Pabatid Tanaw

Monday, August 12, 2013

Minamahal Mo ba AKO?




Sa mag-asawa, ang pagmamahalan ay habang-buhay na pagsasama.

May nagsabi na ang buhay mag-asawa ay bilangguang walang rehas, nakatali at walang kalayaan. Hindi totoo ito--hindi nakatanikala ang pag-aasawa. Mistula itong mga sinulid, daan-daang mumunting mga sinulid ang tumatahi sa pagmamahalan nito sa pagdaan ng mga taon. Ito ang tunay na bumibigkis at nagiging kable na hindi kailanman malalagot.
Ano ang kahulugan ng kasal?
   Pag-iisang dibidib ng dalawang kaluluwa na maging isa. Sa tuwa at lungkot ay magkasalo tuwina. Sa hirap at ginhawa laging magkasama. Walang kupas ang pagmamahalan; ngayon, bukas, at magpakailanman.

   Kung nais mo ang tunay na bukluran ng puso na manatili magpakailanman, tratuhin ito nang may kaibahan. May pananggalang at pinaka-iingatan. Hindi kailanman inaabuso. Hindi inilalantad at hinahayaan sa hampas ng mga intriga at pagpuna. May ibayong paggalang na hindi ordinaryo o ginagawang karaniwan. Kung mabatikan o kinalawang; patuloy na kinikinis upang kumintab at manatili ang kislap. Mapagparaya at walang pagmamaliw. Nagiging espesyal sapagkat ito ang layunin, at tumitingkad nang ibayong ganda. At nagiging napakahalaga sa paglipas ng panahon.

Sa buhay ng mag-asawa:
Ang babae: Ang puso niya ang isa sa pinaka-magandang mga bagay sa mundo. Mababasag ngunit malakas. Marupok ngunit matatag. Kapag ibinigay niya ang kanyang puso; ipinagkakaloob niya ang kanyang angking pagkatao. Kung mamahalin, aarugain, pagyayamanin, at pakaka-ingatan ito, ibibigay niya sa iyo ang daigdig.  Solusyon: Huwag unawain at mahalin lamang.

Ang lalake: Ang tunay na anyo ng pag-ibig ay nasa kanyang puso. Iginagalang ngunit inuunawa. Hinahayaan ngunit pinupuri. Ginagawa ang salita hindi dinidiktahan. Minamahal hindi  kinokontrol. Kung hindi tatalian, pupunahin, sisisihin, at kagagalitan; at sa halip ay inaaruga at pinapahalagahan, ibibigay niya ang buong kaluluwa sa paglilingkod.  
Solusyon: Kilalanin at unawain lamang.

Ang mabuting pagsasama ay yaong pinahihintulutan ang bawa’t isa para sa pagbabago at pagyabong nito; at sa paraan na ipinapahayag ang kanilang pag-iibigan.

Sa mag-asawa, ang pagmamahalan ay habang-buhay na pagsasama.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment