Pabatid Tanaw

Thursday, September 26, 2013

Lumaban!

Kilatisin ang mga kagawiang ginagamit ng isang pinuno na nakaupo sa pamahalaan, isaalang-alang ang kanyang mga motibo, matyagan ang kanyang mga libangan at kinahuhumalingan. Ang mga pinuno na ito na halal ng bayan kailanma'y hindi magagawang ikubli at malihim ang kanilang mga kabuktutan
   Isang matinding kababalaghan na lantarang ipinagyayabang ang mga yamang walang hanggan. Maraming mga mansiyon na ang mga halaga ay daan-daang milyon, maraming negosyo at mga ari-arian, gayong maliliit ang suweldo at walang kakayahan sa tamang paraan. 
   Subalit at bakit napakayaman at halos lahat ng kapamilya ay inululuklok sa katungkulan; laging nagpapalitan at walang makasagot ng tamang dahilan, kundi ang ubusin ang kaban ng bayan. 
   Hindi matantiya ni maarok man, kung bakit nagsasamantala sa salapi ng bayan, gayong sila ay pinagkatiwalaan at inihalal ng bayan, ay naging makasarili at inaatupag ang pagpapayaman.
   Wala silang mga budhi at sadyang mga gahaman, tanging pagnanakaw ang mga nasa isipan, at wala nang mga pakialam sa tunay na karaingan ng sambayanan.
   Hindi ito tama at wala na sa katuwiran; na laging may sabwatan at kampihan, sa lahat ng tanggapan ng pamahalaan. Lahat na sila mula sa Kongreso, Malakanyang at pati sa Hukuman ay pawang mga gahaman. Walang gaanong  hinuhuli at pinarurusahan, kaya ang mga makasalanan ay patuloy sa mga kabuktutan.

  Tama na! ... Sobra-sobra na! ... at Tigilan na! 
  Labanan ang mga kababuyang umiiral sa ating pulitika.

  Wakasan at lupigin ang mga nagsasamantala,
     upang ang ating bayan ay makalaya at guminhawa.
   
  

No comments:

Post a Comment