sa motibasyon ay ang hangarin, subalit ang determinasyon at pagtatangi sa walang humpay na pagsisikhay sa iyong lunggati, ang tahasang makapangyayari --ang makapaglikha at makapaglingkod para makamtan ang tagumpay na iyong minimithi.

Ikaw ay matagumpay sa sandaling simulan mo ang gawain patungo sa makabuluhang lunggati.



No comments:

Post a Comment