Pabatid Tanaw
▼
Thursday, September 26, 2013
Huwag Maglibang
Ang kaisipan ay nangungusap bilang kataga. Ang kataga ay nagpapakilala bilang patunay. Ang patunay ay yumayabong bilang ugali. At ang ugali ay nagpapatigas ng pagkatao. Kung kaya't maiging bantayan ang kaisipan at pakaingatan ang mga gawi nito. At hayaang sumibol mula dito ang marubdob na pagmamahal, ang walang pagkupas na pagmamalasakit, at walang sawa na paglilingkod sa lahat ng nilalang.
Kung tahasang kikilos, magagawang paunlarin ang kalagayan. Hindi ito ipinag-wawalang bahala o nilalaro para maibaling ang isipan sa mga walang katuturan para libangin ang sarili. Walang patutunguhan ang mga panandaliang aliwan, ang mga walang katuturan na mga panoorin at libangan sa telebisyon, kung laging kumakalam ang iyong sikmura at kinakapos sa buhay. Inililigaw lamang ng mga ito ang iyong landas patungo sa ibayong paghihirap.
Mag-isip at magnilay, pag-aralan ang mga bagay kung bakit walang pagbabago ang kalagayan sa buhay. Ito ang nagdudulot ng kawatasan; ang kawalan nito ay nagbubunga ng kamangmangan. Mahusay na alamin kung saan ikaw ay isinusulong patungo sa kaunlaran, o ibinabalik ka sa kahirapan. Ang mainam sa lahat ay taluntunin ang landas patungo sa karunungan. Kung magastos ang edukasyon, higit na magastos ang kamangmangan. Sapagkat patungo ito sa kapighatian at kapahamakan.
Magnilay-nilay. Limiin ang idinudulot ng kabutihan kaysa kasamaan. Dalisay na mabuhay nang walang sinumang itinatangi. Iwasan ang gumaya at mamuhay ng balatkayong mga gawi. Maging tahimik at mahinahon. Magaling na paghusayin ang mga gawain. Katulad ng buwan, lumabas mula sa likod ng mga ulap!
Magning-ning! At buong giting na itanglaw ang iyong liwanag!
No comments:
Post a Comment