Pabatid Tanaw
▼
Thursday, September 26, 2013
Hindi Mapakali
Upang matamasa ang mabuting kalusugan sa katawan at kaisipan, upang magpatuloy ang kasaganaan at makapagdulot ng tunay na kaligayahan sa sariling pamilya at maging sa sariling pamayanan, maging mapagpayapa sa lahat, at ilantad ang katotohanan. Kailangan ng sinuman na disiplinahin at supilin muna ang kanyang sariling isipan. Sapagkat maligalig ito kapag masalimoot and buhay at panatag kapag matiwasay ang buhay. Kung magagawang kontrolin ang ang sariling isipan, matutuklasan dito ang kaparaanan sa Pagkamulat, at ang lahat ng kawatasan at kawastuan ay kusang masusumpungan.
Walang maaasahan ang paghihintay at palaging nakatunganga sa iba. Ang mga taguri nito ay palaasa, pabigat, at pabaya sa sarili. Ang tunay at tanging makakatighaw lamang sa iyong pagkauhaw ay ang gumising nang tuluyan at kumilos para sa iyong kapakanan. Walang sinumang makakatulong sa iyo kung hindi mo muna tutulungan ang iyong sarili. Nasa dulo ng iyong mga kamay ang minimithi mong tagumpay.
Iwasan ang sarili na mapabilang doon sa mga tulog, natutulog, at nagtutulog-tulugan sa takbo ng buhay. Ang landas nito ay patungo lamang sa kahirapan at kapahamakan. Imulat ang mga mata at manatiling gising sa tuwina. Huwang nang maghintay at palaging umasa, kumilos na habang maaga pa.
Bago mahuli ang lahat at maging biktima.
No comments:
Post a Comment